Inday TrendingInday Trending
Pinagtawanan ng Guro ang Estudyante Niyang Matanda, Pahiya Siya nang Malaman ang Pagkatao Nito

Pinagtawanan ng Guro ang Estudyante Niyang Matanda, Pahiya Siya nang Malaman ang Pagkatao Nito

Magta-tatlong taon nang guro si Sabel sa unang taon ng highschool, pero taliwas sa sinumpaan niya sa trabaho, hindi ganoon ka-haba ang pasensya niya pagdating sa pagtuturo. Ayaw niya sa estudyanteng hindi magaling, ayaw niya ng paulit-ulit at tanung nang tanong, binubulyawan niya na kapag ganoon.

Tsinitsismis niya rin sa ibang kasamahan sa faculty ang kahinaan ng kanyang mga estudyante. Naging katuwaan na nila iyon lalo na kapag breaktime.

“Naku si Salvador ba kamo? Aba pinatayo ko! Akalain momg malapit malapit nang mag uwian eh lumapit pa sa akin at pabulong na sinabing hindi niya raw naiintindihan. Pabulong kamo talaga, siguro nahihiya sa iba. Eh hindi ko pinalagpas, kinabukasan pinahiya ko, mangiyak ngiyak eh,” tatawa tawang sabi niya habang kumakain sila ng kaibigang si Mae, wala silang klase dahil lunch time.

“Loko ka talaga, dapat sinagot mo nalang. Mamaya magsumbong sa nanay yon,” sagot naman ng babae.

“Ano naman sa akin? Pag nagsumbong siya dalawa pa silang pag uuntugin ko dahil kasalanan ng nanay na nagluwal siya ng tanga. Malay mo, mana pa pala sa kanya,” biro niya sabay hagikgik.

Pareho naman silang napalingon nang pumasok ang department head nila, kasunod nito ang isang bagong teacher na babae.

“Ay yan daw yung magaling,” bulong ni Mae sa kanya.

“Talaga ba?” sabi niya at nagmamasid na rito. Nginitian naman sila ng babae.

“Oo, pinag uusapan nila Ma’am Vidal kahapon. Top notcher raw sa exam, tuwang tuwa nga ang principal natin na dito niya napiling pumasok,”dagdag pa nito.

Napangiti naman si Sabel, ganito ang mga gusto niyang kaibigan. Agad siyang tumayo at nilapitan ang babae.

“Hi ako si Sabel, almost 3 years nang teacher dito. If you need something, don’t hesitate ha?” masuyong sabi niya.

“Thanks Sabel! Ako si Danna, nice meeting you,” tinanggap nito ang kamay niyang nakalahad, sa tantya ni Sabel ay nasa 23 taong gulang pa lamang ang babae.

Gusto niya pa sanang makipagkwentuhan nang mapasulyap siya sa orasan, ala una na. Kailangan na niyang bumalik sa classroom. Bago siya makalabas ay tinawag siya saglit ng department head.

“Yes Ma’am?”

“Sabel, may madaragdag na pitong estudyante sa’yo ha. Nakalimutan kong sabihin, nag-maternity leave na kasi si Gina dahil manganganak na. Walang maiiwan sa klase niya kaya pinaghati hati ko na lamang sa inyong mga natira, eto ang names nila.” sabi nito at iniabot sa kanya ang record.

Gustong mag-reklamo ni Sabel pero wala na siyang nagawa dahil boss niya ito. Ayaw niyang magpakita ng hindi magandang ugali sa harap nito.

Lalo siyang napasimangot nang makita ang listahan ng mga pangalan, isa roon si Divina Rosales. Kilalang kilala ang estudyanteng ito sa buong eskwelahan dahil ka-edad na yata ito ng nanay niya. Mas matanda pa sa kanya, pag minamalas ka nga naman.

Pagdating sa classroom ay sinalubong siya ng pitong bagong estudyante, lalong naasiwa ang guro nang makita ang may edad nang ginang na naka-uniporme pa ng pang-high school. Diyos ko, hindi ba ito nahihiya? Eh parang lola na ito ng mga kaklase!

Tiyak niyang mahihirapan siyang magturo rito. Sa mga bobong bata nga maiksi ang pasensya niya, dito pa kaya sa marupok at makunat na matanda?

