Inday TrendingInday Trending
Sagad Hanggang Buto ang Panghahamak ng Ginang sa Dalagang Pamangkin; Mapapahiya Siya sa Bwelta ng Kapalaran

Sagad Hanggang Buto ang Panghahamak ng Ginang sa Dalagang Pamangkin; Mapapahiya Siya sa Bwelta ng Kapalaran

Napipigilan si Lourdes na pumunta sa kaarawan ng kaniyang pinsang si Valerie dahil alam niyang makikita na naman siya ng tiyahin na si Cora at wala na namang tigil ito sa pagsasalita sa kaniya nang masama. Kung hindi lang siya pinipilit ng kaniyang ina ay hindi talaga siya pupunta.

“Samahan mo na ako, anak. Hindi ko rin naman gustong pumunta doon dahil alam mo naman ang ugali ng Tiya Cora mo. Pero dadalo rin ang iba nating mga kamag-anak. Sulitin na natin ang pagkakataong ito para makasama sila,” wika ng inang si Perla.

“Kung ako lang talaga ang masusunod, ‘nay, ay hindi na talaga tayo pupunta sa pagdiriwang na ‘yan. Mamaliitin na naman tayo ni Tiya Cora. Lalo naman ako. Ipaparamdam na naman niya sa akin na hindi ako mabuting pinsan para kay Valerie. Kahit na ayaw ko rin namang makipaglapit sa pinsan ko na ‘yun. Masyadong hambog at maarte tulad ng kaniyang nanay!” saad pa ng dalaga.

“Huwag ka nang magsalita ng hindi maganda tungkol sa kanila, anak. Matuto ka na lang na magpakumbaba. Ilang oras lang naman ang piging. Tingnan mo na lang ang ibang mga tiyo at tiya mo na nais kang makita,” dagdag pa ng ina.

“Nagsasabi lang naman po ako ng totoo, ‘nay, masasama naman talaga ang ugali ng mag-ina na ‘yun!” saad pa ni Lourdes.

Hindi nga nagkamali ang dalaga at kung anu-ano na naman ang hindi magandang sinasabi sa kanila ng kaniyang Tiya Cora. Lalo na kaniya. Ginagawa pa siyang halimbawa nito sa pinsang si Valerie.

“Tingnan mo ang buhay n’yang si Lourdes. Hindi man lang nakatungtong ng kolehiyo kaya imposibleng maging maayos ang kaniyang buhay. Kaya pilit kitang pinagtatapos, Valerie. Pinag-aaral kita sa magandang unibersidad nang sa gayon ay maaayos at mayayamang tao ang nakapaligid sa’yo!” pagpaparining ni Cora.

“Hinding-hindi naman talaga ako gagaya d’yan kay Lourdes. Wala siyang pangarap, ‘ma! Saka hindi na talaga kaya ng utak niya ang mag-aral ng kolehiyo. Pupusta ako na sa katayuan niya sa buhay ay tricycle driver ang mapapangasawa niya,” natatawang wika naman ni Valerie.

Hindi maiwasan ni Lourdes ang mapakunot ang noo. Kahit na palagi kasi itong ginagawa sa kaniya ng mag-ina ay hindi niya maiwasang masaktan. Sagad hanggang buto kasi ang pang-aalipusta ng mga ito.

Sa tuwing may salu-salo ay halos ayaw na talagang dumalo ni Lourdes. Napipilitan na lang talaga siya dahil sa pakikisama ng kaniyang ina.

Isang araw, habang nagbabantay ng tindahan sa palengke ay may nakilalang isang lalaki itong si Lourdes, si Ben. Laging nagtatagpo ang kanilang landas sa palengke dahil naghahatid ito ng mga gulay doon. Mula noon ay palagi na siya nitong pinupuntahan.

“Ben, umamin ka nga sa akin! Para saan ba ang palagi mong pagpunta-punta rito? Bakit lagi mo akong binibigyan ng pagkain, bulaklak at mga regalo? Hindi ko naman gusto ang mga ito!” tanong ni Lourdes sa binata.

“Hindi pa ba halata, Lourdes? Pinapakita ko sa iyo na gusto kita. Gustong gusto kita. Sa katunayan ay nais ko nang pormal na umakyat ng ligaw sa bahay ninyo. Nais kong magpaalam din sa nanay mo na liligawan na kita,” sagot naman ni Ben.

“Ayaw mo ba sa akin, Lourdes, dahil delivery boy lang ako? Alam ko namang hindi maipagmamalaki ang trabaho ko pero kahit kailan ay hindi naman kita sasaktan,” dagdag pa ng binata.

“Hindi ‘yun, Ben, ngayon lang kasi ako nagkakilala ng lalaking handang humarap sa nanay ko para ligawan ako. Sana’y hindi magbago ang pagkadalisay sa puso mo,” nakangiting wika ng dalaga.

Mula noon ay nagsimula na ngang manligaw si Ben kay Lourdes hanggang sa tuluyan na ring nahulog ang kaniyang loob at sinagot ito.

Nang mabalitaan ni Cora na may nobyo na ang pamangkin ay walang patid ang pagkukwento nito sa ibang kaanak.

