Binigyan ng Lalaki ang Anak na Humihingi ng Pera, Di Niya Naman Inasahan ang Kakaibang Bibilhin Nito
Alas onse na ng gabi nang dumating galing sa trabaho si Nando. Nag-over time siya para kahit paano ay mayroong madadagdag sa kikitain niya kapag dumating na ang araw ng sahuran.
Naabutan niya ang anak na si Buboy na nakaupo sa sofa habang nanonood ng TV.
“O bakit hindi ka pa tulog? Gabi na ah,”
“Eh hinihintay po kita, papa. May itatanong lang po sana ako sa inyo,”
Nagtaka si Nando sa sinabi ng kanyang anak.
“Ano iyon, anak? At hinintay mo pa talaga ako. Hindi ba puwedeng ipagpabukas na iyan?”
“Pa, magkano po ba ang kinikita niyo kada oras sa trabaho?” tanong ng anak.
Nagulat si Nando sa tanong na iyon ni Buboy. Hindi niya akalaking itatanong ng anak ang tungkol doon. Medyo kumunot ang kanyang noo.
“Hindi mo na kailangan malaman pa, anak. Matulog ka na at gabi na!”
Hindi umalis sa kinauupuan ang bata. “Pa, gusto ko lang na malaman kung magkano ang kinikita mo kada oras, please!” pangungulit nito.
Napakamot sa ulo si Nando at umupo rin sa sofa katabi ang anak. Nag-iisip pa rin kung bakit nito tinatanong ang tungkol sa kita niya. Nakatitig pa siya rito hanggang sa marinig niya ang tinig ng misis.
“Dad, dumating ka na pala, kumain ka na ba?” tanong ng asawa niyang si Salve. Bumaba ito sa sala dahil nakitang wala sa kuwarto ang anak.
Hinalikan ni Nando sa pisngi ang asawa. “Tapos na, mahal. Kumain na ako sa opisina. O, bakit pati ikaw ay gising pa rin?” tanong niya.
“Nakita ko kasi na wala sa kuwarto niya si Buboy kaya bumaba ako rito. At ikaw bata ka, bakit hindi ka pa natutulog?”
“Ma, may tanong pa kasi ako kay papa.” sagot ng bata.
“At ano naman iyang tanong mo sa papa mo at ayaw mo pang ipagpabukas?”
“Tanong ko kay papa kung magkano ang kita niya kada oras?”
Nagkatinginan ang mag-asawa. Hindi rin makapaniwala si Salve sa sinabi ng anak.
“Buboy, bakit mo naman naitanong iyan?” wika ni Salve.
“Basta po, gusto kong malaman…Sige na po!” patuloy na pangungulit nito.
“Pagbigyan mo na nga dad ang anak mo para matigil na,” pakiusap ni Salve sa mister.
Napabuntong-hininga na lamang si Nando.
“500 pesos kada araw, anak ang kita ko sa trabaho,” sagot ni Nando.
Ngumiti si Buboy sa sinabi ng ama. “Pa, puwedeng humingi ng 250?” sabi ng bata.
Muling nagtaka ang mag-asawa. “Saan mo gagamitin ng 250, anak?” Tanong ni Nando.
“Basta po, papa..please importante lang.” pagmamakaawa nito sa kanya.
Napahaplos sa kayang noo si Nando bago dumukot sa bulsa at kumuha ng pera sa wallet.
“O, sige na nga ayan na 250. Saan mo ba gagamitin?”
“Yehey, thank you papa! Kumpleto na ng pera ko, saktong 500 pesos na!” masayang nagsisigaw ang bata sa harap ng mag-asawa.
Nagkatitigan sina Nando at Salve sa inasal ng kanilang anak. Tuwang-tuwa ito na nakumpleto na ang pera nitong hawak.
“Teka, may gusto ka bang bilhin, anak? Dapat sinabi mo na lang sa amin ng papa mo para ibibili ka lang namin. Ano ba ang gusto mo, laruan, damit?” tanong ni Salve.
“H-hindi po laruan at damit ang gusto kong bilhin, mama.”
“Kung hindi laruan at damit ang gusto mo, e ano ang bibilhin mo diyan sa 500 pesos mo?” tanong ni Nando.
“P-puwede ko po bang bilhin ang isang araw mo pa? Please po! Miss na miss na kasi kita, e.”
Halos hindi nakakilos si Nando sa sinabing iyon ng anak. Gusto namang maluha ni Salve.
Mula kasi nang ma-promote sa trabaho si Nando ay puspusan ang pagtatrabaho nito para mas mabigyan niya ng magandang buhay ang kanyang mag-ina. Palagi siyang gabi na umuuwi o minsan ay madaling araw dahil nag-over time.
Hindi niya namalayang hindi na sila nagkaka-bonding na mag-ama. Maaga siyang pumapasok sa opisina at kapag nagigising naman si Buboy sa umaga ay nakaalis na siya at hindi na sila nagkikita. Nilapitan niya ang anak at mahigpit na niyakap.
“Patawarin mo ako, anak. Hayaan mo at uuwi ako ng maaga bukas. Sabay nating papanoorin iyong paborito mong anime sa TV. Hindi mo na kailangang bilhin ang oras ko, anak dahil libreng-libre ito para sa iyo at sa mama mo.”
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.