Baon na sa Utang ang Pobreng Biyuda; Isang Itim na Bag ang Makakapagpabago sa Buhay Niya
“Magandang hapon, si Ms. Cecille Villanueva po ba ito?” magalang na pagbati ng isang collection agent sa telepono.
“Ako nga, anong kailangan mo?” kinakabahang sagot ni Cecille sa kabilang linya.
Araw-araw ay ganito na lang ang buhay ni Cecille. Napakaraming collection agent ang tumatawag sa kanya upang singilin siya sa kanyang mga bayarin.
Si Cecille ay manager sa isang kilalang kumpanya sa Cubao. Malaki ang sahod at maraming magandang benepisyo tulad ng pa-kotse, mga bonus at health card. Kung tutuusin, ito ay sobra-sobra pa sa kanilang mag-ina.
Limang taon pa lamang na kasal si Cecille sa kanyang asawa ay iniwan na sila nito. Mayroon siyang isang anak, Sophia ang pangalan. Namayapa ang kanyang asawa dahil sa sakit sa bato. Nang maubos ang ipon nila, napilitan siyang gumamit ng credit card at mangutang sa iba’t-ibang ahensiya upang matustusan ang pagpapagamot dito noon.
“Dito na kayo tumira ni Sophia sa bahay namin ng tatay mo, at paupahan mo na lang itong bahay n’yo,” wika ni Aling Nelia, ina ni Cecille habang tumutulong sa kanya sa pagluluto ng meryenda sa mga magdarasal para sa ika 40 araw ng kanyang asawang namayapa.
Ayaw sana ni Cecille na iwan ang natatanging bahay na naipundar nilang mag-asawa ngunit naisip niya na mas lalo lamang siyang malukungkot kung doon sila mamalaging mag-ina. Bukod pa rito, makakadagdag ang kikitain niya sa pagpapaupa ng bahay sa pambayad niya ng kanyang mga pagkakautang.
Halos buong sweldo niya ay napupunta lamang sa pagbabayad ng kanyang mga bayarin buwan-buwan. At dahil sa napakarami nito, imbis na lumiit ay lalo pa itong lumalaki sapagkat madalas ay lagpas ng due date ang kanyang pagbabayad at ito ay napupunta lamang sa interes at penalty.
Nais ni Cecille na makaahon sa kanyang problema kaya todo kayod ang ginagawa niyang pagtatrabaho. Nagbebenta rin siya ng mga damit, bag, sapatos at pagkain sa opisina. Dahil dito, unti-unting nakabangon si Cecille. Nakakapamasyal na silang mag-ina tuwing Sabado at Linggo at nabibilhan na rin niya ito ng mga bagong damit at laruan.
Ngunit sadyang mapagbiro nga naman ang tadhana.
“Cecille, anak. Pwede mo ba akong puntahan dito sa presinto ngayon na?” mangiyak-ngiyak at puno ng takot ang boses ng kanyang ina sa kabilang linya ng telepono.
Dali-daling nagpaalam si Cecille sa kanyang boss at tumungo sa presinto. Nadatnan niya doon ang kanyang ina at si Brando. Si Brando ay anak ng kanilang dating katulong. Kinupkop siya nila Aling Nelia nang mamayapa ang kanyang ina at itinuring na parang tunay na anak.
Naloko si Brando ng kanyang kaibigan. Nagpabenta ito sa kanya ng isang luxury car na nagkakahalaga ng limang milyong piso. Agad naman itong naibenta ni Brando, ngunit nang maibigay na ang paunang bayad na dalawang milyon ay bigla na lamang naglaho ang kanyang kaibigan.
Pumayag ang buyer na hindi ipakulong si Brando kung maibabalik nito ang kanilang salapi sa loob ng isang buwan. Ayaw ni Cecille na makulong ang kanilang ampon kaya napilitan itong isanla ang kanyang bahay at lupa.
At dahil dito, muli na namang nabaon utang ang pobreng biyuda. Makalipas ang anim na buwan ay tumatawag na sa kanya ang bangko.
