Pinatitira na Nga Lang ng Kapatid ang Babae ay Pinalayas Niya pa Ito sa Sarili Nitong Bahay, Siya Tuloy ang Nagdusa sa Huli
Mula nang pumanaw ang mga magulang ni Alma ay ipinamana na sa kanyang ate Nene ang lumang bahay ng mga ito. Habang silang tatlong natirang magkakapatid ang naghati hati sa isang malaking lupa.
Dahil ganid sila sa pera ay naibenta nila ang lupang iyon at kapag minamalas nga naman, madaling naubos ang napagbentahan. Hindi naman sila matiis ng kanilang ate Nene kaya naman kahit pa may sariling pamilya rin ito ay pumayag na itong doon silang lahat tumira sa lumang bahay ng kanilang mga magulang.
Hinati hati nila iyon, ang dating magandang bahay ay nagmistulang barung barong dahil sa mga kahoy na hati at dahil na rin sa kalumaan. Ngayon ay 47 years old na si Alma at may apat na anak, ang asawa niya ay umeextra ng kita sa construction, pero iyon ay kung maiisipan lamang. Tamad ang lalaki, palibhasa ay nasanay na nakasandal sa kanilang ate Nene.
“Mareng Alma..Mare..” nagulat si Alma nang marinig ang nagtatawag sa kanyang pintuan. Pagsilip niya ay nakatayo roon ang kanyang kumareng si Vicky, dala nito ang anak na siyam na taong gulang.
“Uy mare! Kumusta?” nakangiti niyang sabi habang pinagbubuksan ang dalawa.
“Eto, kaluluwas lang, bless ka anak sa ninang,” utos nito sa anak.
“Ito na ba si Shane? Dalaga na ah! Kilala mo pa ko?” sabi niya sa bata, ngumiti naman ang bata at tumango. Ang tagal nilang hindi nagkita dahil tumira ang kumare niya sa probinsya.
“Matandain naman ang batang yan, siya pa nga ang nagsabi sa akin kung saan itong inyo. Ang dami na kasing pasikot-sikot eh. Iyo na itong bahay?” sabi nito.
“Ay oo, pinatitira ko lang ang ate Nene ko dahil nakakaawa naman, walang matutuluyan.” mayabang na sabi niya kahit pa ang totoo ay siya itong nakikituloy. Maya-maya pa ay tumayo siya at sinabing ipagtitimpla niya ng juice ang dalawa.
“Naku hindi na mare, gusto ka lang talaga naming makita dahil nga matagal kayong di nagkausap nitong inaanak mo, wag kanang mag abala.”
“Ito namang si Vicky! Nahihiya ka pa, sandali lang,” sabi niya at lumabas. Kumatok siya sa pinto ng kanyang ate Nene at nang buksan iyon ng matandang babae ay agad niya itong binulungan.
“Te Ne, peram muna akong 500 nandyan ang inaanak ko galing probinsya,” sabi niya rito. Magtatanong pa sana ang ginang pero hinablot niya na ang wallet nito at siya na ang kusang kumuha doon.
“Peram na rin ng juice nyo at pitsel, nakakahiya kung wala akong ipapameryenda,” sabi niya at lumabas na bitbit ang pitsel nito at juice.
Ganoon lagi ang ginagawa niya, silang magkakapatid ay literal na ANAY sa kanilang ate nene, hanggang may masisipsip ay sisipsip. Pinatitira na nga ay abusado pa. Buti nalang ay mabait ang matanda at ang mga anak ay pawang propesyonal kaya may sapat itong pera para suportahan silang lahat.
Isang araw ay namili ng grocery ang kanyang ate Nene, napansin niyang hirap na hirap itong magbuhat ng mga sako ng bigas kaya inutusan niya ang nakatungangang asawa na tulungan ito, pero hindi dahil concerned siya sa kapatid kundi para mabiyayaan ng grocery.
“Tulungan mo na dalian mo, mamaya maunahan kapa ni Kuya Boyet, sige ka,” sabi niya na ang tinutukoy ay ang isa pang kapatid na tulad niya’y linta rin at palamunin.
Nakasimangot namang tumalima ang kanyang asawa. Kinagabihan ay di inaasahang matalo si Alma sa kanyang pagtotong its, bale ba ay panggastos nila iyon ng tatlong araw. Sinubukan niya lang naman, baka kasi ma-doble pero ito pala ang ending. Ubos.
Kumatok siyang muli sa kanyang ate Nene para humingi ng pera, hinihika ang matanda na nagbukas ng pinto.
“Te peram nga munang isang libo dyan,” sabi nya.
“Kago-grocery ko lang eh. Hindi pa nag-aabot sa akin si Aiza,” sabi nito na ang tinutukoy ay ang anak na nurse.
“Isang libo lang pinagdadamot mo,” sabi niya, nagsisimula nang mainis. Lalo pang dumoble ang pagkairita niya nang hablutin niya ang wallet ng matanda at nang buksan niya iyon ay wala ngang laman.
“Pinagtataguan mo na ako ng pera! Isang libo lang nagpapakilala ka! Ang sama ng ugali mo!”
“Wala nga, kung gusto mo ay kumuha ka nalang ng grocery doon sa loob para may makain ang mga bata,” sabi nito na concerned pa rin sa mga pamangkin.
“Hindi na! Ubod ng damot kang matanda ka, anong pinagyayabang mo tong bahay na to? Eh hindi naman dapat sayo lang to dapat hati-hati tayo dito!” sabi niya, sobrang bunganga niya na pinagtitinginan na sila ng mga tao.
Umabot pa sa puntong pinalayas niya ang matanda sa sarili nitong bahay. Ni isa sa mga kapatid niya ay walang tumulong dito nang ihagis niya ang mga damit nito sa labas, hinihika pa naman ito at wala ang mga anak dahil nasa trabaho.
Kinabukasan ay nagising si Alma na may malaking truck na naghahakot ng gamit sa bahay ng kanyang ate Nene. Nagulat pa siya nang sa paglabas niya ay nakasalubong niya ang pamangking si Aiza na may dala dalang maleta.
“Aiza, nabigla lang si tita kagabi. Sorry ha kung naaway ko si mama mo,” sabi niya rito.
“Ayos na tita, basta po wag nyo nalang sundan nang sundan si mama. Magaan sana ang buhay ng mama ko kung hindi niya lang pasan kayong lahat dito.” may laman na sabi nito at tumalikod na.
Nalaman na lamang ng magkakapatid na lumipat na pala sa magandang subdivision ang kanilang ate Nene, nagtulong tulong ang mga anak nito upang maialis ito sa poder nila. Pinaubaya na nito sa kanila ang bahay dahil di pa rin naman kaya ng puso nito na mawalan sila ng tirahan kaya ito na lang ang umalis.
Dahil doon ay natuto silang lahat na magbanat ng buto dahil wala na ngayon ang kanilang ate Nene na maaasahan, napagod na ito sa kanila.
Ang laki ng pagsisisi ni Alma, nais niya mang lapitan ito para humingi ng tawad ay nahihiya na rin siya. Aayusin niya muna ang kanilang buhay at kapag handa na siya ay muli siyang haharap sa kanyang ate.