Inday TrendingInday Trending
Matagal na Hindi Nakita ng Lalaki ang Kaibigang Pinagkakautangan, Nang Masilayan Niya Itong Muli ay Wala na Itong Buhay

Matagal na Hindi Nakita ng Lalaki ang Kaibigang Pinagkakautangan, Nang Masilayan Niya Itong Muli ay Wala na Itong Buhay

Biglang nagising si Carlo nang tumunog ang kanyang cellphone at agad niya iyong sinagot.

“Hello! Sino ito?” tanong niya.

“Magandang umaga! Kayo po ba si Mr. Carlo Vergara? Natatandaan niyo pa ba si Sergio Romulo? Si Fatima ito, misis niya. Mayroon siyang malubhang sakit,” wika nito sa kabilang linya.

Nagulat siya sa sinabi ng babae.

“O-oo kilala ko siya. Anong nangyari? Anong dinaramdam ni Sergio?” aniya.

“Galing kami sa ospital noong nakaraan araw. Sinabi ng doktor na malubha na ang kanyang kanser sa dugo. Kahit anong oras daw ay puwede siyang mawala,” mangiyak-ngiyak na sabi ng babae.

Biglang nakaramdam ng panlalamig si Carlo sa ibinalita ng kausap.

“K-kumusta naman ang lagay niya ngayon?” tanong niya rito.

“Nakakausap naman siya kahit paano. Hindi na siya nakakatayo kaya maghapon na lamang siyang nakahiga sa kama. Pinatawagan ka niya sa akin.” anito.

“Buti naman at tinawagan mo ako. Pakisabi sa kanya na bibisitahin ko siya bukas.”

Nagkaroon ng sigla ang boses ng babae sa tinuran niya. “Sige, Carlo. Aasahan namin ang pagpunta mo. Salamat,” paalam nito.

Tahimik na umupo si Carlo sa silya na malapit sa bintana ng kanyang kuwarto at bumuntong-hininga. Bumalik sa kanyang alaala lahat ng nangari sa nakaraan.

Nagmula siya sa isang mahirap na pamilya. Magsasaka ang kanyang ama at labandera naman ang kanyang ina pero kahit ganoon ang kanilang buhay ay iginapang ng mga ito ang kanyang pag-aaral. Nakapagtapos siya sa high school ngunit nang magkasakit ang kanyang ama at hindi na nakapagtrabaho ay hindi na siya nakapagtuloy ng pag-aaral hanggang kolehiyo.

Buti na lamang at mayroong taong tumulong sa kanya upang maipagpatuloy niya ang kolehiyo. Tinulungan siya nito na makakuha ng scholarship sa isang kilalang unibersidad sa Maynila. Tinulungan din siya nitong makahanap ng trabaho para makatulong sa pantustos niya sa pag-aaral.

Kumuha siya ng kursong Education. Nagtrabaho siya sa umaga at nag-aaral sa gabi. Isang araw ay nasunog ang pabrika na pinagtatrabahuhan niya. Marami ang nawalan ng trabaho at isa na siya roon. Hindi niya malaman kung ano ang gagawin dahil ang kalahati ng kanyang kinikita ay ang kalahati rin ng kanyang binabayaran sa unibersidad na pinapasukan. Kalahati lang kasi ang sagot ng scholarship kaya kailangan niyang magtrabaho para maipagpatuloy ang pag-aaral.

Nakahanap naman agad siya ng bagong mapapasukan at di nagtagal ay natapos niya ang kanyang kurso. Nang maka-graduate at masuwerteng nakapasa sa board exam ay madali siyang natanggap sa trabaho. Inalok siya na magturo sa isang Catholic School. Doon din niya nakilala ang kanyang napangasawa, si Amanda.

