Mataba man si Misis ay Maganda Naman Siya, Kaya Di Niya Akalaing Ipagpapalit Siya ni Mister sa Mas Pangit Pa sa Kanya
Taglay ni Sheryl ang magandang mukha pero pinoproblema niya ang kanyang mga bilbil sa katawan. Bata pa lang ay tabain na siya ngunit hindi naman iyon naging hadlang para hindi siya makahanap ng love life.
Sampung taong gulang pa lamang siya nang iwan ng kanyang ina para magtrabaho sa Saudi. Tanging ang lola lang niya ang nag-aruga sa kanya.
Dahil malaki ang kinikita ng ina bilang Nurse sa Saudi ay lumaki siya sa luho. Lahat ng kapritso niya ay ibinibigay nito. Hanggang sa magdalaga at tumuntong sa tamang edad ay sunod pa rin ang lahat ng gusto niya.
Lumipas ang panahon at tumibok ang kanyang puso sa katauhan ni Ronnel. Hindi nalalayo ang kanilang edad. Lahat ng gusto niya sa isang lalaki ay nakita niya rito ngunit isa lamang itong hamak na tricycle driver. Kahit mahal nila angisa’t isa ay hindi ito tanggap ng pamilya ni Sheryl. Wala raw siyang mapapala sa lalaki. Grade one lang kasi ang natapos nito at no read, no write pa.
“Kapag sumama ka sa lalaking iyan, hindi ka na makakabalik dito!” galit na sabi ng kanyang lola.
“Sorry po, lola. Nakapagdesisyon na ako. Mahal ko si Ronnel at sasama ako sa kanya sa ayaw niyo’t sa gusto,” sagot niya sa matanda.
Sumama siya sa kasintahan at nagsama sila. Nakalimutan ni Sheryl ang mga luho niya ng maging mag-asawa sila ni Ronnel. Ikinasal sila sa huwes at biniyayaan ng dalawang anak.
Sa una ay naging maganda ang takbo ng kanilang pagsasama ngunit nagbago ito nang makilala nila si Mary Rose. Anak ng kapitbahay nilang manikurista. Naging kaibigan niya ang babae at naging kumare pa.
“Mare, daan ka sa bahay, ha. Nagluto ako ng ginataan,” alok ni Sheryl.
“Naku, paborito ko iyon, mare. Puntahan kita mamaya,” sagot naman nito.
Ang hindi niya alam ay may lihim na pagtingin ang babae sa kanyang asawa.
Tuwing nakaparada ang tricycle ni Ronnel sa kanto ng kalsada nila ay palagi itong nagpapapansin. Nagsusuot ito ng maiksing damit para ipakita sa lalaki ang malaki nitong binti.
Tulad ni Sheryl ay nagtataglay din ang babae ng matabang pangangatawan ngunit kung mukha rin lang ang labanan ay di hamak na maganda ang itsura ni Sheryl kumpara rito. Sa madaling salita, PANGIT ang babae.
Nang minsang sinundo niya ang mga anak sa eskwela ay nakakuwentuhan niya si Aling Maring. Isa sa mga tsismosa nilang kapitbahay.
“Hoy, Sheryl, bantayan mo iyang mister mo at baka maagaw ng iba!” anito.
“Ho? Ano pong ibig niyong sabihin?” nagtataka niyang tanong.
“Kalat na sa lugar natin ang tsismis, wala ka pa rin bang alam?”
Magtatanong pa sana siya sa matandang tsismosa pero dumating na ang sundo niyang pedicab.
Palaisipan sa kanya ang sinabi ni Aling Maring ngunit hindi niya iyon pinansin. Sa halip ay palihim siyang natawa dahil kilalang matinik na tsismosa ang matandang babae kaya walang sumeseryoso sa mga sinasabi nito.
Isang araw aynagkainuman silang tatlo dahil birthday ng panganay niyang anak at kumbidado si Mary Rose.
“Mare, marami na yata ang naiinom mo, ah,” tanong ni Sheryl na medyo may tama na sa ininom na alak.
“Lasing ka na ba, mare? Tagay pa tayo!” ani Ronnel na lasing na rin.
“Kayong dalawa ang lasingna! Matibay ang sikmura ko sa alak kaya hindi ako basta tatablan niyan!” anito.
“Psst, huwag kayong masyadong maingay at baka magising ang mga bata!” sabat naman niya.
Mayamaya ay nakaramdam na ng pagkahilo si Sheryl sa sobrang kalasingan kaya nakatulog na ito sa sala.
Alas-dos ng madaling araw, nagising siya na sumasakit ang ulo. Dulot iyon ng kanyang ininom kaya minabuti niyang tumayo sa kinauupuan at kukuha siya ng gamot sa kuwarto. Nagtaka siya kung bakit wala roon ang asawa at kanyang kumare.
“Aba, at hindi man lang ako binuhat ng gago papunta sa kuwarto?” inis na sabi ni Sheryl sa sarili.
Inakala rin niyang umuwi na si Mary Rose ngunit mali pala siya.
Bago pumunta sa kuwarto ay naramdaman niya na naiihi siya kaya inihakbang niya ang mga paa papuntasa banyo. Pagpindot niya sa switch ng ilaw ay nakita niya ang kanyang asawa at si Mary Rose na naghahalikan na walang suot na saplot sa katawan. Gumapang ang matinding galit sa kanyang buong pagkatao.
“Mga hayop kayo! Dito pa talaga sa sarili kong pamamahay?!”
“S-sheryl? Lasing ako at…”
“At ano? Kaya sinamantala ninyo ang pagkakataon ganon ba? At ikaw babae ka, kumare pa naman kita tapos ay aahasin mo lang pala ang asawa ko?!”
“P-patawarin mo ako, mare!”
“Ang kapal ng mukha ninyo! At ikaw, Ronnel hindi ka pa nakuntento sa akin? Ipagpapalit mo rin lang ako sa mas pangit at kasing taba ko pa! Lumayas kayong dalawa, layas!” galit na sigaw ni Sheryl habang pinagtatabuyan palabas ng bahay ang dalawang ahas.
Matagal na palang may relasyon sina Ronnel at Mary Rose. Nagpatukso ang lalaki sa pang-aakit ng kanyang kumare at tama pala ang mga tsismis.
Hanggang ngayon ay sinusubukan pa rin ni Ronnel na suyuin ang misis pero hiniling ni Sheryl na bigyan siya nito ng oras. Ang mahalaga ay natuto na ang babae na mahalin at alagaan ang sarili, masaya na rin siya sa piling ng mga anak.
Palagi nating tandaan na ang tukso ang siyang sisira sa isang pamilya. Huwag ipagpalit ang ilang taong samahan para sa ilang minutong kaligayahan.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!