Inday TrendingInday Trending
Umasa ang Amang Ito na Nag-aaral nang Mabuti ang Anak sa Maynila; Ngunit sa Pagdalaw Niya Rito’y Iba ang Aabutan Niya

Umasa ang Amang Ito na Nag-aaral nang Mabuti ang Anak sa Maynila; Ngunit sa Pagdalaw Niya Rito’y Iba ang Aabutan Niya

Napabuntong-hininga si Mang Teroy matapos bilangin ang ilang dadaanin sa kaniyang palad. Pagkatapos no’n ay pinagmasdan niya ang papalayong imahe ng kaniyang kumpare, habang hila-hila nito ang tali ng kaniyang kalabaw… iyon na ang huli. Magtatapos na ang anak niyang si Oscar sa kolehiyo, sa kurso nitong BS Accountancy. Sa Maynila nag-aaral ang binata, kaya naman halos doble kung kumayod ngayon ang butihing padre de pamilya.

Sa totoo lang ay nag-aalala siya sa kaniyang panganay. Paano kasi ay halos mag-iisang taon nang bitin ang komunikasyon nila nito. Sa tuwing magkakausap sila sa telepono ay tila ba palagi na lamang umiiwas ang kaniyang anak. Palagi itong nagmamadali at nagdadahilang marami raw itong tinatapos na gawain sa eskuwela.

Iskolar kasi si Oscar. Iyon nga ang dahilan kung kaya’y kahit salat sila sa buhay ay sinikap ni Mang Teroy na paluwasin ang kaniyang anak sa Maynila upang makipagsapalaran ito. Ginagawa niya iyon upang kahit papaano ay hindi naman matulad sa buhay niya ang buhay ng kaniyang anak. Para sa kaniya ay iyon lang ang tanging yamang kaya niyang ipamana kay Oscar.

Nakikisaka lang kasi si Mang Teroy. Bagama’t nagmamay-ari siya noon ng ilang kalabaw ay naibenta niya nang lahat ’yon buhat nang mabawasan nang halos kalahati ang kita niya, dahil hindi na siya natutulungan pa ni Oscar sa bukid. Bagama’t hindi ito gaanong nanghihingi ng pera sa kaniya ay pinipilit pa rin ni Mang Teroy na magpadala ng panggastos sa kaniyang binata kada buwan. Nakatatanggap naman siya ng labis na pasasalamat dito.

“Bakit ibinenta mo ’yong natitira nating kalabaw, e, may natitira pa naman tayong panggastos para sa buwang ito? Nangangailangan ba si Oscar?” tanong ng may-bahay ni Mang Teroy na si Aling Osang sa kaniya, pagkagaling niya sa pagbebenta ng kalabaw.

“Balak ko kasing lumuwas ng Maynila. Titingnan ko kung ayos lang ba ang anak mo ro’n. Nagtatala na kasi ako kung bakit parang hindi siya gaanong nakikipag-usap sa atin. Hindi ko mapigilan ang mag-alala,” katuwiran naman ni Mang Teroy sa asawa na agad naman niyang nakuha ang simpatya.

“Sige. Kung ganoon ay ako na ang mag-iempake ng damit mo. Sana nama’y maayos lang ang lahat,” tugon pa ng kaniyang asawa.

Kinabukasan ay agad na lumuwas ng Maynila si Mang Teroy. Mabuti na lamang at nagawa niyang kunin ang adres ng tinitirahan ni Oscar doon. Nasa biyahe pa lang ay panay na ang kalabog ng dibdib ni Mang Teroy, dahil sa kaba. Hindi niya mapigilang hindi mag-isip ng masama dahil sa hindi pakikipag-usap sa kanila ng anak…

Sa wakas ay natunton niya ang lugar na kinaroroonan ni Oscar, ngunit ganoon na lang ang gulat niya nang makitang tila may ginagawang establisyimento sa adres na ’yon…

“Hindi kaya mali ang ibinigay sa aking address ng anak ko?” nanlulumong tanong ni Mang Teroy sa kaniyang sarili.

“Tatay?” Bigla siyang napalingon nang tawagin siya ng isang pamilyar na tinig. Si Oscar ’yon!

“Anak!” bulalas naman ni Mang Teroy. “Hindi namin napigilang mag-alala ng nanay mo, kaya naman naisip ko na lang puntahan ka…kumusta na ba ang lagay mo rito? Bakit hindi ka masiyadong nakikipag-usap sa amin?” sunod-sunod ang tanong ni Mang Teroy sa anak, ngunit nananatili lamang itong nakatitig sa kaniya.

“Ang totoo ay hindi namin maiwasang isiping baka napariwara na ang buhay mo rito sa Maynila dahil alam namin kung gaano kagulo ang buhay dito. Pero sa nakikita ko ay mukhang maayos ka naman,” sabi pa ni Mang Teroy sa anak nang mapagmasdan niya ang magarang polong suot nito, pati na rin ang pantalon at mukhang mamahaling sapatos. May suot pa nga itong relo at mukhang napakapropesyonal ni Oscar kung ito ay titingnan niya ngayon.

“Pasensiya na kayo, tatay. Ang totoo ay binabalak ko kayong surpresahin kaya hindi ko kayo gaanong kinakausap. Inunahan n’yo naman po ako, e,” pabirong sabi ni Oscar. “Ang totoo po n’yan, may ibang bagay akong pinagkakaabalahan dito, tatay. Bukod kasi sa magtatapos na ako ay malapit na ring matapos ang pinakaunang negosyong itinayo ko na siguradong makakatulong sa pamilya natin…” nakangisi pang sabi sa kaniya ng anak na si Oscar na agad namang nagpakunot sa noo ni Mang Teroy.

Ngunit imbes na sagutin ang ama ay hinawakan na lamang ni Oscar ang balikat nito at iniharap sa ginagawang establisyimento sa kanilang tapat… “OSCAR’S MINIMART SOON TO OPEN!”

Nanlaki ang mga mata ni Mang Teroy nang mabasa ang karatulang nakapaskil sa nasabing establisyimento na ngayon ay malapit nang matapos! Doon niya nalaman na kaya pala palagi na lang abala ang kaniyang anak ay nagdo-double job din pala ito kagaya niya, upang makaipon ng perang magagamit nito sa kaniyang planong pagpapatayo ng negosyo!

Labis na saya ang naramdaman ni Mang Teroy at wala na siyang iba pang nasabi. Napayakap na lamang siya sa kaniyang anak at napaluha, dahil hindi nito sinayang ang kaniyang pagod, bagkus ay pinagyaman nito iyon at binigyang halaga.

Salamat sa Diyos at biniyayaan siya Nito ng isang napakahusay at napakabait na anak!

Advertisement