Bumalik ulit sa isip niya ang ibinalita ni Fatima. Hindi niya kailanman makakalimutan ang pangalang Sergio Romulo. Ito ang taong tumulong sa kanya na makakuha siya ng scholarship at ito rin ang tumulong na makapasok siya sa pabrika. Si Sergio ay ang anak ng kaibigan ng kanyang ama na si Gustavo Romulo.

Nakilala nito ang ama ng minsang iligtas ng kanyang ama ang buhay nito sa kapahamakan. Pauwi na noon si Gustavo nang bigla itong tambangan ng mga di kilalang lalaki at saksakin. Buti na lamang at nakita ito ng ama at dinala sa ospital. Mula noon ay tumanaw na ito ng utang na loob sa kanilang Pamilya ngunit hindi rin nagtagal ay pumanaw ito dahil sa atake sa puso.

Ipinagpatuloy ng anak nito na si Sergio ang magandang pakikisama sa kanilang pamilya. Mas matanda ito ng limang taon sa kanya. Naging matalik silang magkaibigan ni Sergio. Nagkahiwalay lang sila ng landas nang mag-aral ito sa Maynila at siya ay naiwan sa probinsiya.

Nalaman nito na hindi siya makakatuntong sa kolehiyo kaya gumawa ito ng paraan para maikuha siya ng scholarship. Marami kasi itong kakilala sa unibersidad na pinasukan niya. Naipasok din siya nito sa pabrika dahil kakilala ng ama nito ang may-ari niyon. Ang lalaki ang tumulong sa kanya para maging ganap na guro.

Ibinalita niya kay Amanda ang tungkol kay Sergio at kinabukasan ay maaga silang gumayak na mag-asawa patungong Tarlac. Sumalubong sa kanila ang lumuluhang si Fatima.

“Salamat at nakarating ka, Carlo!” malungkot na wika nito.

“Nga pala, si Amanda, misis ko.”

“Ikinagagalak kitang makilala,” bati ni Amanda.

“Ganon din po ako! Tuloy kayo!”

“Si Sergio?” bungad niyang tanong.

Dinala sila nito sa isang kuwarto. Nakita nilang mag-asawa ang nakaratay na katawan na katawan ng lalaki sa kama. Nagmulat ang mga mata nito nang maramdamang dumating na sila.

“Kumusta ka na?” aniya sa kaibigan.

“Carlo? Ito…malapit na,” mahina nitong sagot.

“O, malayo pa, p’re. Ikaw pa…kaya mo iyan!” sambit niya habang nanginginig ang boses.

Kahit pinipigilan ni Carlo ang pangingilid ng kanyang luha ay masaya pa rin niyang inaliw ang kaibigan.

Maya-maya ay nakatulog na ito. Pinaghandaan naman sila ni Fatima ng masarap na pananghalian.

Sumapit na ang oras ng kanilang pag-alis. Pinuntahan nila si Sergio sa kuwarto para magpaalam ngunit laking gulat ng mag-asawa nang umiyak si Fatima habang yakap ang lalaki. Wala na itong buhay. Iniwan na sila ng kanyang kaibigan.

Siya lang pala ang hinintay nito bago ito malagutan ng hininga. Tumulong siya sa gastusin mula sa burol hanggang sa pagpapalibing. Bago pa man ihatid sa huling hantungan ang kaibigan ay hindi mapigilan ni Carlo ang mga luhang dumaloy sa kanyang mga mata habang pinagmamasdan ang maaliwalas nitong mukha.

“Paalam na p’re, alam kong alam mo na ang utang na loob ay kailanman ay hindi nababayaran. Sapagkat iyon ay walang katumbas na halaga. Hayaan mong ulit-ulitin ko sa iyo ang aking walang hanggang pasasalamat. Iyon lang ang alam kong pinakamabuting maari kong iganti sa lahat ng kabutihan mo sa akin,” pabulong niyang sabi.

Nawala man ang kanyang kaibigan ay masaya na rin si Carlo dahil alam niyang masaya na ito kung nasaan ito ngayon.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Advertisement