Ipinagpalit ng Babae ang Lahat Para sa Kanyang mga Pangarap, Isang Araw ay Nagising Siyang Puno ng Pagsisisi
Tuwang-tuwa si Jacky nang matanggap siya bilang isang empleyado sa isang napakalaking kumpanya na dati niya pa pinapangarap. Bukod sa napakalaking sahod, napakaraming benepisyo ang matatanggap niya mula dito. Kaya naman agad siyang umalis sa kasalukuyang trabaho niya upang makapagsimula na sa pangarap niyang kumpanya.
Hindi naging mahirap ang karanasan niya bilang empleyado dito. Agad niyang natutunan ang mga dapat gawin at nagkaroon siya ng maraming kliyente.
Dahil dito, mabilis na tumaas ang posisyon si Jacky. Wala pang tatlong taon ay naging Assistant Manager na siya.
Bilang ganti sa kumpanyang nagbigay sa kanya ng magandang buhay, ginalingan niya pang lalo ang pagtatrabaho. Madalas siyang nag-oovertime at kailanma’y hindi lumiban sa opisina. Pumapasok pa rin siya kahit na siya ay maysakit. At dahil siya ang Assistant Manager doon, kahit Sabado, Linggo o holiday, basta kailangan ng tao, pumapasok siya.
“Anak, baka naman pwede kang lumiban sa trabaho mo sa Biyernes. Tumawag ang titser ni Marcus kanina. Kailangan mo raw pumunta sa Principal’s Office. Nakipag-away ang anak mo sa kaklase niya,” pakiusap ni Aling Tina pagkapasok na pagkapasok ni Jacky sa bahay nila.
Alas diyes na ng dumating ng bahay si Jacky sapagkat may tinapos siyang report. Kanina pa siya hinihintay ng ina. Nais sana ni Aling Tina na kausapin din ng anak niya si Marcus para mapagsabihan sa nagawang kasalanan sa paaralan. Ngunit dahil gabi na siya dumating, tulog na si Marcus.
Tulad ng inaasahan ni Aling Tina, hindi maaaring lumiban sa trabaho ang anak dahil marami raw report na kailangang tapusin tuwing Biyernes. Pinakiusapan na lamang niya ang ina na pumunta sa eskwelahan ng anak para makipag-usap sa prinsipal. Nag-iwan pa ito ng pangkain ng mag lola bilang suhol.
Walang nagawa ang matanda kundi sundin ang sinabi ng anak. Masipag sa trabaho ang kanyang nag-iisang anak at hindi naman ito nagkulang sa pagbibigay sa kanila ng kanilang mga pangangailangan sa buhay pati na rin ang luho. Kaya nga lang, bihira nilang makasama si Jacky sa mga lakad nila. Kadalasan, siya, ang kanyang asawa na si Mang Pepe at Marcus lang ang magkasamang namamasyal.
Pinatigil na ni Jacky ang kanyang mga magulang sa pagtatrabaho mula nang makipaghiwalay si Jacky sa kanyang asawa. Umalis ang mag-ina sa bahay nila at lumipat sa piling ng kanyang mga magulang.
Matiwasay ang pagsasama ng mag-asawang si Jacky at Mark. Mataas ang posisyon ni Mark sa kanyang pinagtatrabahuhan. Nais ni Mark noon na patigilin sa pagtatrabaho si Jacky upang pagtuunan na lamang ng asawa ang kanyang pamilya. Ngunit ayaw ni Jacky na maging housewife dahil sayang daw ang kanyang pinagaralan. Gusto rin niya na may sarili siyang pera at ayaw niyang iasa sa asawa ang lahat.
Dahil mahal na mahal ni Mark ang kanyang asawa, hinayaan na lamang niya ito sa kanyang kagustuhan. Subalit mula ng maging Assistant Manager ito, nawalan na ng oras si Jacky sa kanyang pamilya at ito ang naging dahilan ng kanilang paghihiwalay. Mas pinili pa ni Jacky ang kanyang trabaho kaysa sa kanyang asawa.
