Hindi Nakatanggap ng Ayuda ang Mag-anak na Mahirap; Tingnan ang Gagawin ng Kapitbahay Nilang May Kaya sa Buhay
Maliliit pa ang dalawang anak ng mag-asawang Dina at Anton, kaya naman kahit katirikan ang araw ay palagi nilang kasa-kasama ang mga ito sa kanilang paghanap-buhay. Magbobote ang dalawa. Ito na ang pinagkakakitaan nila buhat nang magpasiya silang hanapin ang suwerte nila sa Maynila, mula sa kanilang probinsya noon.
May sarili silang bahay at maayos naman ang pamumuhay nila noon sa kanilang probinsya, ngunit nagsimulang magkanda letse-letse ang lahat nang tawagan sila ng isa sa mga tiyahin ni Anton noon upang alukin ito ng trabaho. Agad namang naengganyo ang mag-asawa, lalo na nang pangakuan sila nito ng malaking sahod kada buwan at libre ’di umanong tirahan, na kalaunan ay napag-alaman nilang hindi naman pala totoo!
Huli na nang mapagtanto nilang niloko lamang sila ng tiyahin ni Anton. Naibenta na nila noon ang sarili nilang bahay at lupa sa probinsya habang ang perang nakuha nila mula roon ay nakulimbat pa ng sakim at ganid na kamag-anak nilang iyon! Doon na nag-umpisa ang kalbaryo ng mag-anak, na sinundan pa buhat nang pumutok ang pagkalat ng sakit na kalaunan ay naging pand*mya. Dahil kasi doon ay nawalan ng trabaho ang karpinterong si Anton, kaya naman nagkasya na lamang sila sa pangangalakal upang mayroon silang makain.
Araw ng bigayan ng ayuda, ngunit nakaligtaan pa ’yon ng mag-asawa. Hindi sila nadatnan ng mga kawani ng barangay sa kubong tinitirahan nila kaya naman hindi sila naambunan ng tulong mula sa kanilang lokal na pamahalaan. Halos manlumo tuloy ang mag-asawang Dina at Anton. Mukhang magkakasya na naman sila sa lugaw na halos araw-araw na lang nilang kinakain.
“Dina, Anton!” dinig nilang tawag sa kanila ng kanilang kapitbahay na si Aling Pinang. Ito rin ang may-ari ng kubong tinutuluyan nila ngayon.
“Po, Aling Pinang?” sagot naman ni Anton sa kanilang mabait na kapitbahay.
“Wala kayo r’yan kanina noong namigay ng ayuda. Sinubukan ko kayong ihingi doon sa mga kawani ng barangay pero ayaw nilang ibigay, dahil kailangan daw nilang makitang may nakatira nga r’yan sa kubo,” malungkot na sabi pa ni Aling Pinang.
“Oo nga ho, Aling Pinang, e. Sayang at wala pa naman kaming kinita buong maghapon, dahil napakatumal ng kalakal. Heto’t magkakasya na lamang ho kami sa lugaw na naman,” kakamot-kamot sa ulong tugon pa ni Dina, na bagama’t nakalulungkot ang kanilang sitwasyon ay nakuha pang idaan na lamang ’yon sa tawa.
“Naku, walang problema ’yan. Ibibigay ko na lang sa inyo ’yong sa akin,” nakangiti namang sagot ni Aling Pinang na ikinagulat ng mag-asawa. Nagkatinginan pa sila.
“Naku, hindi po ba kailangan din ninyo ’yon? E, Aling Pinang, mag-isa lang ho kayo d’yan,” nahihiya namang pagtanggi nila kahit pa alam naman nila na may kaya sa buhay ang ginang. Sadyang ayaw lamang talaga nilang abusuhin ang kabaitan nito sa kanila.
“Sus! Napakarami ko namang nakukuhang sustento mula roon sa mga anak ko. Halika na sa bahay at kunin mo ’yong sampung kilong bigas at iba pang groceries na ibinigay kanina ng barangay.” Sumenyas pa na animo nagyayaya si Aling Pinang kaya naman hindi na nakatanggi pa si Dina. Sumunod na lamang siya nang igiya siya nito papasok sa tahanan nito.
Animo hinaplos ang puso niya dahil sa ipinapakita ng mabait nilang kapitbahay. Ni hindi ito nag-iisip na baka may gawin siyang hindi maganda kapag pinapasok siya nito sa loob ng bahay nito, lalo pa at mukha siyang gusgusin. Kung sa iba ’yon ay pag-iisipan na siyang ‘magnanakaw’ kahit na wala naman siyang balak na gawin ’yon.
Ilang saglit pa ay iniabot na sa kaniya ni Aling Pinang ang sampung kilong bigas. Sa isa pang nakahiwalay na plastic bag ay naroon naman ang napakaraming mga de lata, toyo, suka, instant noodles, kape, gatas at asukal na talaga namang kailangang-kailangan nila ngayon. Bukod doon ay pinasunod din ni Aling Pinang si Anton upang kunin naman ang isang tray ng itlog, sabong panlaba at pampaligo, shampoo, toothpaste at kung anu-ano pang mga pangunahing pangangailangan nila!
Doon pa lang ay alam na ng mag-asawa na hindi naman ’yon galing sa kanilang lokal na pamahalaan kundi sa mismong sari-sari store na pagmamay-ari din ni Aling Pinang! Halos maiyak si Dina sa labis na pasasalamat sa kanilang mabait na kapitbahay. Hindi nila inaasahan na sa kabila ng kamalasang dumapo sa kanila ay susuwertehin naman sila sa makikilala nilang katuwang, na bagama’y hindi sila nito kadugo at itinuring na silang pamilya.
Kapalit naman ng kabutihan ni Aling Pinang sa mag-anak ay sinikap ni Dina at Anton na pagsilbihan ito, lalo pa at nangangailangan na ito ng katulong dahil hirap na itong kumilos dulot ng katandaan. Sila ang naging tungkod ng mabuting kapitbahay nila sa loob ng mahabang panahon. Animo sila naging isang buong pamilya na nagmamahalan at nagtutulungan na kalaunan ay siyang tinularan naman ng iba pa nilang kapitbahay sa lugar na ’yon.