“Class meet your new classmates. They’ll be with us for the next months dahil naka-leave ang adviser nila.” matabang na sabi niya.

Mula noon ay wala na siyang naging puntirya kung hindi si Divina. Sinasadya niyang tawagin ito at pasagutin sa unahan. Basta gusto niya lang mapahiya ito, na hindi naman nangyayari dahil palaging handa ang ginang at tila nais talagang mag aral.

Makalipas ang ilang araw ay sumapit ang Teacher’s Day. Bilang pag alala sa sakripisyo ng mga guro ay may program sa kanilang covered court, naghanda ng dance at song numbers ang mga estudyante, may kainan rin at mga palaro. Isa sa mga napiling magsalita sa unahan si Divina Herrera, ang sabi ng host, may inspirational raw na sasabihin ito.

“Diyos ko ano’ng talent ng estudyanteng iyan, ang tumanda sa high school?” matalim na sabi niya, sinaway siya ni Mae dahil napatingin sa kanila ang ibang guro na kasama nila sa table.

Sa isang bilog na mesang iyon ay kasama rin nila si Danna, pero wala ang department head kaya ayos lang kay Sabel na okray-okrayin ang mga estudyante.

“Sus totoo naman eh, tiyak kong bagsak palagi yan. Dapat nga hindi na tinatanggap rito yan pag may edad na. Nakakahiya o! My gosh! Ikaw ba Danna, what do you think? Sabi nila magaling ka raw na teacher so I want to hear your opinion tungkol dito, diba dapat may age limit ang pagtanggap sa estudyante?” baling niya sa babae na nakangiti, pilit humahanap ng kakampi.

Bago pa nakasagot si Danna ay tinawag nagsalita na si Divina sa unahan kaya pareho silang napalingon.

“A-ako ho si Divina, 1st year high school. Sa mga nag iisip ho kung ilang taon na ako, 44 years old na ako nang mag-enroll rito. Hindi lingid sa akin ang mga matang nakamasid, mga taong nag iisip na nakakahiya na ang ginagawa kong ito.

Pero isang tao lang ang palaging nagpapaalala sa akin na hindi pa huli ang lahat..ang taong ito ang nagpapalakas ng loob ko at palaging nagsasabing kaya ko. Ang kapatid ko, si Ms. Danna Herrera,” sabi ng babae, napuno ng bulung bulungan ang covered court.

Namutla naman si Sabel, kapatid ni Danna si Divina! Bakit nga ba hindi niya naisip na pareho ng apelyido ang mga ito?!

Nagtuloy sa pagsasalita ang babae sa unahan, “Kaya inaalay ko ang araw na ito hindi lamang sa mga guro, kung hindi sa kapatid kong buong puso kong ipinagmamalaki, si Danna. Proud na proud ang ate sayo,” maluha-luhang sabi nito.

Di naman nakapigil si Danna at naiiyak rin na pumunta sa unahan, niyakap nito ang kapatid at kinuha ang mic, “Actually ho hindi dapat ang ate ko ang proud sa akin, ako dapat ang proud sa kanya. Maraming nagsasabi na magaling raw ako, ganito ganyan. Pero ang totoo, kung hindi dahil sa ate kong nagsakripisyo dahil maaga kaming naulila, kung hindi dahil sa ate kong nagbenta ng basahan para may pang-tuition ako, kung hindi dahil sa ate kong kinalimutan ang buhay niya para sa akin, wala ho ako dito.

Kaya ate ko po ang nakaka-proud, at ngayon ako naman ang babawi sa kanya. Hindi pa huli ang lahat ate, para tuparin mo ang mga pangarap mo. At nandito lang ako sa tabi mo para samahan kita. Mahal na mahal kita ate, salamat sa lahat,” tigib ang luhang sabi ng dalaga.

Nagpalakpakan naman ang lahat habang umiiyak. Si Sabel ay pasimpleng tumayo at umalis, pahiyang pahiya siya sa sarili niya.

Mula noon ay nagbago na ang babae, mas mahaba na ang pasensya niya sa mga estudyante at hindi na rin siya mapanghusga sa kapwa.

Advertisement