Kahit Tila Imposible ay Sinubukan Niyang Abutin ang Babaeng Napupusuan; Ngunit sa Huli ay Pinili Niya na Magparaya
Nanginginig ang kamay ni Joseph nang iabot niya sa babaeng napupusuan niya ang isang tangkay ng rosas na nakuha pa niya mula sa hardin ng kaniyang ina.
Tila tumigil ang mundo niya nang matamis na ngumiti si Erika, ang babaeng napupusuan niya.
“Thank you rito, Joseph. Parati na lang ako may bulaklak mula sa’yo,” tila nahihiyang wika nito.
Umiling siya.
“Wala ‘yun. Alam mo naman na gagawin ko ang lahat para mapasaya ka,” buong katapatang pahayag niya.
Namula ang mukha ni Erika sa labis na hiya. Natutop pa nito ang sariling bibig, tila hindi makapaniwala sa sinabi niya.
Ngunit si Joseph naman ang namula nang marinig niya ang komento ng ilan sa mga nasa likuran nila.
“Grabe, ang kapal ng mukha ni Joseph! Akala niya talaga bagay sila ni Erika.”
“Hindi man lang naisip ni Joseph na baka kinaaawaan lang siya ni Erika.”
Sinulyapan siya ni Erika. May lungkot sa mga mata nito, tila nga kinakaawaan siya.
Bumagsak ang balikat niya bago agad na nagpaalam sa dalaga. Ayaw niya rin naman na mapahiya ito dahil sa kaniya.
Napabuntong-hininga na lang si Joseph nang mapag-isa siya. Halos isang taon na ang lumipas simula noong magsimula siyang manligaw sa dalaga.
Hindi man siya matikas, matangkad, at gwapo gaya ng mga manliligaw nito ay naglakas-loob siya. Ayaw niya kasing magsisi na hindi man lang siya sumubok.
Naalala niya pa ang sagot nito noon.
“Hindi kita pagbabawalan na manligaw sa akin. Pero babalaan kita, pihikan kasi ako. Isa pa, baka maging abala rin ako sa pag-aaral. Ayos lang ba sa’yo na maghintay?”
Halos magtatalon siya nang pumayag ito. Simula noon ay halos araw-araw niya nang binibigyan ng bulaklak ang dalaga.
Hindi man maikukumpara sa mga mamahaling regalo ng iba ang simpleng bulaklak, nais niya na iparating dito ang sinseridad niya.
Napabuntong-hininga na lang si Joseph nang matapos siya sa pagbabalik-tanaw. Sa totoo lang, dahil sa pagiging mabait ni Erika, kung minsan ay nakakalimutan na niya ang malaking agwat sa pagitan nila.
“Hindi kaya panahon na para isuko ko ang pagmamahal ko sa kaniya?” sa loob-loob niya. Tutal ay mukhang malabo naman na siya ang piliin ni Erika, sa sandamakmak nitong manliligaw.
Nais pa sana niya na ilaban ang pagmamahal niya para sa dalaga ngunit nang dumating si Matt ay tuluyan na siyang nakapagdesisyon.
Gwapo si Matt, matikas, matangkad, at higit sa lahat ay nuknukan ng bait. Kahit bago pa lang ito sa paaralan nila ay agad na inagaw nito ang pansin ng nakararami.
Agad itong nagpakita ng interes kay Erika, bagay na hindi naman na niya pinagtakhan. Isa siya sa mga nakasaksi noong nagtanong ito sa dalaga kung may nobyo na ba ito.
Agad na naging malapit sa isa’t isa ang dalawa. Ngunit imbes na makaramdam ng panibugho ay unti-unti na ring tinanggap ni Joseph na hindi sila bagay ni Erika. Bagkus ay masaya siya dahil mapupunta ito sa isang matino at disenteng lalaki.
Simula noong makita niya na nagtatawanan ang dalawa ay inihinto niya na ang pagbibigay ng rosas sa dalaga. Iniiwasan niya na rin na lumapit dito. Kapag nakahanap na siya ng lakas ng loob ay saka niya sasabihin sa dalaga na hihinto na siya sa panliligaw rito at hahayaan ito na maging masaya kay Matt.
Ngunit mukhang hindi niya na kailangang gawin iyon. Matapos kasi ang isang linggo ay si Erika na mismo ang lumapit sa kaniya. May nababahid na lungkot sa mukha ng dalaga.
“Joseph, pwede ba tayong mag-usap?” usisa nito.
Mabigat ang loob na tumango siya. Sa totoo lang ay inaasahan na niya ang pambabasted ng dalaga. Sino ba naman siya? Hinding-hindi niya mapapantayan ang isang gaya ni Matt. Ito ang nararapat kay Erika, kaya siya na mismo ang magpaparaya.
Nang makaharap niya ang babae ay pilit niyang iniwas ang tingin sa maganda nitong mukha. Nanatili siyang nakayuko.
“Joseph, may problema ka ba? Bakit hindi mo sabihin sa akin at baka makatulong ako. Magkaibigan na naman tayo, hindi ba?” pambungad na tanong nito, bagay na ipinagtaka niya.
Napasulyap siya sa kaharap bago gulat na umiling.
“Wala akong problema, bakit mo naman naisip ‘yan?” alanganing usisa niya sa dalaga.
Namula ang dalaga bago napayuko.
“H-hindi mo na kasi ako binibigyan ng bulaklak. Iniiwasan mo na rin a-ako…”
Hindi siya nakaimik.
“Kung wala kang problema, ang ibig bang sabihin ng pag-iwas mo ay may iba ka nang nagugustuhan?” tanong nito, nanatiling nakayuko.
Napamulagat siya sa sinabi ng dalaga.
“Ano? Hindi, hindi totoo ‘yan! Alam mo naman na ikaw lang ang gusto ko noon pa!” agad na tanggi niya.
Tila sasabog sa kaba ang puso ni Joseph. May hinala nang nabubuo sa isip niya, ngunit ayaw niyang umasa.
“G-gusto ko sana na magparaya na lang. Mukha kasing nagkakamabutihan na kayo ni Matt,” pag-amin niya.
“Ano? Hindi totoo ‘yan! Magkaibigan lang kami, dahil ikaw ang gusto ko!” nabiglang bulalas nito.
Nanlaki ang mata ni Joseph sa narinig bago gulat niyang sinulyapan si Erika. Pulang-pula ang mukha nito, tila hiyang-hiya sa ginawang pag-amin.
“Mabait si Matt, oo. Pero anong gagawin ko kung ikaw ang tinitibok ng puso ko?” pabulong na sabi nito.
Hindi siya makapagsalita dahil sa labis ng gulat, ngunit ikinulong niya ang pinakamamahal sa isang mahigpit na yakap.
Sa labis na saya sa pag-amin ng dalaga ay si Joseph naman ang napaluha. Inakala niya na imposible, ngunit ang babaeng pangarap niya lang noon ay abot-kamay niya na!
Nang araw na iyon ay opisyal na naging kasintahan niya si Erika.
Marahil ay nakita ng Diyos ang pagtitiyaga niya at ang malinis niyang hangarin, kaya Nito ibinigay ang pinakamimithi ng kaniyang puso.