Inday TrendingInday Trending
Ipinagtabuyan ng Ginang ang “Ampon” ng Kaniyang Asawa; Hindi Niya Akalaing Pagsisisihan Niya Ito sa Huli

Ipinagtabuyan ng Ginang ang “Ampon” ng Kaniyang Asawa; Hindi Niya Akalaing Pagsisisihan Niya Ito sa Huli

Salubong ang kilay ng ginang na si Helen habang pinagmamasdan ang mister na si Henry at ang ampon nitong si Pete na masayang nagkukumpuni ng sasakyan. Tinawag niya ang anak na si Jude upang pagsabihan.

“Tingnan mo ang dalawang ‘yan! Papayag ka bang tuluyan nang agawin ng ampon na ‘yan ang daddy mo? Pumunta ka roon sa garahe at ikaw ang tumulong sa daddy mo!” utos ni Helen sa binatang anak.

“‘Ma, gustong-gusto kong tulungan si daddy kaso talagang bantay sarado siya ng ampon na ‘yan! Simula nang inuwi ni daddy ang lalaking iyan ay hindi na siya umalis sa tabi ni daddy. Kayo kasi, e. Ang tagal n’yong umuwi mula Amerika. Kung anu-anong kalokohan na tuloy ang ginawa ni daddy,” sagot naman ni Jude.

“Dalawang taon lang akong nawala, anak, dahil may mga kailangan akong asikasuhin sa negosyo. Saan ba talaga napulot ng daddy mo ang lalaking ‘yan? Huwag kang mag-alala at babantayan ko ang kilos nila. Hindi ako papayag na madehado ka dahil ikaw ang tunay na anak,” saad pa ng ginang.

Labis na nanggagalaiti talaga si Helen kay Pete. Harap-harapan na nga niya itong pinapalayas ngunit pinipigilan lang ni Henry.

Isang araw ay nagsumbong si Jude sa kaniyang ina dahil hindi man lang daw siya pinaboran ng kaniyang ama noong magtalo sila ng ampong si Pete. Sa sobrang galit ni Helen ay deretsahan niyang kinompronta ang binata.

“Hoy, sampid! Ang kapal din ng mukha mong makipagtalo sa anak ko, ‘no? Bakit? Ano ba sa tingin mo ang posisyon mo sa bahay na ito? Baka nakakalimutan mong hindi ka namin kadugo!” bulyaw ni Helen.

“H-hindi naman po ako nakikipagtalo kay Jude. Pinagsasabihan ko lang po siya tungkol sa pakikipag-usap kay Tatay Henry,” depensa ni Pete.

“At sino ka sa akala mo para pagsabihan ang anak ko? Ama niya ang kinakausap niya! Sariling dugo at laman! Kaya huwag kang makialam, kutong lupa ka, dahil hindi ka parte ng pamilyang ito! Bakit ba kasi hindi ka na lang bumalik sa pinanggalingan mo? Bakit nagsusumiksik ka sa pamamahay na ito? Siguro ay umaasa kang pamamanahan ka ng asawa ko, ano? Hanggang narito ako’y ni daliri mo’y hindi makakalapit sa kayamanan namin!” nanggigigil na salita muli ng ginang.

Pilit na nagpapaliwanag si Pete ngunit sarado na ang isip ni Helen. Sa tingin niya’y pilit nitong inaagaw ang atensyon ng asawa mula sa kaniyang anak.

Dahil hindi na nakatiis pa si Helen ay kinausap na niya ang kaniyang asawa.

“Bakit ba narito pa ‘yang sampid na ‘yan sa pamamahay ko? Palayasin mo na ‘yan, Henry, kung ayaw mong magkasira tayong dalawa!” sambit ni Helen.

“Mabuting bata si Pete. Saka isa pa, napapakinabangan naman siya sa pamamahay na ito. Hindi naman siya pabigat. Wala na rin siyang babalikan pa dahil wala na siyang mga magulang. Nawala ang mga magulang niya dahil sa makinarya ng ating kompanya nang paalisin sila sa ating lupa. Hindi ko naman maaatim na may isang binata ang masisira ang buhay nang dahil sa atin,” paliwanag pa ni Henry.

“E, ‘di bigyan mo na lang ng pera at palayasin mo na rito! Hindi ‘yung patitirahin mo pa siya rito at itinuturing mo pang parang sarili mong anak. Tingnan mo tuloy si Jude, lumalayo ang loob sa iyo dahil sa mga ginagawa mo!” saad muli ng misis.

“Mas matimbang pa rin si Jude sa puso ko, Helen, dahil anak ko siya. Ngunit may mga bagay lang talaga na mas panatag ako kay Pete. Sa katunayan ay gusto kitang kausapin tungkol diyan sa anak mong ‘yan,” dagdag pa ng ginoo.

Nais sanang magsabi ni Henry ng kaniyang mga saloobin ngunit hindi na nakinig pa ang misis.

“Sisiraan mo rin ang anak natin dahil sa panlalason sa isip mo ng sampid na ‘yan?! Hindi ako makapaniwala, Henry, sa mga naririnig ko sa iyo. Kausapin mo na lang ako kapag may pagpapahalaga ka na kay Jude!” galit na wika muli ni Helen.

