Araw-araw Niyang Tinititigan at Pinanonood ang Dalagang Nag-eehersisyo; Ito pala ang Makapagpapatino sa Kaniya

Tipikal na araw para sa isang construction worker na si Carding ang araw ng Lunes. Maaga siyang nagtungo sa lugar na pinagtatrababuhan nila upang makatulong sa pagbababa ng mga semento sa trak. Palagi siyang tumutulong sa mga ganitong uri ng gawain upang may pandagdag kita.

Bukod pa roon, wala rin naman kasi siyang gagawin sa kaniyang bahay kung hindi humilata at maghintay ng takdang oras ng kaniyang trabaho. Hindi katulad dati noong may kinakasama pa siya, halos isang oras o higit pa siyang nahuhuli sa trabaho dahil gustong-gusto nitong makasama siya buong araw.

Ito ang dahilan kaya ganoon na lamang siya kung tuksuhin ng mga katrabaho.

“Itong si Carding, dati halos araw-araw kalahating araw lang pumapasok sa trabaho tapos ngayong wala na siyang nobya, parang dito na gustong tumira sa construction site!” sabi ni Kiko, ang kaniyang kababata na ubod ng pilyo habang sila’y nagbababa ng mga materyales sa trak.

“Paano ba naman, iniwan na ng nobya!” tawang-tawa pang sabi ng isa niyang katrabaho na ikinakunot na ng noo niya.

“Mabuti pa talaga ako, pagod man sa trabaho, may naghihintay namang nobya sa bahay! Aba’y kahit pagod ako, nagkakaenerhiya pa akong mag-ehersisyo sa kama!” sabat pa ng isa na talagang ikinailing niya na lamang.

“Manahimik nga kayo riyan! Imbes na tuksuhin niyo ako, hanapan niyo na lang ako ng babae! Ilang buwan na rin akong nagsasarili!” sambit niya sa mga ito habang ngingisi-ngisi pa.

“Carding, kaya ka siguro palaging naiiwan dahil hinahanap mo ang pag-ibig! Hayaan mong dumating sa’yo nang kusa! Pambihira kang bata ka! Baka iyan pa ang makapagdala sa’yo sa kapahamakan!” sigaw sa kaniya ng pinakamatanda roon dahilan upang sila’y magtawanan.

Advertisement

Habang abala silang nagbababa ng mga materyales mula sa trak, napansin niyang may isang dalagang nag-eehersisyo sa rooftop ng isang bahay, hindi kalayuan sa construction site na pinagtatrababuhan niya.

Ibang klase ang gandang taglay nito na kahit pawisan na dahil sa pag-eehersisyo, mukha pa rin itong anghel na mula sa langit at dahil nga sa sabik na siya sa babae, hindi na niya naiwasang pigilin ang sarili sa pagpapakita ng hindi kaaya-ayang aksyon habang nag-eehersisyo ito.

May pagkakataon na kahit na alam niyang napapatingin na ito sa kaniya, todo tingin pa rin siya sa katawan nito. May araw pang tatambay din siya sa rooftop ng ginagawa nilang gusali upang malapitan niyang makita ang dalaga saka niya kakagatin ang labi niya upang ipakita rito ang pagnanasang nararamdaman niya.

Ramdam na ramdam man niyang naiilang na ang dalaga, patuloy niya pa rin itong ginagawa hanggang sa hindi na siya talaga nakapagpigil, gumawa na siya ng isang bagay na talaga nga namang magiging dahilan ng pagsisisi niya.

“Itatago mo ‘yan o ipuputok ko sa ulo mo ang baril na ‘to?” sabi ng isang ginoo habang nakatutok sa ulo niya ang baril na hawak nito, “Anak, ito ba ‘yong nangbabast*s sa’yo?” sigaw nito sa anak na patuloy na nag-eehersisyo. 

“Opo, daddy! Araw-araw ‘yang nagpapakita ng kabast*san sa akin!” sumbong pa nito kaya agad nitong ikinasa ang hawak na baril. 

“Pasensya na po, sir, hindi ko po napigilan ang sarili ko,” pagmamakaawa niya rito.

“Nasa sarili ko nang pamamahay ang anak ko, nagagawa mo pa talagang b*stusin? Mamili ka, hijo, pagsisisihan mo ang ginawa mo sa kulungan o tatapusin ko ang buhay mo?” galit na sigaw nito sa kaniya. 

Advertisement

“Magsisisi na lang po ako sa kulungan, sir, maawa na po kayo!” mangiyakngiyak niyang sabi saka lumuhod sa harapan nito.

“Sabi mo, eh,” nakangising sagot nito saka tinawag ang mga kasamang pulis na nasa ibaba ng gusali, “Mga bata, dalhin na ‘to sa presinto!”

“Ang liit-liit ng kargado mo, ipapakita mo pa sa anak ko?” sabi pa nito sa kaniya bago siya tuluyang isinakay sa patrol na labis niyang ikinahiya.

Dahil nga sa kasalanang ginawa niya, siya’y agad ngang nakulong at nasistensyahan ng isa hanggang tatlong taong pagkakabilanggo na talagang ikinapanghina ng kaniyang tuhod.

Katakot-takot na pagmamakaawa man ang kaniyang ginawa, ni isa’y walang pinakinggan ang naturang ginoo. Sabi pa nito, “Ipapakulong kita hindi lang dahil anak ko ang nabiktima mo, kung hindi dahil bilang opisyal, gusto kong magkaroon ng ligtas na bayan kung saan hindi kailangan matakot ng mga kababaihan sa mga lalaking katulad mo,” na labis na nagbigay sa kaniya ng pangongonsenya.

Sising-sisi man siya sa kaniyang nagawa, wala na siyang ibang magawa kung hindi pagdusahan ang kalokohan niya at habang-buhay na itanim sa kokote niya ang aral na ngayo’y pinagdadaanan niya.