Nais Bayaran ng Lalaking Ito ang ‘Isang Gabi’ ng Magandang Babaeng Nakilala Niya sa Bar; Mapapanganga Siya sa Isasagot Nito sa Kaniya

Hawak ni Miguel ang kaniyang baba, habang ang kabila niyang kamay ay may hawak na bote ng alak. Bahagya na niyang nararamdaman ang tama ng alak, kaya naman kung anu-ano na naman ang tumatakbo sa kaniyang isip, lalo pa at may isang babae na namang nakakuha ng kaniyang atensyon ngayong gabi.

Ganito kasing malasing si Miguel. Nagiging agresibo siya at nagiging malikot ang isip. Iyon nga ang dahilan kung bakit siya binansagang babaero ng kaniyang mga kaibigan. Ngunit bukod doon ay hindi niya talaga maikakailang maganda ang babaeng kanina niya pa sinisipat. Ang ganda rin ng hubog ng katawan nito at angat na angat ang kaputian nito sa suot nitong damit, gayong hindi naman ’yon gaanong nagpapakita ng balat nito. Sadya lamang talagang madumi ang isip ni Miguel, at ngayong gabi ay ito ang kursunada niyang gawing susunod na ‘biktima.’

Napakarami namang mga babaeng animo kinulang sa tela ang suot doon sa bar kung saan nag-iinom si Miguel ngayon, ngunit talagang ang babaeng ’yon ang gusto niya. Hindi niya alam kung bakit, ngunit ang lakas ng dating nito sa kaniya!

Maya-maya pa ay naisipan niya nang lapitan ang nasabing babae. Hindi na siya nakatiis. Wala siyang pakialam kung amoy alak ba ang hininga niya ngayon, basta’t gusto niya itong makausap. Umupo siya sa harap nito.

“Wala namang ibang nakaupo rito, tama?” kunwari’y tanong niya. Nakangising aso.

“Meron,” simpleng sagot naman ng dalaga na ni hindi man lang kababakasan ng kahit anong emosyon ang mukha.

Tumawa si Miguel. “Pero alam ko namang mas pipiliin mo akong makasama sa mesang ’to kaysa sa kung sino mang umookupa ng upuang ’to,” puno ng kompiyansang turan niya pa bago prenteng umayos nang upo sa harap ng dalaga.

Ngunit hindi inaasahan ni Miguel ang ginawang tugon nito. Bigla na lang kasing ngumisi nang nakakaloko ang nasabing bago nito kinuha ang inumin sa harap nito. Naging mabilis ang susunod na mga pangyayari. Sa isang iglap ay nabasa na ang mukha ni Miguel, dahil isinaboy ng dalaga ang iniinom nito sa kaniya!

Advertisement

“Lumayas ka sa harap ko kung ayaw mong pagsisihang nilapitan mo ako ngayong gabing ’to,” maangas na anas pa ng babae pagkatapos nitong bumalik sa pagkakadekwatro.

Bigla namang nag-init ang ulo ni Miguel. Sa buong buhay niya ay wala pang kahit na sino ang gumawa nang ganoon sa kaniya, lalo na ang isang babae!

Napahampas siya sa mesa. “Miss, alam ko na ’yang ganiyang mga estilo. Alam kong nagpapakipot ka lang!” galit na sabi ni Miguel, “magkano ka ba? Babayaran ko ang isang gabi mo, sabihin mo lang kung magkano ang kailangan mo.” Sa pagkakataong ito ay siya naman ang ngumisi.

Kitang-kita niya ang biglang pagkunot ng noo ng dalagang kausap niya. Halatang nagalit ito sa kaniyang sinabi at huli na para bawiin pa ’yon ni Miguel. Namalayan na lamang niya na tumayo ito at inisang hakbang ang puwesto niya, pagkatapos ay inginudngod siya nito sa sahig, gamit lamang ang paa nitong nakasuot ng sneakers!

“Hindi mo yata ako kilala,” muli’y anas ng babae. Nagtatagis ang mga bagang nito at naaaninag ni Miguel ang nakakuyom nitong kamao, kahit pa ngayon ay halos mahalikan niya na ang sahig ng naturang bar, dahil nakapatong sa mukha niya ang paa nito, habang hawak nito sa kaniyang likuran ang magkabila niyang braso gamit lamang ang isang kamay!

Hindi makapagsalita si Miguel. Nagulat siya sa ginawa sa kaniya ng magandang dalaga! Paanong napakalakas nito at nagawa siyang patumbahin sa pamamagitan lamang ng isang tadyak?!

Inilapit pa ng babae ang bibig nito sa kaniyang tainga bago ito bumulong, “Sa susunod ay kikilalanin mo kung sino ang babanggain mo. Pasalamat ka at maraming tao ngayon dito sa bar ko, dahil kung nagkataon ay sisiguraduhin kong hindi mo na pakikinabangan pa kailan man ang mukha mo,” mariing banta pa nito sa kaniya bago nito sinenyasan ang mga bouncer ng naturang bar. “Ilabas n’yo na ’yan at huwag na huwag na ulit papapasukin dito,” utos pa nito na agad namang tinalima ng mga bouncer.

Matapos siyang ihagis ng mga ito palabas ng bar ay doon lamang natauhan si Miguel! Ngayon lamang pumasok sa utak niya kung sino ang babaeng kinursunada niya kanina! Ito pala ang may-ari ng bar na ’yon na kilala rin, dahil isa itong manlalaro sa larangan ng palakasan! Ito ’yong babaeng nag-uwi ng gintong medalya sa sinalihan nitong martial arts competition!

Advertisement

Dahil sa sobrang pagkapahiya ay hindi na kailan man bumalik pa si Miguel sa bar na ’yon. Nagsilbi na ring leksyon sa kaniya ang ginawa ng naturang babae kaya’t hindi na niya inulit pa ang masamang gawi niya sa mga babaeng nakukursunadahan niya!