Nagbangayan ang Magkakapatid Dahil sa Hatian ng Lupang Naiwan ng Magulang, Isang Pangyayari ang Muling Magbubuklod sa Kanila
Lumaking magkakasundo ang magkakapatid na sina Archie, Mara, Rica at Zeus. Palagi sila noong naglalaro sa labas ng bahay kasama ang ilang mga kabigan. Di nga maikakaila ang malapit nilang samahan bilang magkakapatid.
“Kuya Archie, tulungan mo naman ako sa assignment ko.” Wika ni Rica.
“Oo ba, math ba iyan? Halika pag-aralan natin.”
Malapit ang loob ni Archie sa kapatid na si Rica habang mas malapit naman si Mara sa bunsong si Zeus, gayunman ay hindi nito nahahandlangan ang maganda nilang samahan.
“O mamaya na muna iyan, meryenda muna tayo kuya, nasaan ba si Zeus?” Wika ni Mara.
“Ate andito ako, hinuhuli ko kasi yung gagamba sa kisame kaso hindi ko abot eh.” Sagot nito.
Sa paglipas ng panahon ay kinailangan ring maghiwa-hiwalay ng magkakapatid. Nauna si Archie na kinailangang magtrabaho sa malayo, sinundan ni Mara na mag aaral naman ng kolehiyo.
“Mami-miss ko kayo Rica at Zeus, wag kayong masyadong magpasaway kina mama at papa ha.” Paalam ni Mara.
“Ate, wala na kong katabi matulog.” Wika ng nalulungkot na si Zeus.
Kalaunan ay nakapangasawa na ang dalawang panganay at nagkaroon ng sarili nilang buhay, di nga nagtagal ay umalis na rin si Rica upang makapag-aral ng Engineering sa malayong eskwelahan. Naiwan ang bunsong kapatid na si Zeus na nag-aaral pa lamang sa hayskul.
“Zeus, ikaw na lang nandito, sina mama tumatanda na, tumulong ka minsan sa gawaing bahay ha, mag-iingat ka palagi.” Bilin niya.
“Oo ate, ikaw din, nakakalungkot ako nalang andito.”
Dahil sa kanilang magkakalayong tahanan ay hindi na rin maiwasang lumayo ang loob nila sa isa’t isa. Hindi na sila masyadong nagkakausap dhil lahat sila ay abala na rin sa kanilang mga buhay.
Ngunti isang trahedya ang nangyari sa kanilang tahanan, dala ng katandaan ay pumanaw ang kanilang ama, tatlong buwan pa lamang mula nang ipalibing nila ito ngunit agad din itong sinundan ng kanilang ina.
Napagpasyahan nilang umuwi sa kanilang dating tahanan upang ligpitin ang gamit ng matatanda at magbigay respeto sa kanilang namayapang mga magulang.
“Hindi ko alam kung kaya kong tumira mag-isa sa bahay na to, ang lungkot wala na sina mama.” Wika ni Zeus.
“Anong plano mo?” tanong ni Mara.
“Di ko alam ate, wala naman akong plano.”
Sa pamamalagi nila doon ay ginunita ng magkakapatid ang kanilang masayang kabataan. Ngunit alam nilang hindi na iyon maibabalik pa at iba na ang kanilang mga prayoridad sa ngayon. Humantong sa pagtatalo ang hindi nila mapagkasunduang isang bagay.
“Di ako papayag! Pinaghirapan nina papa ang lupang ito tapos ibebenta niyo lang?” Sigaw ni Mara.
“Paghahatian naman natin ng patas ang perang maibabayad dito.” Sagot ni Archie.
Nagkampihan si Mara at Zeus habang si Rica ay pumanig sa kaniyang kuya. Nais ni Archie na ibenta na lang ang lupa dahil hindi naman nila ito magagamit, ayaw naman pumayag ni Mara at Zeus. Dahil sa hindi pagkakasundo ay hindi nga naibenta ang kanilang lupain at nagkaniya kaniya na sila ng landas.
Muli lang silang nagkita nang ma-ospital si Zeus dahil sa malubhang karamdaman.
“Zeus, lumaban ka, andito na si ate.” Wika ni Mara.
“Wag kang susuko ha, uuwi pa tayo sa bahay.” Ayon kay Rica.
“Hindi ka naming pababayaan.” Dagdag pa ni Archie.
Napag-alaman nilang kailangan ng kanilang kapatid ng donor ng kidney at hindi nga nag-atubili si Archie na I-donate ang kaniyang isang bato. Ilang buwan silang namalagi sa ospital at palitang binantayan ang kapatid. Nang makalabas sila ay sinamahan nila ito pansamantala sa kanilang bahay.
“Pasensya na kayo nung nakaraan ah, hindi ko inisip yung nararamdaman niyo sa kagustuhan kong ibenta tong bahay at lupain natin.” Wika ni Archie.
“Okay na yun kuya, ang mahalaga magkakasama ulit tayo ngayon at nagkakasundo.”
Nagkaayos ang apat na magkakapatid sa araw na iyon. Hindi na nga ipinilit ni Archie at rica ang pagbebenta ng lupain, bagkus ay ginawa nila itong bahay bakasyuna. Sa tuwing sasapit ang pasko, mga kaarawan, anibersaryo ng kamatayan ng kanilang magulang at kung ano ano pang okasyon ay doon sila nagtitipon at nagkakasama-sama.
Ang pagkakaroon ng kapatid ay parang pagkakaroon ng kaibigan na maari mong asahan sa anumang oras, ang alitan sa pagitan ng magkakapatid ay madaling nareresolba kung ang lahat ay handang makinig sa isa’t-isa.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?
I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.
Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!