Sinurpresa ng Mag-asawa ang Kanilang Anak sa Kaarawan Nito; Mas Masosorpresa pala Sila sa Ihahandog Nito sa Kanilang Dalawa
“Grabe po, mama! Sobrang ganda talaga ng birthday party ni Gianna! Ang dami pong balloons, saka may malaki siyang cake. Tapos ay napakarami rin niyang natanggap na regalo. Ang saya ng gano’n, mama, ’no? Kayo po ba, nakaranas na kayong magkaroon ng ganoong klaseng party kapag birthday n’yo?”
Halos hindi masagot ni Tessy ang tanong ng anak na si Reina. Ang totoo ay kanina pa ito kuwento nang kuwento sa kaniya tungkol sa birthday party ng kaklase at kaibigan nito, kung saan ay naimbitahan itong dumalo, ngunit tanging pagtango lamang ang naisasagot niya. Pakiramdam niya kasi ay may bumibikig sa lalamunan niya dahil kanina pa siya nagpipigil ng iyak.
Naaawa siya sa bata. Buong buhay kasi nito ay hindi pa ito nagkaroon ng party tuwing sasapit ang kaarawan nito, kaya naman bago para kay Reina ang makadalo sa mga ganoong klase ng pagtitipon o kasiyahan. Mahirap lang kasi sila ng kaniyang asawa at hindi nila kayang ibigay dito ang ganoong klaseng buhay. Hindi naman sila nakapagtapos pareho ng pag-aaral. Ang totoo ay napilitan lang silang magsama noon kaagad, dahil hindi inaasahang nabuntis siya nang maaga habang nag-aaral pa sila noon sa high school.
Ganoon pa man ay sinikap nilang palakihin si Reina na busog sa pagmamahal, bagama’t salat sila sa yaman. Ipinararamdam nila sa anak kung gaano nila ito kamahal, kaya naman lumaki rin itong malambing at napakabait na bata. Dahil doon, kailan man ay hindi ito humiling ng kahit na anong luho sa kanila, na kung minsan ay ikinakokonsensiya rin ng mag-asawa, tulad na lang ngayon.
“Mahal, malapit nang mag-birthday si Reina. Magpipitong taon na siya. Baka naman p’wede natin siyang handaan nang mas marami kumpara noon para naman makapag-imbita rin siya ng mga kalaro niya at kaibigan,” pagsasatinig ni Tessy sa kaniyang saloobin nang dumating na ang kaniyang asawa galing sa trabaho. “Payagan mo akong tumanggap ng abada kahit na ngayong buwan lang para makatulong ako sa ’yo sa pag-iipon. Naaawa na kasi ako kay Reina. Ang dami niyang kuwento tungkol sa dinaluhan niyang party ng kaibigan niya.” Ikinuwento pa ni Tessy sa asawang si Andoy ang naging pag-uusap nila kanina ng anak.
Napabuntong-hininga naman ang lalaki. Parang may kung anong kumurot sa kaniyang puso nang marinig ang kwento ng kaniyang misis. Talagang naawa siya sa anak, kaya naman kahit labag sa loob niyang payagan si Tessy na tumanggap ng labada, dahil kagagaling lamang nito sa sakit, ay wala na siyang nagawa kundi ang tanguan ito.
Ganoon nga ang ginawa ng dalawa. Pinag-ipunan nila ang kaarawan ni Reina. Ayos na sa kanila kahit maiparanas lang nila sa anak na makapag-imbita ito ng mga kalaro, kahit hindi iyon kasing garbo ng karaniwang mga birthday party ng mga kaklase nitong anak-mayaman.
Dumating ang kaarawan ni Reina. Maaga pa lang ay abala na ang mag-asawa sa pag-aasikaso sa kanilang ihahandang surpresa para sa anak, kaya naman hindi na nila napansing ilang oras na ring hindi umuuwi sa bahay si Reina. Akala kasi nila ay naglalaro lang ito. Kaya naman nagtaka sila nang hindi nila ito mahagilap matapos nilang ihanda ang lahat!
“Diyos ko po! Nasaan kaya ang anak ko?” tarantang tanong ni Tessy. Kanina pa kasi sila naghahanap pero talagang wala si Reina sa paligid.
Nagulat na lamang silang mag-asawa nang biglang may isang matinis na tinig na tumawag sa kanila… “Mama! Papa! Heto po ako!”
Nang lingunin ng dalawa ang anak na si Reina, ay ganoon na lang ang gulat nila nang makita ito, kasama ang kaniyang mga kalarong bata na hihigit yata sa sampu. Ang bawat isa sa mga ito ay may hawak na maliliit na cupcake na may nakasinding kandila sa ibabaw habang sabay-sabay na kumakanta ang mga ito ng Maligayang Kaarawan!
Sa gulat ng mag-asawa ay hindi na sila nakapagsalita pa hanggang sa lumapit sa kanila ang anak na si Reina at nagsalita, “Mama, papa, happy birthday po sa ating tatlo! Naghanda po ako ng party para sa atin. Kasi, noong tinanong ko po si mama kung nakaranas na siya ng ganoon ay bigla siyang nalungkot. Gusto ko lang pong maranasan n’yo ang party, kasi masaya po,” inosenteng turan pa ng bata na agad namang nakapagpaulap sa mga mata ng kaniyang mga magulang.
Hindi nila akalaing sila pa ang iniisip ni Reina kaya tinipon nito ang kaniyang mga kalaro upang makaranas din silang magkaroon ng birthday party! Napakasuwerte nila sa kanilang anak!
Matapos ang makabagbag-damdaming sandaling ’yon na puno ng mahihigpit at maiinit na yakapan ng pamilya ay isiniwalat na ng mag-asawa sa kanilang unica hija na pinaghandaan nila ang kaarawan nito. Wala namang pagsidlan ang tuwa ng bata na paulit-ulit na nagpasalamat sa kanila.
Dahil sa nangyari ay nakampante ang mag-asawang Tessy at Andoy na tama ang pagpapalaki nila sa anak na si Reina. Ngayon pa lang ay nakikini-kinita na nilang magiging maayos ang buhay nito, dahil isa itong mabuting bata.