Pagbebenta ng mga Lutong Ulam ang Ikinabubuhay ng Mag-iinang Ito; Paano na Lamang Kung Mawala ang Ina?
Hindi masabi ni Leona kung talaga bang masarap ang luto ng kanilang inang si Aling Mameng, ngunit madalas ay nauubos ang kanilang mga panindang ulam sa kanilang puwesto sa harapan ng bahay.
Para kasi sa kaniya, tipikal lamang ang lasa ng mga itinitinda nito, gaya ng adobo, sinigang, nilaga, chopsuey, at kung ano-ano pa. Walang espesyal.
Pero batay sa komento at pidbak ng kanilang mga kapitbahay, napakasarap daw ng mga lutong ulam na itinitinda nila; sa murang halaga ay nairaraos na ang tanghalian at hapunan.
Madiskarte ang kanilang nanay. Simula nang iwanan sila ng kanilang ama at sumama sa ibang babae, hindi huminto sa pag-iisip ng ikabubuhay sa kaniyang mga anak si Aling Mameng. Hindi siya nakapagtapos ng pag-aaral kaya hindi siya makapag-aaplay sa mga trabahong may mataas na requirements para dito.
At dahil mahusay siyang magluto, ito ang ginamit niya upang mabuhay at mapag-aral ang tatlong anak na sina Leona, Raymond, at Angelo. Nagtayo ito ng maliit na puwesto sa tapat ng kanilang bahay at nagtinda ng mga lutong-ulam.
Kapag hapon naman, sumasama si Leona sa paghahatid nito ng mga meryenda sa isang bangko at opisina sa bayan. Napapakyaw rin ang mga paninda nitong pangmeryenda gaya ng ginataang bilo-bilo, ginataang mais, lugaw, champorado, lomi, o kung anuman ang maisipan nitong lutuin.
Sa murang edad ay tinuruan na ni Aling Mameng ng pagluluto ang kaniyang mga anak.
“Lalo ka na Leona, babae ka, kapag ikaw ay nag-asawa, responsibilidad mo bilang ina at asawa na magluto nang masarap para sa pamilya mo,” laging sinasabi sa kaniya ni Aling Mameng.
Bagama’t tinuturuan naman ng kaniyang ina, hindi pa rin makuha-kuha ni Leona ang timpla ng pagluluto ni Aling Mameng. Minsan, nahahalata pa nga ito ng kanilang mga kapitbahay na suki na nila.
“Si Leona ang nagluto nito, Aling Mameng?”
“Masarap naman pero hindi timpla ni Aling Mameng ito.”
Isa pa sa mga pinakaayaw na ugali ni Aling Mameng ay ang nagsasayang ng pagkain. Kahit hindi mo gusto ang ulam o putaheng inihain, kailangan mo itong ubusin.
“Wala kayong karapatang magtapon o magsayang ng pagkain, hindi tayo mayaman. Magpasalamat kayo at may nakakain tayo. Maraming nagugutom,” laging ipapaalala sa kanila ng ina.
“Eh hindi naman po namin kasalanan kung may nagugutom…”
“Anong sabi mo, Angelo?”
“Ay wala po, ‘Nay. Sabi ko po, kasalanan po ang pag-aaksaya ng pagkain.”
Ngunit isang araw ay nagulat na lamang sila nang biglang mahapo ang kanilang ina pagkatapos magluto. Mabuti na lamang at nailapag na nito ang bitbit na malaking kaserolang kinalalagyan ng panindang dinuguan.
Agad na ipinangko ng mga magkakapatid ang kanilang inang tila nahihilo. Kumuha si Raymond ng bentilador at itinutok sa mukha ng ina samantalang si Angelo naman ay kumuha ng isang basong tubig na malamig.
Akala nila, karaniwang pagkahapo lamang ang nangyari sa ina. Iyon pala, may malubha na pala itong sakit na itinago sa kanila.
Kaya pala minsan, mabigat ang katawan nito sa pagbangon sa umaga upang magluto.
Kaya pala madalas, nahihilo ito.
May malubhang sakit pala ito sa obaryo. Nagulat ang magkakapatid, maging ang kani-kanilang mga kapitbahay, nang isang araw ay hindi na magising pa si Aling Mameng.
Binawian ito ng buhay habang payapang natutulog.
Tatlong araw ang naging burol at bumaha ng tulong at pakikiramay para sa tatlong magkakapatid na naulila. Binalak ng kanilang Tiyo Gio, kapatid ng kanilang ina, na ampunin na lamang sila, subalit tumanggi si Leona.
“Kami na pong bahala, Tiyo. Kaya na po namin ang mga sarili namin. Kaya ko na pong alagaan at buhayin ang mga kapatid ko,” matatag na sabi ni Leona sa kanilang tiyuhin.
“Paano kayo ng mga kapatid mo?”
“Ipagpapatuloy ko lamang po ang pagbebenta ng mga lutong ulam,” wika ni Leona.
Nang mailibing ang kanilang ina, hindi na nagmukmok pa si Leona. Ginugol niya ang isang araw upang mag-ensayo kung paano magagaya ang lasa at timpla ng mga luto ng kaniyang ina.
Kinabukasan, nagulat ang mga kapitbahay nang makitang may mga nakahaing kaldero at kaserola sa harapan ng bahay nila.
Lumabas ang nakangiting si Leona.
“Akala namin ang nanay mo eh… parang hindi siya nawala,” sabi nila.
Mas nagulat sila nang matikman na ang mga panindang ulam na si Leona mismo ang nagluto.
“Leona, parang luto ng nanay mo! Ang sarap. Nakuha mo na ang timpla niya. Namana mo na,” papuri ng mga bumibili sa lutong ulam.
“Opo. Matiyaga po akong tinuruan ni Nanay. Isa pa, nag-iwan po talaga siya ng cookbook sa akin na siya mismo ang nagsulat,” nakangiting bida ni Leona. Ipinakita niya sa kanila ang cookbook na ginawa ni Aling Mameng.
Manghang-mangha naman ang mga kapitbahay nila. Para silang maiiyak nang makita ang mga sulat-kamay ni Aling Mameng.
Sa pamamagitan ng pagluluto ni Leona, pinanatili niyang buhay ang kaniyang ina, na mananatili hindi lamang sa kani-kanilang mga sikmura at panlasa, kundi sa kanilang mga puso at isipan.