Inday TrendingInday Trending
Wala raw Pangarap ang Tindero ng Fishball na Ito Ayon sa Kaniyang mga Kaanak; Magugulat Sila sa Matutuklasan Tungkol sa Kaniya

Wala raw Pangarap ang Tindero ng Fishball na Ito Ayon sa Kaniyang mga Kaanak; Magugulat Sila sa Matutuklasan Tungkol sa Kaniya

Pagpatak na pagpatak pa lamang ng alas kuwatro ng hapon ay nakapuwesto na agad si Gel, sa kanto ng subdibisyong iyon kung saan din siya naninirahan. Matagal na siyang tindero ng fishball doon kaya naman marami na siyang suki at doon na siya inaabangan ng mga ito. Buhat kasi nang sumakabilang buhay ang kaniyang ama, na siyang nag-iisa niyang kasama sa buhay, ay nagkasya na lamang siya sa pagtitinda ng fishball at iba’t ibang klase ng turo-turo, tulad ng ikinabubuhay noon ng kaniyang ama. Hindi na rin kasi siya nakapag-aral pa. Mahirap kasi ang buhay at hindi niya kayang mag-isang buhayin noon ang sarili, lalo pa at labing isang taong gulang pa lamang siya nang maulila siyang lubos.

Tulad ng dati, nang hapong iyon ay nakapuwesto na si Gel sa kanto. Siya namang pagdaan ng isa sa kaniyang mga pinsan, kasama ang mga kabarkada nito na nang mapansin siya ay biglang nagtanong, “P’re, pinsan mo ’yan, hindi ba?” tila nakakalokong tanong ng nasabing barkada nito sa kaniyang pinsan.

Bigla namang kumunot ang noo nito. “Hindi , a! Hindi ko nga ’yan kilala!” anas pa nito sabay sulyap nang masama sa kaniya upang ipahiwatig na huwag na huwag siyang kokontra sa sinabi nito.

Napailing naman si Gel sa ginawa ng pinsan. Ganoon pa man ay ipinagkibit-balikat na lamang niya ito at nagpatuloy sa pagtitinda. Sanay na siya sa ganoong mga pagtrato sa kaniya ng kaniyang mga kaanak. Kahit noon pa mang nabubuhay ang kaniyang ama ay hindi naman siya naging malapit sa mga ito.

Mababa ang tingin nila sa kaniya. Animo siya basura kung kanilang ituring. Para kasi sa kanila ay ‘wala raw siyang pangarap sa buhay’ katulad ng palagi nilang sinasabi. Minamata siya ng mga ito. Palibhasa ay wala siyang tinapos. Ganoon pa man ay pinili na lamang ni Gel na patigasin ang kaniyang puso para sa mapanakit nilang mga patutsada upang hindi siya gaanong maapektuhan sa tuwing may sasabihing hindi kaaya-aya tungkol sa kaniya ang mga ito.

Hindi naman kasi totoo ’yon. Kilala ni Gel ang sarili. Siya ang nakakaalam na mayroon siyang pangarap, ’di tulad ng sinasabi ng mga ito! Hindi lang nila alam, pero bata pa lang siya ay nangangarap na siyang magkaroon ng magandang negosyong matagal na rin naman niyang pinag-iipunan.

Sampung taon na ang nakalilipas buhat nang magbukas siya ng account sa bangko kung saan niya ilalagay ang kaniyang mga ipon. Sampung taon na rin niyang hindi ginagalaw ang mga ’yon kaya naman bukod sa lalo pa ’yong nadaragdagan ay tumaas na rin ang interes niya roon!

Sa pag-iipon niya ng limang libo kada buwan, sa loob ng sampung taon ay nakapagpalago na siya ng pera sa bangko na ngayon ay umaabot na sa mahigit kalahating milyon! Iyon ang binabalak niyang gamitin upang umpisahan ang negosyong bigasan sa bayan na matagal na rin niyang pinapangarap na matupad! At ngayon ay malapit na niya ’yong makamit, matapos niyang lihim na paumpisahang ipagawa ang kaniyang tindahan.

Lumipas ang mga araw at sa wakas ay magbubukas na ang bigasan ni Gel. Lingid ’yon sa kaalaman ng mapangmata niyang mga kaanak kaya naman nang sa isang iglap ay nabalitaan nilang siya ang may-ari no’n ay ganoon na lang ang kanilang pagkabigla! Hindi sila makapaniwala na ang ‘fishball vendor’ na noon ay tinatawag lang nilang ‘walang pangarap’ ay nakapagpatayo na ng isang negosyong mabilis din nitong napalago dahil sa taglay nitong sipag at tiyaga.

Daig pa ni Gel ang mga pinsan niyang nakapagtapos ng kurso sa kolehiyo, na ngayon ay sumasahod lang ng minimum, dahil sa lakas ng bentahan ng kaniyang tindahan. Bukod pa roon, isa pang negosyo ang pinatatayo niya, gamit ang natirang perang naipon niya noon at ng kita niya ngayon sa bigasan.

Hindi rin alam ng mga ito na mayroon siyang nobya, na matagal din niyang pinaghintay bago niya inalok ng kasal. Gusto niya kasing maayos muna ang buhay niya bago siya pumasok sa isang mas seryosong relasyon kasama ang dalaga.

Sising-sisi tuloy ang mga kaanak ni Gel ngayon. Halos wala silang mukhang maiharap sa tuwing makakasalubong nila siya dahil tila ba kinain nila ang kanilang mga panlalait sa kaniya noon. Hindi naman na naisip pang pagyabangan ni Gel ang mga ito. Para sa kaniya ay sapat na ang asensong tinatamasa niya bilang ganti sa pang-aapi ng mga ito sa kaniya noon.

Advertisement