Ilang beses nagtangka si Henry na kausapin ang misis ngunit lalo lang dumadagdag ang galit nito kay Pete. Lalo na nang makita niyang tuluyan nang napapalayo ang loob ni Henry sa kaniyang anak.

Isang gabi ay napukaw ang atensyon ng ginang nang marinig na pag-aaway ng kaniyang mag-ama sa tanggapan.

Paglabas ni Jude ay labis ang galit nito.

“Bakit na naman kayo nag-aaway ng daddy mo? Dahil na naman ba sa sampid na lalaking iyon?” tanong ni Helen sa anak.

“Ewan ko riyan kay daddy, talagang nabilog na ng ampon niya ang kaniyang utak! Wala nang halaga ang lahat ng sinasabi ko sa kaniya!” saad ni Jude.

Sa galit ni Helen ay pinalayas niya sa kanilang pamamahay si Pete. Inalsabalutan niya ang mga gamit ng binata at saka ipinaghahagis sa labas.

“Lumayas ka rito at sinisira mo ang pamilya ko! Lumayas ka!” nanggagalaiting sambit ng ginang.

“H-hindi po maaari. Kailangan po ako ni Tatay Henry!” pilit ni Pete.

Ngunit wala nang nagawa pa ang binata nang ipadampot siya sa mga guwardiya ng subdivision at saka ibinigay sa mga pulis upang ikulong.

Sa pagkawala ni Pete ay buong akala ni Helen ay matatahimik na ang buhay nilang mag-anak. Hanggang kinaumagahan ay nakita na lang niyang wala nang buhay ang kaniyang mister.

Labis na nagulantang si Helen. Hindi niya alam ang kaniyang gagawin dahil sa masalimuot na nangyari sa kaniyang asawa.

“Pinasok ata ang bahay natin! May tama ng baril ang daddy mo!” hiyaw ni Helen sa anak.

Nais sanang pagbintangan ni Helen ang sampid na gumawa nito sa kaniyang asawa ngunit imposible dahil nakakulong ito. Maging ang mga pulis ay magpapatunay na hindi nakalabas ng piitan ang binata.

Naging palaisipan sa ginang kung sino ang tunay na gumawa nito sa kaniyang mister gayong wala naman itong kaaway.

Ilang araw ang lumipas at nailibing na ang ginoo. Sa paghahalungkat ni Helen sa mga gamit ng asawa’y nakita niya ang diary nito. Habang binabasa niyang biglang tumayo ang kaniyang balahibo sa kaniyang natuklasan. Agad siyang tumungo sa himpilan ng pulisya upang kausapin si Pete.

“Totoo ba ang lahat ng ito? Maaaring ang anak naming si Jude ang may kagagawan sa pagkawala ng asawa ko?” umiiyak na tanong ni Helen.

Malungkot na tumango si Pete.

“Sa loob ng dalawang taong na nasa Amerika kayo ay hindi naging maganda ang pagtrato ni Jude sa kaniyang ama. Sa katunayan, kaya hindi ko maiwan si Tatay Henry ay dahil ilang beses na niyang pinagtangkaan ang buhay nito. Nalulong sa hindi magandang bisyo si Jude at napasama sa masasamang barkada. Dahil sa dami ng kaniyang atraso at utang ay palagi niyang ginigipit si Tatay Henry. Hanggang sa natuklasan niyang mapapasakanya ang lahat ng yaman ninyo kung mawawala sa kaniyang landas ang kaniyang ama. Matagal nang nais sabihin ito sa inyo ni Tatay Henry dahil maging siya ay natatakot para sa inyong buhay,” pahayag pa ni Pete.

Napahagulgol na lamang ang ginang dahil sa kaniyang nalaman. Natatandaan nga niyang ilang beses siyang pilit na kinausap ng asawa tungkol sa kanilang anak ngunit hindi siya nakinig. Sa pagkakataong iyon, mabigat man sa kaniyang dibdib ay kailangan niyang ipadampot ang anak upang ito ay maparusahan.

“Patawad dahil ikaw lang pala itong nagmamalasakit ngunit ikaw pa itong ipinakulong ko. Kung nakinig lang ako kay Henry at kung pinakinggan lang din kita’y buhay pa sana ang asawa ko. Hindi ko lubos akalain na ang gagawa pa ng masama sa amin ay ang sarili naming anak!” pagtangis pa ng ginang.

Dinampot si Pete sa salang pagtapos sa buhay ng kaniyang ama. Napatunayan nga ng hukuman na ito ang may sala sa karumal dumal na pangyayari. Ngayon ay nasa likod na ito ng rehas.

Samantala, tinitibayan naman ni Helen ang kaniyang loob upang bigyan ng hustisya ang namayapang asawa at itama ang mga mali ng kaniyang anak. Labis ang kaniyang pagsisisi at paghingi ng tawad kay Pete na tunay na nagmamalasakit sa yumaong mister.

Advertisement