Pinagbabawalan Siya ng Nobyo na Magsuot ng Seksing Damit; May Iba na Palang Nagpapagana Rito

Pakiramdam ni Aida, siya na ang pinakamagandang babae sa balat ng lupa dahil sa labis na pag-aalaga at pagmamahal na pinapakita ng kaniyang nobyo. Bukod sa hindi ito pumapayag na hindi siya ihahatid at susunduin sa trabaho, ayaw na ayaw din nitong may makakakitang ibang lalaki sa dibdib, hita, at kahit braso niya dahilan upang ganoon na lamang siya kiligin. Lalo pa siyang kinikilig sa tuwing pinagsasabihan siya nito tungkol sa kaniyang pananamit.

“Aida, mahal ko, pupwede ka namang magsuot ng sexy na damit kagaya ng shorts at sleeveless, basta siguraduhin mo lang na nasa bahay ka at walang tao bukod sa’yo,” payo nito sa kaniya. 

“Bakit ba, mahal? Ano bang masama sa pagsusuot ng ganoong klaseng damit? Ayaw mo bang makita ang kaseksihan ko? Hindi ba’t doon ko nabihag ‘yang puso mo?” sunod-sunod niyang tanong dito.

“Ayon na nga, mahal, eh, doon mo ako nabihag. Kaya ayokong may mabihag ka pang ibang lalaki. Ang gusto ko, ako lang ang makakakita niyan. Kaya pupwede ba, magpalit ka na ng paraan ng pananamit mo? Kahit ako na ang bumili ng lahat ng damit na susuotin mo, huwag ka lang magsuot ng mga damit na para bang kinulang sa tela,” paliwanag naman nito na labis niyang ikinatuwa kaya siya’y agad na nagpalit ng damit saka sila tuluyang umalis.

Simula nang araw na iyon, hindi na siya nagsusuot ng mga seksing damit lalo na kapag aalis sila ng kasintahan niyang ito. Manang man sa paningin ng iba ang paraan ng pananamit niya, ayos lang ito sa kaniya lalo na’t alam niya, ito ang makapagpapanatag sa kaniyang minamahal. 

Isang araw, maaga siyang nagising upang mag-ayos ng sarili. Balak nila ngayong magkasintahan na magpunta sa Tagaytay upang ipagdiwang ang unang taon ng kanilang pagmamahalan. Katulad ng nakasanayan niya, kaunting make-up lamang ang inilagay niya sa kaniyang mukha upang lumitaw ang tunay niyang ganda saka siya naghanap ng damit na sasakto sa panlasa ng kaniyang kasintahan.

“Ayos na siguro itong jacket saka pantalon, ano? Tutal, malamig naman sa pupuntahan namin! Gusto ko sanang magsuot ng shorts, eh, para kasing mas bagay sa jacket na ito,” sabi niya sa sarili habang pinagmamasdan ang kaniyang suot sa salamin, “Kaso, huwag na lang baka magalit pa ang aking komander!” dagdag niya pa saka na siya agad na lumabas ng bahay upang hintayin doon ang kaniyang kasintahan.

Pagkalabas niya ng bahay, bumungad na kaagad sa kaniya ang naturang binata. Nakaupo lamang ito sa motor habang gumagamit ng selpon dahilan upang magpasiya siyang gulatin ito. Dahan-dahan siyang naglakad palapit dito habang tatawa-tawa dahil alam niyang tiyak na magugulat ito. 

Advertisement

Kaya lang, habang siya’y papalapit, siya ang tila nagulat nang makitang may ka-video call pala itong babae na nakasuot ng seksing damit. Narinig niya pang sabi ng babae, “Kailan mo ba ako pupuntahan ulit dito, baby? Sabik na sabik na ako sa’yo!” dahilan para sadya siyang magpakita sa kamera nito, “O, nand’yan na ‘yong mommy mo, baby, mamaya na lang ulit tayo mag-usap, ha? Kapag hindi ako nakatiis, ako na ang pupunta sa bahay mo!” paalam nito na talagang ikinabato ng kaniyang nobyo.

“Kaya ba ayaw mo nang magsuot ako ng seksi na damit dahil may ibang babae nang nagpapagana sa’yo?” agad niyang sigaw dito habang nagmamadali itong magtago ng selpon.

“Hindi, mahal, nagkakamali ka! Wala ‘yon! Kaibigan ko lang ‘yon!” tanggi pa nito habang siya’y pilit na niyayakap.

“Kaibigan? Pero baby ang tawag sa’yo? Huling-huli ka na, nag-aakila ka pa! Hanggang kailan mo ako balak lokohin, ha?” mangiyakngiyak niyang sabi rito.

“Pasensya na, Aida, mahal naman talaga kita, eh, sadyang hindi ko lang nagawang umiwas sa ganoong klaseng tukso,” pagtatapat nito.

“Sa sinabi mong ‘yan, napatunayan ko lang na hindi mo talaga ako mahal! Umalis ka na rito bago pa kita ipabugb*g sa mga kapitbahay ko! Manloloko!” sigaw niya pa rito dahilan para magmadali itong umalis at hindi na kailanman magpakitang muli sa kaniya.

Wala siyang ibang ginawa simula noon kung hindi ang magkulong sa kaniyang bahay at umiyak nang walang hanggan. Pilit niyang iniisip kung anong mali o kulang sa kaniya at nang mapagtanto niya, sa tulong ng kaniyang ina, na walang mali at kulang sa kaniya, paglipas ng halos isang buwan, doon na siya nagpasiyang muling tumayo at ibalik ang dati niyang alindog.

Kagaya ng pananamit niya noon, siya’y muling nagsuot ng seksing mga damit. Hindi para makabingwit muli ng lalaki kung hindi upang pagandahin ang kaniyang sarili at itaas ang kaniyang tiwala sa sarili.

Advertisement

Sandamakmak man na kalalakihan ang muling nagkakandarapa sa kaniya, ni isa’y wala na siyang pinansin dahil ayaw niya na muna ulit makaramdam ng sakit na tila sisira sa ulo niya.

“Ang tunay na lalaking magmamahal sa akin, hahayaan akong magpaganda at hindi ako hahadlangan sa paraan ng pananamit ko!” wika niya sa sarili habang nakatingin sa malaki niyang salamin.