Inday TrendingInday Trending
Kinalaban Niya sa Negosyo ang Kapatid Kahit Ito ang Naging Daan Upang Magkaroon Siya ng Puhunan; Malalamangan Niya Nga Kaya Ito? 

Kinalaban Niya sa Negosyo ang Kapatid Kahit Ito ang Naging Daan Upang Magkaroon Siya ng Puhunan; Malalamangan Niya Nga Kaya Ito? 

Nang mawalan ng trabaho ang ginang na si Mailyn simula noong tumaas ang bilang ng mga taong nagkakasakit at malugi hindi kalaunan ang restawrang pinagtatrababuhan niya, hindi na niya tinantanang ungutan ang panganay niyang kapatid na isang negosiyante.

Walang araw na hindi siya pumunta sa bahay nito para lang mangutang, manghingi ng pagkain, at pilitin itong isama siya sa pagnenegosyo kahit pa wala naman siyang maipangpupuhunan.

“Ate, sige na, maawa ka na sa akin. Alam mo namang kakahiwalay lang namin ng asawa ko at ako lang ang inaasahan ng mga anak ko, ate. Tulungan mo naman ako, walang-wala na talaga ako, eh. Ayoko namang palagi na lang akong nanghihingi ng pagkain sa’yo para matugunan ang kalam ng sikmura ng mga anak ko,” pagpapaawa niya pa rito.

“Paano ba naman kasi ang gagawin ko sa’yo, Mailyn? Ang tagal-tagal mong may trabaho, ni piso, wala kang naipon! Hindi naman pupwedeng isama kita sa negosyo ko nang wala kang pera kahit na pangpuhunan, ako naman ang malulugi roon,” mahinahong paliwanag nito sa kaniya.

“Gawin mo na lang akong reseller mo, ate. Iaalok ko ang mga paninda mo tapos hati tayo sa tubo!” tugon niya na ikinakamot na lang nito ng ulo.

“O, ‘di ba? Imbes na ang buong tubo ay akin na, hahatian pa kita,” iiling-iling nitong sagot.

“Sige na, ate, alam ko namang hindi mo ako matitiis, eh!” tuwang-tuwa niyang wika.

“Ano pa nga ba? O, ito, ibenta mo ‘tong sampung tray ng itlog. Kapag ‘yan, naibenta mo, may limang daang kita ka na riyan,” bilin nito na talagang ikinasabik ng puso niya.

“Da best ka talaga, ate! Asahan mong magkakayod ako nang maigi!” sigaw niya bunsod ng kasiyahan saka niya ito mahigpit na niyakap.

Ilang araw din siyang naging reseller ng itlog ng kaniyang kapatid dahilan upang ganoon na lamang siya kumita ng pera upang matugunan ang pang-araw-araw na pagkain ng kaniyang mga anak.

Kaya lang, isang araw, habang siya’y nag-aalok ng itlog sa barangay na tinitirhan ng kaniyang kaibigan, nalaman niyang mas mababa ang bigayan ng itlog doon.

“Dito na lang kaya ako sa inyo kumuha ng itlog na ibebenta ko, ‘no? Mataas kasi ang bigay sa akin ng ate ko kaya konti lang ang tubo ko,” sabi niya sa kaibigan.

“Naku, kakalabanin mo ang negosyo ng ate mo?” pag-aalala nito.

“Bakit hindi? Kapatid na niya ako tapos tinutubuan niya pa ako nang malaki kaya tuloy kakaunti ang tubo ko sa isang tray ng itlog!” inis niyang sabi.

“Aba, malamang, Mailyn, siya ang namumuhunan sa inyo, ‘di ba?” tanong pa nito.

“Kahit na! Kung gusto niya talaga akong tulungan, hindi na niya ako tutubuan!” sigaw niya pa rito dahilan para ito’y manahimik at hindi na rin siya awatin sa pakikipag-usap sa may-ari ng naturang itlugan.

Simula noon, mas pinili na niyang umangkat ng itlog sa negosiyanteng iyon kaysa sa kaniyang kapatid. Wala naman siyang pinagsisisihan noong mga unang araw dahil talagang malaki ang kaniyang kinikita, kaya lang, paglipas ng isang buwan, napansin ng kapatid niyang hindi na siya dumadalaw sa bahay na ikipag-alala nito kaya siya’y dinalaw nito sa bahay.

At doon na nga nito nabisto ang kataksilang ginawa niya. Imbis na humingi siya agad ng pasensya nang makita nitong may sandamakmak na itlog siyang nakalatag sa harap ng bahay niya, sabi niya pa rito, “Pati kasi ako minamagulang mo sa negosyo, eh, ayan tuloy kinalaban kita,” na talagang ikinainit nito ng ulo.

“Ako pa pala ang may kasalanan, ano? Pwes, sana magtagumpay ka sa desisyon mong iyan, Mailyn, dahil kapag bumagsak ka ulit, hinding-hindi na kita tutulungan!” sigaw nito sa kaniya na ikinatawa niya lang dahil ngayo’y tiwala siyang hindi na siya muling mawawalan pa ng kita.

Doon pala siya nagkakamali dahil ilang buwan lang ang lumipas, dahil kumalat sa kanilang barangay na malaki ang kinikita niya sa pagbebenta ng itlog, marami ang gumaya sa kaniya at sila’y nag-agawan ng mga kustomer.

Unti-unti siyang nalugi hanggang sa ang mga inangkat niyang itlog ay nabulok ng lahat at hindi na niya nagawang maibalik pa ang inilabas niyang pera rito.

“Diyos ko, hanggang kailan aabot ang natitirang isang libong piso sa pera ko?” iyak niya nang araw na kaniyang malaman na lahat ng kaniyang itlog ay bulok na.

At dahil nga iisang tao lang ang alam niyang may kayang mapalago ang perang mayroon siya, kahit siya’y na nahihiya, lumapit siyang muli sa kaniyang kapatid.

Buong akala niya’y agad siyang papaalisin nito ngunit siya’y labis na nagulat nang sabihin nitong, “May bago akong produktong binebenta na hindi nabubulok o nasisira baka gusto mo ring magbenta para may pangkain kayo ng mga anak mo.”

“Hindi ka galit sa akin, ate?” nakatungong tanong niya rito.

“Galit ako sa’yo, Mailyn, pero magagalit din kasi sa akin si nanay kapag nalaman niyang hindi ko tinutulungan ang bunso niya. Baka mamaya, dalawin pa ako noon o kaya’y isama sa langit,” biro nito na talagang ikinaiyak niya na lang sa sobrang tuwa. Wala na siyang ibang nasabi sa kapatid kung hindi, “Salamat, ate,” habang yakap-yakap niya ito nang mahigpit.

Iyon na ang naging simula nang pagiging tapat niya sa kaniyang kapatid. Patuloy silang nagtulungang dalawa hanggang sa magkaroon na sila ng sari-sariling pwesto sa palengke at mall na talagang nagbigay daan upang parehas na guminhawa ang kanilang buhay.

“Salamat, ate, wala kang katulad! Da best ka talaga kahit kailan!” tuwang-tuwa niyang sabi sa kapatid nang makabili sila parehas ng sariling bahay at lupa.

Advertisement