“Hello, Mark? Ang Mommy Tina mo ito. Puwede mo ba akong samahan sa school ni Marcus? Napaaway kasi siya. Pinapatawag nila ang mga magulang niya,” wika ni Aling Tina sa telepono.
“Bakit po mommy? Hindi na naman po pwedeng lumiban si Jacky sa opisina?” dismayadong tanong ni Mark sa kabilang linya ng telepono.
Pinakansel ni Mark ang lahat ng meeting niya sa araw ng Biyernes at sinamahan ang mag-lola sa paaralan ng anak. Pagkatapos nito ay kumain sila sa labas. Tuwang-tuwa si Marcus sapagkat nakasama niya ulit ang kanyang ama.
Hindi na napagsabihan ni Mark ang kanyang anak sa kasalanang nagawa. Masaya silang namasyal pagkatapos kumain sa paborito nitong restawran..
Gabi na nang makauwi si Jacky sa bahay galing ng opisina. Hindi na niya nakamusta kung ano ang nangyari sa lakad ng mag-lola sapagkat trabaho pa rin ang nasa isip niya.
Kinabukasan, nasa kalagitnaan ng pagrereport si Jacky sa harap ng bago nilang kliyente at mga boss nya nang bigla siyang himatayin. Agad namang tumawag ng ambulansiya ang sekretarya ng kanilang boss at dinala siya sa pinakamalapit na ospital.
Isang linggo na palang halos walang tulog si Jacky para lamang tapusin ang report para sa kanilang bagong kliyente. Bukod sa stress, labis na pagod, at hindi pagtulog, matagal na pala siyang may problema sa puso. Madalas siyang nakakaramdam ng hirap sa paghinga at pagkabog ng dibdib. Ngunit dahil sa dami ng trabaho, wala siyang oras para magpatingin sa doktor. Mild stroke ang sanhi ng kanyang pagkahimatay.
Kailangan na din siyang operahan dahil may bara ang kanyang puso. Pinayuhan din siya ng kanyang doktor na huwag munang magtrabaho sapagkat stress ang pangunahing naging sanhi ng kanyang pagkakasakit.
Dahil si Jacky lang ang nakakaalam ng presentation nila sa bago nilang kliyente, hindi natuloy ang napakalaking proyektong pinagpaguran niya. Imbis na kumustahin si Jacky ng kanyang mga boss ay nagalit pa ito sa kanya sapagkat hindi daw nito itinuro sa kasamahan ang kanyang trabaho na nagresulta sa pagkawala ng kanilang kliyente.
Habang nakahiga sa ospital si Jacky, kinausap niya ang dating asawa upang humingi ng tawad.
“Mark, patawarin mo ako sa nagawa kong pag-iwan sa’yo. Mas pinili ko pa ang trabaho ko. Tingnan mo ako ngayon. Pagkatapos ng lahat ng paghihirap ko sa kompanyang iyon, ito ang igaganiti nila sa akin,” puno ng pagsisising sinabi ni Jacky sa asawa habang siya ay umiiyak.
“Kalimutan mo na ang lahat ng ‘yon. Ang mahalaga buhay ka at magpapagaling ka. Aalagaan ko kayo ni Marcus habang ako ay nabubuhay,” puno ng pagmamahal na sagot ni Mark sabay yakap sa kanyang asawa.
Matapos ng tagpong iyon ay nagkabalikan na ang mag-asawang pinaghiwalay noon ng labis na pagtatrabaho ni misis. Makalipas ang isang taon ay tuluyan nang gumaling si Jacky. Napagkasunduan naman nilang mag-asawa na maaari pa ring magtrabaho si Jacky ayon sa kanyang kagustuhan, ngunit nangako siyang hindi na niya sasagarin ang sarili at uunahin ang kanyang kalusugan at ang kapakanan ng kanyang pamilya bago ang trabaho.