Walang Awa Niyang Pinalayas ang Mag-aama sa Kalagitnaan ng Gabi; Matapos ang Matagal na Panahon ay Muli Niyang Nakaharap ang mga Ito
“Tongs-its!”
Agad na napasimangot si Judy nang marinig ang sigaw na iyon. Talo na naman siya.
Tuwang-tuwa nitong hinamig ang maraming pera na nasa gitna ng mesa na kanina niya pa gustong makuha. Kanina pa siya naglalaro pero mabibilang lang kung ilang beses siyang humamig kaya hindi niya maiwasang mag-suspetsa na dinadaya siya ng mga kasama.
“Ano ka ba naman, Mareng Judy! Ang init ng ulo mo. Hindi naman namin gagawin ‘yun sa’yo!” depensa nito.
Napairap na lang siya.
“Talo ka na ba? Tumayo ka na riyan para iba naman ang papalit,” mayabang na sabi pa nito na dumagdag lang sa inis niya.
“Ano ka? Kung tatayo ako, hindi ko na mababawi ang talo ko! Maglalaro pa ako,” aniya.
Nagsimula ulit ang panibagong laro. Sa kamalas-malasan, natalo na naman siya kaya wala siyang nagawa kundi ang ibayad ang natitira niyang pera sa bulsa at padaskol na ibagsak sa mesa ang hawak niya na baraha.
“Bumawi ka na lang bukas! Mukhang malas ka sa araw na ito!” pang-aasar ng mga kasama niya na mas lalo niyang ikinainis.
“Talagang babawi ako bukas,” pikon na bwelta niya bago nagdadabog na nilisan ang ang lugar na iyon.
Nang makalabas, doon niya pa lang napansin na madilim na pala ang langit at gabi na. Hindi niya namalayan ang oras dahil abala siya sa paglalaro.
Nang makauwi sa bahay, dumiretso siya sa kusina para maghanap ng pagkain pero bigo siyang makakita ng kahit na anong pantawid gutom.
“Ano? Wala man lang tayong pagkain! Ang tatamad n’yo!” nanggagalaiti niyang sigaw sa mga anak.
“Wala na po kasing tayong bigas. Kaya kahit gustuhin ko man magsaing, hindi ko magawa. Kanina pa nga po umiiyak si bunso kasi wala na ring gatas,” sagot ng panganay na si Nicole.
“At talagang mangangatwiran ka pa, ha! Wala akong pakialam!”
Sa inis ay sinabunutan niya ang dalagita.
Hindi naman kasi niya tunay na anak ang mga ito kaya likas na malayo ang loob niya sa mga bata at madali para sa kaniya ang pagbuhatan ng kamay ang mga ito kapag wala ang asawa niya.
“Anong nangyayari rito?” sigaw ng bagong dating.
“Papa!”
Nagtakbuhan ang mga bata palapit sa asawa niya na kararating lang.
Umigting lalo ang inis niya nang makita ang itsura ng asawa. Madungis ito, balot ng pawis, at amoy semento.
“Mabuti naman at dumating ka. Wala na tayong pambili ng pagkain. Ibigay mo sa akin ang sweldo mo,” masungit na bungad niya sa asawa sabay lahad ng palad dito.
“Hindi ba’t kabibigay ko lang ng sweldo ko sa iyo noong isang araw? ‘Wag mo sabihing ubos na?” tanong nito.
“Manghihingi ba ako kung meron pa, aber?” nakapamewang niyang tanong.
“Saan mo dinala ang pera kung ganoon? Pinangsugal mo na naman ba?” pigil ang inis sa boses nito nang muli itong magsalita.
“Anong sugal ang pinagsasabi mo riyan? Naniwala ka naman sa mga sumbong ng mga anak mong inutil? Alam mo naman na sinungaling ang mga ‘yan!” litanya niya habang magkasalubong ang kilay.
“Walang sinusumbong ang mga bata sa akin pero alam ko dahil pinag-uusapan lagi ng mga kapitbahay. Hindi lang ang pagsusugal mo ang alam ko, kundi pati na rin kung paano mo itrato ang mga anak ko kapag wala ako. ‘Wag ka nang magkaila pa!” pasigaw na sagot nito.
“Diyos ko! Kakarampot na nga lang ang binibigay mong suweldo, nagagawa mo pang silipin? Bakit ba ako nagtitiis sa ganitong buhay? Hindi mo man lang maiangat ang buhay natin. Kahit na magpakakuba ka sa pagtatrabaho habang buhay na tayong isang kahig, isang tuka! Hindi ito ang pinangarap kong buhay kaya ang mabuti pa, maghiwalay na tayo!” hamon niya.
Agad na nag-iba ang timpla nito. Alam niya kasi na wala itong ibang pupuntahan.
“A-alam mo naman na wala kaming ibang pupuntahan ng mga bata. Gusto ko lang na maging maayos ang turing mo sa kanila at maging matalino ka sa paggastos,” kalmadong paliwanag nito.
Ngunit nakapagdesisyon na siya. Kailangan na ng mga itong lumayas sa pamamahay niya!
“Hindi ko na problema ‘yan, hindi ko naman kaano-ano ‘yang mga ‘yan,” aniya.
Sa huli ay pinagtabuyan niya ang mag-aama sa kalagitnaan ng gabi sa kabila ng matinding pakiusap ng asawa niya.
Nawalan na siya ng balita sa mag-aama matapos iyon.
Maraming taon ang lumipas, ngunit hindi na muli pang nagpamilya si Judy. Namuhay siyang mag-isa, ngunit naubos rin ang lahat ng ari-arian niya dahil sa kasusugal niya.
Isang mayamang negosyante ang nakabili ng bahay niya, at ilang araw na lang ay lilipat na siya sa isang barong-barong.
Ngunit nang makaharap niya ang bagong may-ari ay natigagal siya. Ang kaharap niya kasi ay ang dati niyang asawa na si Lino at ang panganay nito na si Nicole.
Malayong-malayo na ang mga ito sa kanilang dating itsura, halatang may sinasabi na sa buhay ang mag-ama.
Napangiti siya. Nakakita siya ng pag-asa na maisalba ang kaniyang bahay.
“Baka naman pwede niyo akong tulungan? Ayaw ko kasi talagang ibenta ‘tong bahay…” hirit niya.
Matagal bago sumagot si Lino.
“Sige, hindi na namin kukunin sa’yo ang bahay,” anito.
“Salamat! Salamat, hindi ka pa rin nagbabago–”
“Sandali, hindi pa ako tapos,” pigil nito sa sinasabi niya.
Naghintay siya sa sasabihin nito.
“Bilang kabayaran, pagsilbihan mo ang pamilya namin,” anito.
Nanlaki ang mata ni Judy.
“Ano? Hindi ba pwedeng ibigay mo na lang sa akin?” tanong niya.
Umiling ito bago ngumisi.
“Bakit naman? Hindi ka namin kaano-ano,” kunot-noong pahayag nito.
Tila kidlat na bumalik sa alaala niya ang gabing walang awa na pinalayas niya ang mag-aama. Ngayon ay ang mga ito na ang may kapangyarihan na palayasin siya.
Wala siyang ibang nagawa kundi ang pumayag sa nais ni Lino.
Bumagsak ang balikat niya sa napagtanto. Totoo talagang bilog ang mundo at lahat ay posible. Kung sino ang mapagkumbaba ay siyang itinataas at kung sino ang mapagmataas ay siyang ibinababa!