Tinulungan ng Balong Sastre ang Marungis na Pulubi; Ilang Taon ang Makalipas ay Ibabalik Nito ang Kabutihan
Sa muling pagbubukas ng patahian ay hindi napigilan ni Lydia ang mapaluha dahil muling nanumbalik sa kaniya ang alaala ng nasirang mister. Katuwang niya ito sa pagpapatakbo ng kanilang negosyo. Magaling itong sastre at magiliw rin sa mga tao kaya naman dinarayo talaga sila. Kaya naman ganoon na lang kabigat ang kaniyang nararamdaman sa tuwing nakikita niya ang bawat sulok ng kanilang patahian.
“‘Nay, kaya n’yo po ba talagang magtrabaho ngayon? Isarado muna po natin ang patahian kahit ilang araw pa nang sa gayon ay makapagpahinga kayo,” saad ng anak na si Nancy.
“Hindi na, anak. Ayos lang ako. Normal lang naman na makaramdam ako ng ganito dahil dalawang linggo pa lang nawawala ang tatay mo. Pero tulad ng sinasabi niya, hindi p’wedeng tumigil ang buhay natin. Maraming umaasa sa ating mga kostumer,” wika pa ng ginang.
Lubos na nag-aalala si Nancy sa kaniyang ina. Batid kasi niyang pilit lang nitong nilalabanan ang lungkot.
Nagpatuloy lang sa pagtatrabaho si Lydia kasama ang anak. Minsan ay hindi pa rin niya maiwasan ang maluha sa tuwing naaalala ang kaniyang asawa.
Isang araw, habang abala sa pagtatahi ng mga damit ay nakarinig ang mag-ina ng pagtatalo sa labas. Sa lakas ng ingay ay napasilip tuloy sila.
“Hindi ba’t ‘yung barbero sa tapat ‘yung isang lalaki, ‘nay? Sino kaya ang kaaway niya?” pagtataka ni Nancy.
“Parang kilala ko nga ang pulubi na ‘yan. Sa tingin ko ay nakita ko na siya ngunit hindi ko matandaan kung saan!” saad naman ni Lydia.
Patuloy na pinagtatabuyan ni Mang Ador ang naturang pulubing lalaki. Hindi na nakatiis si Lydia dahil wala man lamang umaawat.
“Tama na ‘yan, Ador! Ano ba ang dahilan kung bakit mo pinagtatabuyan ang pulubing iyan?” awat ng ginang.
“Kanina ko pa kasi pinapaalis dito sa barberya ko dahil gustong magpagupit ngunit wala namang pera! Ang hirap-hirap kumita ng pera tapos gusto niya ng libre!” sigaw naman ni Mang Ador.
“Heto ang singkwenta pesos, Ador, hayaan mo na siyang magpagupit at ako na ang magbabayad. Kawawa naman ang lalaking iyan,” sambit muli ni Lydia.
“Ay, hindi ko gugupitan ang lalaking iyan kahit bigyan mo pa ako ng isang libong piso! Humanap siya ng ibang barberya!” galit pang wika ni Mang Ador.
Kinausap ni Lydia ang naturang pulubi.
“Heto ang isang daang piso para makapagpagupit ka ng buhok. Isabay mo na rin ang pagpapaahit. Huwag ka na riyan sa barberya ni Ador dahil hindi rin naman ‘yan magaling,” biro pa ni Lydia.
Nahihiya man ang pulubi ay tinanggap nito ang pera.
Samantala, sa ipinakitang ito ni Lydia ay labis na humanga si Nancy.
“Pareho po talaga kayo ni tatay, ‘nay, mabuti talaga ang mga kalooban n’yo,” saad ng dalaga.
“Nakikita ko kasi lagi sa tatay mo kung gaano niya kagustong tumulong sa ibang tao. Kaya iyon din ang manahin mo sa kaniya,” wika ng ina.
Bandang gabi ay akmang magsasara na ng patahian ang mag-ina nang biglang may isang lalaki ang kumatok sa kanilang tindahan.
“Pasensya na po, ginoo, at sarado na po kami. Bumalik na lang po kayo bukas,” saad ni Lydia.
“G-ginang, ako po ito, ‘yung lalaking tinulungan n’yo kanina. Dumaan lang po ako rito para magpasalamat,” saad ng ginoo.
