Hindi Siya Iniintindi ng Sariling Ina; Nagulat Siya na Mayroon Pala Itong Malalim na Dahilan
Lumaki man ang binatang si Ion sa puder ng kaniyang ina, malayong-malayo pa rin ang loob niya rito. Kung tutuusin, dapat nga ay sobrang malapit siya rito dahil bukod sa ito lang ang tumayong magulang sa kaniya, silang dalawa lang din ang naninirahan sa kanilang bahay.
Ngunit sa kabila noon, ni minsan ay hindi niya nagawang yakapin ang ina o kahit makatabi lang sa higaan dahil palagi itong umaalis at babalik na lang pagkalipas ng ilang araw.
Sa murang edad, natutuhan niya kung paano mabuhay mag-isa. Siya ang bumibili ng pagkain niya sa karinderya, nililinis at inaayos niya ang kaniyang sarili bago pumasok sa eskwela, at kahit pagliligpit ng mga pinagkalatan ng kaniyang ina dahil sa pag-iinom nito ay natutuhan niyang gawin.
Buong buhay niya noon, siya’y nagtataka sa mga ikinikilos ng kaniyang ina dahil nakikita niyang alagang-alaga ng ibang ina sa kanilang mga anak habang siya, parang isang pabigat lang sa buhay ng kaniyang ina.
Minsan niya itong tinanong pagdating niya sa edad na labing lima, sabi niya noon, “Mama, bakit ka ba nagkakagan’yan? Bakit parang hangin lang ako kapag nandito ka sa bahay? Bakit ganito ang buhay nating mag-ina?”
“Wala kang pakialam. Saan mo nakuha ang lakas ng loob mo para tanungin ako ng gan’yan? Baka nakakalimutan mo, ako pa rin ang nagpapakain sa’yo! Huwag ka nang dumadagdag sa bigat na dinadala ko, kung gusto mo ng mapagmahal na ina, humanap ka ng magiging nanay mo!” galit nitong sigaw na talagang ikinanigas ng kaniyang buong katawan.
Simula nang araw na ‘yon, hindi na siya muling nagtanong pa rito. Sinimulan niya na ring idistansya ang sarili niya rito at hindi na siya umasang darating ang araw na mararamdaman niyang mayroon pa siyang isang ina na kasama sa buhay.
Siya’y labis na nagsumikap sa pag-aaral at upang hindi na siya humingi pa ng baon sa kaniyang ina, napag-isipan niya na mamasukan bilang isang delivery boy habang siya’y nag-aaral.
Antok at pagod man ang kalaban niya sa buhay, hindi ito naging hadlang upang hindi siya makapagtapos ng pag-aral. Buong akala niya noon, dadalo ang kaniyang ina sa seremonya ng kaniyang pagtatapos ngunit siya pala ay nagkamali.
“Bakit pa nga ba ako umaasa sa kaniya? Hindi niya nga ako tinuturing na anak, bakit ko siya ituturing na ina?” sabi niya sa sarili habang mag-isang kumakain sa restawran pagkatapos ng kaniyang pagtatapos.
Wala siyang inaksayang araw simula noon, siya’y agad na nagtrabaho. Sa kabutihang palad, siya’y agad na natanggap sa kauna-unahang kumpanyang inaplya niya at doon na nagsimula ang karera niya sa buhay.
Unti-unti siyang nakapundar ng mga gamit na noon pa niya gustong makamit katulad ng motorsiklo, relo, selpon, at higit sa lahat, sariling bahay at lupa.
Bumukod siya sa kaniyang ina upang tuluyan nang putulin ang koneksyon niya rito ngunit siya’y labis na nagtataka kung bakit panay ang dalaw nito sa kaniya at minsa’y doon pa natutulog nang hindi niya alam.
“Ano ba talagang gusto mong mangyari? Noong kasama mo ako sa bahay, palagi kang wala, babalik ka pagkalipas ng ilang araw, tapos ngayong bumukod na ako sa’yo…” hindi na niya natapos ang sasabihin dahil siya’y biglang niyakap nito sa unang pagkakataon.
“Isang buwan na lang ang itatagal ko, anak, kaya hayaan mo akong makasama ka sa mga natitirang araw ng buhay ko,” bulong nito na kaniyang ikinagulat.
“Anong pinagsasasabi mo riyan?” masungit niyang tanong dito matapos niya itong ilayo sa kaniyang katawan.
“Kaya ako umaalis noon pa ay para magpagamot, anak. Ayokong sabihin sa’yo dahil ayokong mag-alala ka at maaapektuhan ang pag-aaral mo. Akala ko noon hindi na ako magtatagal kaya labis kong inilayo ang loob mo sa akin para hindi ka masaktan kapag nawala na ako. Hindi ko naman akalaing makikita pa kitang lumaki nang gan’yan, anak,” hagulgol nito na labis na nagpahina sa kaniyang mga tuhod.
Gusto man niyang umiyak sa balitang nalaman, wala siyang luhang mailabas dahil sa halu-halong emosyong kaniyang nararamdaman at upang makasiguro sa sinasabi ng ina, pinakunsulta niya ito kaagad sa kaibigan niyang doktor.
Doon niya nalamang mahigit dalawang dekada na itong may malubhang sakit sa baga at tila milagro ang pagtagal ng buhay nito.
“Pero ngayon, pare, siguradong isang buwan na lang talaga ang itatagal niya,” sabi ng kaibigan niyang doktor at doon na tuluyang bumuhos ang luha niya, “Patawarin mo na siya at sulitin mo ang natitirang mga araw niya,” payo pa nito.
Wala na nga siyang sinayang na oras noon. Hindi na niya inisip ang mga sakit na naparamdam nito sa kaniya o kahit ang mga responsibilidad nitong hindi nito natugunan. Hindi niya na rin ito sinumbatan o kahit ipakita ang galit na mayroon siya rito, bagkus, buong puso niya itong pinatawad.
Araw-araw niya rin itong pinapasyal kung saan-saan, pinagluluto ng iba’t ibang mga putahe at walang sawa niya itong niyayakap.
Ayaw man niya sanang matapos ang mga araw na magkasama silang dalawa, dumating na rin ang pinakakinakatakutan niyang araw. Nagising na lang siyang nakayakap sa walang buhay niyang ina na talagang nagbigay sa kaniya nang labis na paghihinagpis.
Kahit pa ganoon, masaya na rin siyang kahit papaano, naranasan niya kung ano ang pakiramdam ng may isang ina.
“Salamat, mama, sa maikling panahon, nakumpleto mo ang buhay ko,” bulong niya rito saka na niya pinasunog ang labi nito, na siyang hiling nito.