Mapaglaro ang Binata sa Damdamin ng Iba; Paano Kung Siya Naman ang Mapaglaruan ng Kaniyang Biktima?
Malaki ang ngiti ni Jerson habang papalapit sa bago niyang biktima, ang campus crush na si Iya.
“Iya, tulungan na kita…” aniya sa dalaga bago kinuha ang mga bitbit nitong libro.
“Kaya ko naman. P-pero s-salamat,” nagkandautal na wika nito, bago namumula ang mukhang nag-iwas ng tingin sa kaniya.
Lihim na nagdiwang ang loob niya. Wala talagang kakupas-kupas ang kamandag niya. Inakala niya na mahihirapan siyang makuha ang loob ni Iya, ngunit mukhang may itinatago rin itong pagtingin sa kaniya.
Si Iya ang pinakasikat na babae sa kanilang eskwelahan. Kilala ito dahil hindi lang ito maganda, ito rin ang nangunguna sa klase. Perpekto, iyon ang tingin ng marami sa dalaga.
Kaya naman ito ang naging biktima ng kantiyawan nilang magkakaibigan, na nauwi sa isang pustahan. Binigyan siya ng isang buwan ng mga ito upang paibigin si Iya.
Tinanggap naman niya ang hamon ng mga kaibigan, lalo pa’t may malaking pera na nakataya. Hindi rin naman lugi si Iya sa kaniya kung tutuusin, dahil isa rin siya sa mga tinitilian ng mga kababaihan. Bukod kasi sa gwapo siya ay kilala rin siya bilang isang basketbolista.
Sinulyapan ni Jerson ang dalaga na kasabay niyang naglalakad. Hindi niya maiwasan na mapatitig sa mukha nito, na talaga namang nagtataglay ng kakaibang ganda. Hindi kataka-taka na maraming may gusto rito, dahil ubod talaga ito ng ganda.
Ilang sandali siyang tila nababatubalani na nakatitig sa mukha ng babae. Kung hindi pa ito nagsalita ay hindi pa siya matatauhan.
“Jerson, may problema ba? May dumi ba ako sa mukha?” puna nito nang mapansin ang paninitig niya.
Naipilig niya ang ulo sa gulat.
“Ha? W-wala. Nakatitig ako sa mukha mo, kasi ang ganda-ganda mo.”
Nagmula man sa puso niya ang papuring iyon ay hinaluan niya pa rin iyon ng isang mapaglarong kindat, dahilan upang muling mamula ang mukha ng dalaga.
“Ikaw talaga! Napaka-bolero mo! Kaya maraming naghahabol sa’yo, eh…” halos pabulong na wika nito.
Napangisi si Jerson. Ang totoo ay wala pa siyang sineryosong babae. Ang mga babaeng dumating sa buhay niya ay parte lamang ng pustahan nilang magkakaibigan. Hindi niya naman siguro kasalanan kung pagtuloy na maghabol ang mga ito.
“Kahit maraming naghahabol sa’yo, ikaw lang ang hahabulin ko,” muling banat niya, dahilan upang magpatiuna nang maglakad ang dalaga.
Napahalakhak na lang si Jerson habang sinusundan ito. Kung ganito nang ganito si Iya, mukhang hindi siya mahihirapan na makuha ang puso nito at manalo sa pustahan nila.
Bilang parte ng plano ni Jerson ay inaraw-araw niya ang paglapit sa dalaga. Sinimulan niya ang lahat sa pagdedeklara ng pagnanais niyang manligaw sa dalaga, na agad naman nitong pinayagan.
Araw-araw ay inaabutan niya ito ng tsokolate o ‘di kaya ay bulaklak.
Akala ni Jerson ay magiging maayos ang takbo ng lahat, ngunit sa hindi inaasahang pagkakataon ay unti-unting nagbago ang pagtingin niya kay Iya.
Sa araw-araw niyang pagbuntot dito ay nakita niya kung gaano ito kabait. Tama nga ang pagkakakilala rito ng iba. Tila ito isang anghel na perpekto sa paningin ni Jerson.
Ang kagustuhan niya na manalo sa pustahan, bago pa niya mamalayan, ay unti-unting napalitan ng kagustuhan na manalo sa puso ni Iya.
Kaya naman sa araw ng pagtatapos ng pustahan nila ay walang pagdadalawang-isip niyang inamin sa mga kaibigan ang pagkatalo.
Inamin niya rin sa mga ito na nabihag ni Iya ang puso niya.
Matapos niyang makipag-usap sa mga kaibigan ay dumiresto siya sa babaeng tinatangi ng kaniyang puso. Hindi na siya makapaghintay na sabihin dito ang tunay na nilalaman ng kaniyang puso.Agad niyang nakita si Iya na masaya itong nakikipaghuntahan sa kaibigan nito sa Ella.
Tatawagin niya na sana ito, ngunit narinig niya ang pangalan niya sa pag-uusap ng dalawa. Hindi niya maiwasang makuryoso sa pinag-uusapan ng mga ito.
“Kailan mo ba matatapos ‘yung pustahan natin? Halata naman na p@tay na p@tay sa’yo ‘yun si Jerson, kaya kahit hindi siya umamin, panalo ka na! Tapatin mo na lang para tumigil na sa kakabuntot sa’yo…” payo ni Ella.
“Sige na nga. Halos isang buwan ko na rin tinitiis ang presensya niya. Magaling yata akong umarte,” humahagikhik na sagot ni Iya.
Tila nabasag ang puso ni Jerson sa narinig. Ang Iya kasi na nagsasalita ay malayong-malayo sa Iya na minahal niya. Ang minahal niyang Iya ay hinding-hindi sasaktan ang damdamin niya, o ng kahit na sino. Peke pala ang minahal niya.
Bigo at laglag ang balikat na naglakad papalayo si Jerson mula sa dalawang magkakaibigan. Bago pa niya mamalayan ay namamalisbis na pala ang masaganang luha mula sa mga mata niya. Ang kauna-unahang babae kasi na minahal niya ay pinaglaruan lang pala siya.
Ngunit napaisip si Jerson—hindi ba’t ang tunay niyang intensyon sa paglapit kay Iya ay upang manalo sa pustahan? Ang tanging kaibahan lang ay totoong minahal niya ito, habang ito ay nanatiling ‘pustahan’ lang ang turing sa kaniya.
Malungkot siyang napangiti. Ngayon ay alam niya na kung paano ang mapaglaruan. Marahil ay iyon na ang karma niya, sa dinami-dami ng babaeng sinaktan niya. Panahon na siguro para magbago siya.