“Ma’am, apat na buwan na po kayong hindi nakakabayad. Bibigyan po namin kayo ng isang linggo upang magbayad at kung hindi, kukunin na po ng bangko ang inyong bahay at lupa,” sabi ng kausap ni Cecille sa kabilang linya ng telepono.
Hindi niya malaman kung ano ang gagawin. Ang bahay at lupa na iyon na lamang ang tanging alaala na naiwan sa kanya ng yumaong asawa. Hindi siya makapapayag na mawala ito.
Tatlong araw na ang nakalipas ngunit wala pa ring solusyon si Cecille sa kanyang problema. Tanggap na niya na mawawala na sa kanya ang kaniyang bahay at lupa kaya tumungo siya sa simbahan na malapit sa kanila bago umuwi upang magdasal at humingi ng tawad sa kanyang asawa.
Gabi na ng dumating siya sa simbahan at sarado na ito kaya nagtungo na lamang siya sa Adoration Chapel.
Pauwi na siya nang may mapansin siyang isang itim na bag sa ilalim ng inuupuan niya. Nagulat siya nang makita kung ano ang laman nito.
“Panginoon, ito na po ba ang sagot sa mga problema ko?” dasal niya habang isinasara ang itim na bag na naglalaman ng dalawang milyong dolyar at napakaraming alahas.
Ang laman ng bag na ‘yon ay sapat na upang matapos na ang lahat ng kanyang problema. Ngunit parang hindi yata kaya ng kunsensiya ni Cecille na kunin ang mga bagay na hindi niya pag-aari. Tiningnan niyang muli ang loob ng bag, nagbabakasaling may ID ang may-ari nito ngunit wala talaga. Kaya naman hindi niya alam kung kanino niya ito isasauli.
Muli siyang nagdasal at nanghingi ng gabay sa Panginoon sa kung ano ang gagawin.
Paglabas niya ng chapel ay nasalubong niya si Father Rick. Kinausap niya ito at ibinigay ang itim na bag na napulot.
“Ano’ng nangyari sa’yo anak? Bakit parang hinang-hina ka?” nag-aalalang tanong ng ina.
Ikinuwento ni Cecille ang nangyari.
“Tama lang ang ginawa mo, Cecille. Ipinagmamalaki kita!” mangiyak-ngiyak na sambit ng ina sabay yakap sa kanya.
Araw ng Sabado ay maagang gumising si Cecille. Pupunta siya sa puntod ng kanyang asawa. Hihingi siya dito ng tawad sapagkat sa Lunes ay kukunin na ng bangko ang kanilang bahay at lupa.
“Mama, nasa labas po si Father Rick. May kasama po at hinahanap po kayo,” sigaw ni Sophia habang tumatakbo papasok ng kanilang bahay.
Kasama ni Father Rick sina Mr. and Mrs. Domingo, ang may-ari ng bag na kanyang napulot. Labis-labis ang pasasalamat ng mag-asawa sa ginawang pagsasauli ni Cecille ng kanilang naiwang bag sa simbahan. At dahil dito ay binigyan siya ng mag-asawa ng pabuya.
“Maraming salamat ha? Ang mga alahas na iyon kasi ay pamana pa sa akin ng mga ninuno ko. Hindi iyon madaling tumbasan ng pera. Kaya naman tanggapin mo itong pabuya upang makatulong sa inyong mag-ina,” ‘ika ni Mrs. Domingo.
Hindi nakatanggi pa si Cecille dahil labis na ipinipilit ng mag-asawa ang pabuya. Nanlaki ang mata niya nang makitang dalawang milyong piso ang ibinigay sa kanya nito. Labis din naman ang pasasalamat niya sa Maykapal dahil tila tadhana ang nangyari sa kanya.
Magmula noon ay iningatan ni Cecille ang pera, inilagak niya ito sa bangko at matalinong ipinalago. Nabayaran niya na rin ang lahat ng kanyang pag-uutang.