Ayaw Niyang Binubusog ng Kaniyang Asawa ang Kanilang Anak sa Gatas Kapag Sila’y Nasa Publiko; Nawindang Siya sa Sermon ng Biyenan Niya

Kasintahan palang ng binatang si Shin noon ang dalagang si Lovely nang mapansin ng ilan, partikular na ng kani-kanilang pamilya, ang pagkakonserbatibo niya rito. Bago pa man siya pumasok sa isang relasyon kasama ang dalagang nagbigay kulay sa kaniyang mundo, nakita na niya kung paano ito manamit. 

Seksi at talagang halos wala na itong saplot kapag mag-iinom ito sa bar kasama ang mga kaibigan nitong ganoon din kung manamit. Sa katunayan, ang pananamit na iyon ng dalaga ang siyang umakit sa kaniya dahilan upang isang araw, abangan niya ito sa naturang bar at doon ay yayaing matulog sa hotel.

Katulad ng ibang mga mayayamang walang pakialam sa kanilang buhay, masaya nilang pinagsaluhan ang gabi at doon na nabuo ang kanilang pagmamahalan na agad ding nauwi sa kasalan. Mabilis man ang mga pangyayari sa buhay nila, laking tuwa naman nila nang walang naging aberya sa kani-kanilang pamilya dahil sila’y pawang mayayaman at nagkasundong maging magkasosyo sa negosyo upang mas lalong mapagtibay ang kanilang pagmamahalan.

Simula nang magdalantao ang kaniyang asawa, pinagbawalan niya na itong magsuot ng mga seksing damit. Katwiran niya noon, “Baka maipit ang baby natin, mahal. Kailangan maluluwag na damit na ang suotin mo,” na agad naman nitong sinunod dahil na rin sa pagsang-ayon ng kani-kanilang ina. 

Kahit ang totoo, ayaw niya lang na makita ng iba, kahit mga kapatid niyang lalaki ang kagandahan ng kaniyang asawa. May pagkakataon pang tuwing sa bahay nila ito natutulog, hindi siya mapakali dahil iniisip niyang baka bigla itong bast*sin ng kaniyang mga kapatid o kahit ng kaniyang ama.

“Ano ka ba naman, mahal? Bakit naman iyon gagawin sa akin ng pamilya mo?” natatawang sabi na lang palagi ng kaniyang asawa.

Hanggang sa dumating na ang araw na pinakahihintay nilang lahat. Pumutok na ang panubigan ng kaniyang asawa at ito’y agad nang dinala sa ospital.

“Ayokong may lalaking nars o doktor na papasok dito habang nanganganak ang asawa ko!” sigaw niya pa sa mga tao sa ospital upang masiguro lamang na siya lang ang lalaking makakakita sa katawan nito.

Advertisement

Buong akala ng kani-kanilang pamilya at pati na rin ng kaniyang asawa, pagkasilang ng kanilang anak ay bahagya na niyang luluwagan ang pagtrato sa asawa ngunit kahit pagpapas*so nito sa harap nino man ay kaniyang pinagbabawal.

“Kung nagugutom ‘yang batang ‘yan, magpunta ka rito sa kwarto at dito mo siya busugin! Hindi ‘yong ilalawit mo ‘yang dibdib mo sa harap ng pamilya ko! Inaakit mo ba sila, ha?” galit niyang sigaw dito nang isang araw, habang sila’y sabay-sabay nananaghalian ay nagpas*so ang kaniyang asawa.

“Nababaliw ka na ba talaga, Shin? Pati pamilya mo pinagseselosan at pinaghihinalaan mo na! Hindi ko alam kung pagmamahal pa ‘to o pagiging…” hindi na nito natapos ang sasabihin dahil agad na niyang hiniklat ang buhok nito.

“Sige, sabihin mo!” bulyaw niya pa rito.

“Tama na, tama na, Shin!” pagmamakaawa nito.

“Subukan mong suwayin ang utos ko, hindi lang ‘yan ang mararanasan mo! Baka gusto mo pati ‘tong batang ‘to, makaranas kung paano ako magalit!” pagbabanta niya pa na labis nitong ikinatakot.

Kaya naman, kinabukasan, nang dumalaw sa kanilang bahay ang pamilya ng babae at umiyak sa harapan nilang lahat ang baby, agad itong nagpaalam na pumasok sa kanilang silid.

“Ay, bakit, hija? Dito ka na lang magpas*so, pamilya naman lahat tayo rito. Normal lang naman sa isang ina…” biglang napatigil sa pagsasalita ang ina ng babae nang makita nitong kung gaano katakot ang kaniyang asawa, “Huwag mong sabihing pati pagpapas*so niya sa publiko ay pinagbabawalan mo, Shin?” agad nitong sigaw sa kaniya.

Advertisement

“Hindi naman po sa ganoon, mama, ayaw ko lang pong mab*stos siya,” pangangatwiran niya pa. 

“Mababast*s? Sinong babast*s sa kaniya sa pamamahay na ito? Saka, kahit nasaan pa kayo, kapag umiyak ‘yang anak niyo, hayaan mo siyang busugin ito ng gatas! Mag-isip ka nga, Shin! Gusto mo ba talagang maging asawa ng anak ko at ama ng apo ko? Handa ka ba talaga? Dahil kung hindi, babawiin ko na silang dalawa sa’yo ngayon pa lang!” sermon nito sa kaniya na ikinatungo na lang ng kaniyang mga magulang na walang magawa sa ugali niya.

“Pasensya na po kayo,” nakatungo niyang sagot.

“At bakit gan’yan katakot sa’yo ang anak ko, ha? Sinaktan mo ba siya? Gusto mo bang kasuhan kita ngayon na?” banta pa nito dahilan para siya’y agad na mapaluhod sa harapan nito at agad na humingi ng katakot-takot na pasensya.

“Isang beses pang makita kong may takot sa mata ng mga anak ko, bubulukin kita sa kulungan!” sigaw pa nito sa kaniyang tainga, “Anak, pasus*hin mo na rito ang apo ko!” utos nito sa kaniyang asawa na agad naman nitong sinunod.

Dahil sa pangyayaring iyon, kahit na lingid pa rin sa kaniyang kagustuhan ang gawaing iyon ng isang ina para sa anak na nangangailangan ng gatas, unti-unti niya itong pinag-aralang tanggapin kaysa mawala sa kaniya ang taong nagbigay ng kulay sa kaniyang mundo.

Sinimulan niya na rin itong muling amuhin at mahalin na talagang nagbigay ng kaginhawaan sa loob nito. Wala na rin siyang sinayang na oras at agad na niya itong tinulungan alagaan ang kanilang anak.

Sa ganoong paraan, mas naunawaan niya ang responsibilidad ng isang ama at natutuhan niya itong gampanan sa araw-araw niyang pagbibigay ng oras at atensyon dito.

Advertisement

Nang makita ng kaniyang biyenan ang malaki niyang pagbabago, muli itong bumalik sa pagiging mabait sa kaniya at siya’y labis nitong hinangaan na talagang nagbigay ng saya, kapayapaan, at pagmamahal sa kanilang lahat.