“Imbes na tulungan si Perla’y walang ginawa kung hindi kumerengkeng. Siya na nga lang pag-asa ng nanay n’ya tapos ay nagnobyo agad. Ilang araw lang ay mababalitaan nating buntis ‘yang si Lourdes!” sambit ni Cora.

“Kaya ikaw, Valerie, huwag kang makikipag-usap man lang sa malanding babaeng ‘yun! Walang kapanga-pangarap sa buhay. Hahanap na lang ng lalandiin ay taga-deliber lang daw ng gulay sa palengke pa!” dagdag pa ng ginang.

Upang lalong ipahiya itong si Lourdes ay inimbitahan ni Cora ang pamangkin at ang nobyo nito.

“Inimbitahan mo ba ang nobyo mong manager nang sa gayon ay maipagyabang naman kita sa mga kamag-anak natin? Makikita nila ngayon ang layo ng antas ninyo ni Lourdes. Lalo na sa pagpili ng lalaki,” sabik na wika ni Cora.

Dumating si Lourdes kasama ang nobyong si Ben. Ang ibang kaanak ay naging maayos naman ang pakikitungo sa binata.

“Iyan na ba ang nobyo mong maggugulay sa palengke? Pipili ka lang ng magiging kasintahan ay ‘yung mahirap pa. Ano na lang ang kinabukasan mo sa kaniya, Lourdes? Hindi mo tularan itong si Valerie ko. Maya-maya ay makikita mo ang nobyo niya. Manager ‘yun ng isang malaking farm. Direktang nagtatrabaho sa haciendero. Ibig sabihin ay malakas ang kapit. Ganyan ang gayahin mo!” pagmamalaki ni Cora.

Ilang sandali lang ay dumating na ang nobyo ni Valerie sakay ng isang kotse. Lahat ay napalingon sa gara ng sasakyan. Kinikilig naman sa tuwa ang mag-inang matapobre dahil sa wakas ay may isa na naman silang ipagyayabang.

Sinalubong ni Valerie ang nobyo at buong pagmamalaking ipinakilala sa lahat. Ngunit wala man lang siyang balak na ipakilala ito kay Lourdes at Ben.

“Huwag mo nang intindihin ang dalawang iyon, wala naman silang binatbat,” wika pa ng dalaga.

Ngunit patuloy ang pagtanaw ng binata sa nobyo ni Lourdes. Hanggang sa hindi na ito nakatiis at nilapitan si Ben.

“Sir, a-ano po ang ginagawa ninyo sa party na ito? May kilala po ba kayo rito? Hindi ko inaasahan na magkikita tayo ngayon dito,” saad ng binata.

“A-anong “sir” ang sinabi mo riyan, love? Maggugulay lang sa palengke ang lalaking iyan. Nobyo siya ng pinsan kong walang pinag-aralan!” saad pa ni Valerie.

“Love, siya ang amo ko. Siya ‘yung kinukwento ko sa’yong binata pa’y haciendero na. Malaki ang lupain ni sir sa probinsya. Hindi lang ‘yan, marami rin siyang mga negosyo at pag-aari dito sa Maynila,” dagdag pa ng binata.

Hindi makapaniwala ang lahat sa kanilang narinig. Lalo na si Lourdes dahil buong akala niya’y delivery boy lamang ang kaniyang kasintahan.

“Totoo ba ang sinasabing ito ng nobyo ng pinsan ko? Haciendero ka talaga? N-ngunit paanong nangyari? Nakikita kita lagi sa palengke na nagdedeliver ng mga paninda,” nagugulumihanang tanong ni Lourdes.

“Sumama lang ako noon sa mga tauhan ko dahil gusto ko ngang makita ang kalakaran sa pagbebenta ng gulay. Tapos ay nakita kita. Una pa lang kitang nakilala ay nabighani na ako sa’yo. Lalo na nang malaman kong napakabait mo. Hindi ko naman gustong itago ang tunay kong pagkatao, pero paano ko sasabihin sa iyo na ubod ng simple ang marangya kong buhay? Baka itaboy mo ako o hindi naman kaya’y layuan mo ako dahil magkaiba ang mundo nating ginagalawan. Isa pa sa nagustuhan ko sa iyo’y hindi ka nasisilaw ng anumang yaman. Natutuhan ko rin ang maging masaya sa simpleng bagay simula nang makasama kita,” pahayag ng binata.

Lahat lalo ay nabigla nang malaman na ang tunay na mayaman pala ay ang nobyo nitong si Lourdes.

Halos manghiram ng mukha sa aso ang mag-inang Cora at Valerie dahil sa labis na kahihiyan sa sobrang panlalait at pang-aalipusta sa kawawang si Lourdes.

Lumipas ang isang taon ay niyaya ni Ben si Lourdes na magpakasal at sumama nang manirahan sa kaniyang hacienda kasama ang inang si Perla.

Samantala, kakahanap ni Valerie ng mas mayaman sa napangasawa ni Ben ay napunta siya sa isang banyagang wala ring yaman at madalas pa siyang saktan.

Bandang huli’y si Lourdes at Ben pa ang tumulong kay Valerie upang mapawalang bisa ang kasal nito sa mapang-abusong asawa.

Sadyang mapaglaro ang buhay. Ngunit lagi nating tatandaan na ang pag-aangat sa sarili at panghahamak sa kapwa ay may katumbas na karma.

Advertisement