“Aba’y oo nga! Naku, hindi kita nakilala. Ibang-iba na ang hitsura mo! Magaling ang gumupit at umahit sa’yo,” nakangiting saad ng ginang.
“Maraming salamat po sa inyo. Ako nga po pala si Frank. Ang tagal ko na po kasing nais na baguhin talaga ang aking hitsura nang sa gayon ay makapaghanap po ako ng trabaho. Sa tingin ko naman po’y may tatanggap na sa akin. Hindi na sila matatakot,” wika pa ng lalaki.
“Naghahanap ka ng trabaho? May susuotin ka na ba? Hindi ka matatanggap kung ganyan ang hitsura mo. Sandali lang at kukuha ako ng mga damit nang may magamit ka,” saad muli ni Lydia.
Kumuha ang ginang sa mga damit ng kaniyang dating asawa.
“Tamang-tama pala sa iyo ang sukat ng mister ko. Sige na at sa iyo na ‘yan! Swertehin ka sana sa paghahanap ng trabaho,” dagdag pa ng ginang.
Hindi alam ni Frank kung paano magpapasalamat kay Lydia sa kabaitan nito.
Lumipas ang ilang taon at hindi na muling nagtagpo ang dalawa. Dahil unti-unti nang dumami ang mga bilihan ng damit sa paligid ng patahian ay naging matumal na ang nagpapatahi sa mag-ina. Hanggang sa isang araw ay tuluyan na nga itong nalugi.
“Huwag na po kayong umiyak, ‘nay, sigurado po akong may iba pang plano sa atin ang Diyos. Kung gusto n’yo pa pong magtahi ay gawin n’yo rin. Maghahanap na lang po ako ng ibang trabaho nang sa gayon ay makatulong ako sa inyo,” saad pa naman ni Nancy.
“Pinaghirapan namin ng tatay mo na itayo ang patahiang ito. Dito nagsimula ang lahat ng aming pangarap. Ito na lang ang kaisa-isang alaala niya sa akin. Pakiramdam ko’y nabigo ko siya,” lumuluhang sambit ni Lydia.
“Hindi po totoo ‘yan, ‘nay. Ginawa n’yo naman ang lahat ng makakaya n’yo. Siguro ay panahon na rin para makapagpahinga kayo. Huwag na po kayong mag-alala at ako na po ang bahala,” dagdag pa ng dalaga.
Mabigat man sa loob ay kailangan nang ibenta at tuluyang lisanin ni Lydia ang naturang patahian.
“‘Nay, bago daw po tayo umalis ay nais tayong makilala ng bumili nitong tindahan,” saad pa ni Nancy.
Maya-maya ay may dumating na sasakyan at lulan nito ang bumili ng patahian. Pagbaba nito ay agad na ibinigay ni Lydia ang susi sa bagong may-ari.
“Aling Lydia, hindi ko po matatanggap ang susing iyan. Sa inyo po ‘yan. Itago n’yo na po,” saad ng lalaki.
Laking pagtataka ni Lydia sa sinabi ng ginoo. Nang pakatitigan niya ito’y naalala niya ang pulubing kaniyang tinulungan noon.
“Frank, ikaw na ba ‘yan? Hindi na talaga kita nakilala pa!” gulat ng ginang.
“Ako nga po, Aling Lydia. Nang malaman ko pong binebenta n’yo ang patahian niyo’y hindi ako nag dalawang isip na bilhin ito para sa inyo. Kayo po ang dahilan kung bakit narito ako ngayon sa aking kinalalagyan. Kung hindi dahil sa kabutihan ninyo’y baka nasa lansangan pa rin ako hanggang ngayon,” saad ni Frank.
“Ako na po ang bahala sa pagpapaayos ng tindahan ninyo. Gagawa po tayo ng plano nang sa gayon ay makasabay kayo sa mga tindahan ng damit sa paligid ninyo. Bubuhayin natin ulit ang inyong negosyo, dahil alam kong marami pa ang inyong matutulungan,” dagdag pa ng ginoo.
Labis ang pasasalamat ni Lydia at ng kaniyang anak sa kabaitang isinukli ni Frank. Ngunit mas lubos na nagpapasalamat ang ginoo dahil sa kabutihan ng ginang ay nagbago ang takbo ng kaniyang buhay.