Pinagyayabang Niya Pang may Kalokohan Siyang Ginagawa sa Nobyo; Narinig Tuloy Nito ang Lahat

Hindi magawang makuntento ng dalagang si Maureen sa binatang karelasyon niya sa ngayon. Kahit pa ramdam na ramdam niya ang pagmamahal na mayroon ito sa kaniya sa pamamagitan ng mga kinikilos nito, mga regalong binibigay nito sa kaniya kahit wala mang okasyon, at ang pagiging tapat nito sa kaniya, hindi niya pa rin maiwasang hindi tumingin sa iba o maghanap ng atensyon mula sa iba.

Kung hindi siya tumatakas dito upang makipag-inuman sa kahit sinong lalaki sa isang bar, magbababad siya sa social media at mga dating application upang makahanap ng mga lalaking maaari niyang makalandian o makausap.

Ang kalokohan niyang ito ay pinipilit niyang tinatago sa kaniyang kasintahan habang pinagyayabang niya naman sa kaniyang mga kaibigan.

“Hulaan niyo sino ang nakabingwit ng isang foreigner kagabi!” agad niyang bungad sa kaniyang mga kaibigan, isang gabi nang sila’y magsalu-salo sa isang restawran.

“Diyos ko! Totoo ba ‘yang sinasabi mo? Nakadagit ka ba ng pera roon? Magkano ang binigay sa’yo?” sabik na sabik na tanong ng mukhang pera niyang kaibigang si Rose.

“Limang daang dolyar lang naman! Partida, wala pa akong ibang ginawa ro’n! Kinuwentuhan ko lang ‘yon nang kinuwentuhan habang nagpapa-cute! Paano pa kaya kung pinainit ko ‘yon kagabi katulad ng ginagawa ko sa ibang lalaking nakikilala, ‘di ba?” pagyayabang niya pa sa mga ito saka agad na pinakita ang perang dolyar na kinita niya.

“Teka, Maureen, hindi ba’t kayo pa rin ng nobyo mo? Alam niya ba itong ginagawa mo?” tanong ng kaibigan niyang madre na si Angel.

“T*nga ka ba o sadyang tinatamad ka lang gamitin ‘yang utak mo? Malamang, hindi niya alam!” inis niyang sigaw dito.

Advertisement

“Naku, hindi tama ‘yan, Maureen! Itigil mo na ‘yan bago pa mawala sa’yo ang napakabait mong kasintahan!” payo pa nito sa kaniya na labis niyang ikinainis.

“Hindi ‘yon mawawala sa’kin kahit anong gawin ko! Mahal na mahal kaya ako no’n! Hindi no’n kayang mabuhay nang wala ako!” bulyaw niya rito habang ginagawa niyang pamaymay ang perang kinita niya.

“Iyon ang inaakala mo! Hindi ko kailangan ng isang babaeng hindi marunong maging tapat at makuntento sa kaniyang kasintahan!” sigaw ng kaniyang nobyo na agad niyang ikinanginig.

“Hindi ka naman mabiro, mahal! Nagbibiruan lang kami rito!” pagsisinungaling niya pa rito.

Ngunit imbes na agad itong umamo katulad ng palagi nitong ginagawa sa kaniya tuwing nagpapaliwanag siya, tinapon nito sa mukha niya ang mamahaling bulaklak na noon niya pa gustong matanggap.

“Sa paghihiwalay nating ito, hindi ako ang nawalan, Maureen, ikaw! Hinding-hindi ka na makakakita ng isang katulad ko! Wala nang seseryoso sa isang kaladkaring katulad mo!” sigaw nito sa kaniya na talagang ikinadurog ng puso niya.

Unang beses niyang nakitang magalit ang naturang binata at unang beses din siya nitong sinigawan dahilan para ganoon na lang tumagos sa kaniya ang lahat ng sinabi nito.

Wala siyang ibang nagawa noon kung hindi ang umiyak nang umiyak ngunit nang may isang grupo ng kalalakihang dumating, siya’y agad na nag-ayos at nagpapansin sa mga ito.

Advertisement

“Hindi ako naniniwalang hindi ako makakahanap ng isang katulad niya!” sabi niya pa sa mga kaibigan bago siya magtungo sa lamesa ng mga kalalakihan.

Hindi nga siya nagkamali at siya’y agad na natipuhan ng tila lider ng grupong iyon. Siya’y agad nitong niyayang mag-inom sa bahay nito at dahil nga may kirot sa puso niya, kahit todo pigil na ang kaniyang mga kaibigan, sumama pa rin siya rito.

Nang makita niyang sobrang laki at ganda ng bahay nito, sabi niya sa sarili niya, “Ito na yata ang muling magmamahal sa akin, ha? Gagawin ko ang lahat para mapaibig siya!”

Kaya lang, pagpasok niya sa bahay nito, hindi bababa sa sampung lalaki ang naghihintay doon. Sabi pa ng isa, “O, may bagong putahe na naman tayo!” na talagang ikinatakot niya dahilan para siya’y agad na tumakbo palayo. Lalo pa siyang nawindang nang bigla siyang habulin ng mga ito!

Mabuti na lang talaga, siya’y sinundan ng kaniyang mga kaibigan at agad na pinasakay sa kotse ng isa sa mga ito kaya siya’y agad na nakatakas.

Hihinga-hinga siyang umiyak sa mga ito habang kinakalma ang kaniyang sarili.

“Hindi nga siguro ako makakahanap ng isang katulad niya, ‘no? Kung patuloy akong maghahanap, baka bukas o sa makalawa, nagamit na ng iba ang katawan ko o wala na akong buhay,” hikbi niya kaya siya’y labis na niyakap ng mga kaibigan.

Sinubukan niya mang balikan ang dating kasintahan at dito’y nagmakaawa, hindi na siya nito muling tinanggap.

Advertisement

“Hindi na kita kayang pagkatiwalaan, Maureen. Mahal kita pero ayokong magpakat*nga pa. Pasensya ka na,” sabi nito na talagang ikinadurog niya.

Wala man siyang ibang magawa kung hindi ang umiyak halos araw-araw sa karmang ngayon ay nagpapahirap sa kaniya, lahat ito ay tiniis niya habang inaayos ang ugali at pagkatao niya.

“Sa tamang panahon, makakahanap din ako ng isang katulad ng dati kong nobyo at kapag nangyari iyon, hinding-hindi na ako magloloko pang muli,” pangako niya sa sarili habang patuloy na umiiyak.