Kinaiinggitan ng Misis ang Pinsang Asawa ng Seaman Dahil Sunod sa Luho Ito; Mas Maswerte Pa Pala Siya Dito
Limang taon nang nagsasama bilang mag asawa sina Lenlen at Quentin. Ang lalaki ay pumapasok sa isang opisina sa Maynila habang si Lenlen naman ay maghapon sa bahay at siyang nagbabantay sa kanilang anak. Swerte nga siya dahil kahit taga-Maynila si Quentin ay pumayag ang lalaki na doon sila magpatayo ng bahay malapit sa mga kamag anak niya para raw hindi siya nalulungkot.
“Honey, alam mo si Hazel tuwang-tuwa kaninang nagkukwento sa akin. Katatapos lang nila mag-videocall ng mister nya. Binilhan raw sya nung mamahaling bag noong minsang dumaan sa Brazil ang asawa nya,” kwento niya sa mister habang kumakain silang hapunan.
Ang tinutukoy niya ay ang kanyang pinsang may asawang seaman. Malapit lang ang subdivision na tinitirhan nito kaya pinupuntahan niya ito kapag wala siyang magawa.
“Aba, ayos yun. Ikaw ba, ano’ng bag ang gusto mo at nang mapag-ipunan ko?” nakangiting sabi ng lalaki.
Palihim naman na napairap si Lenlen, sus pag iipunan pa. Mabuti pa ang pinsan niya, isang lambing lang sa asawa ay may mamahaling bag na.
“Wala,” hindi na siya sumagot. Naiinis kasi siya, kung sasabihin niya man ay matagal pang mabibili nito iyon.Di bale na.
Kinabukasan ay maagang umalis si Quentin dahil.may meeting ito sa opisina. Bago lumabas ng bahay ay ipinagluto niya muna ng almusal ang natutulog na misis para paggising nito ay kakain nalang. Kinuha niya na rin ang bill ng meralco at tubig para mabayaran bago siya umuwi.
Pagkagising ni Lenlen ay nag almusal lang siya, naligo at pumunta na sa bahay ng kanyang pinsan para makipagkwentuhan. Alam niyang maiinggit lang siya, pero nagpunta pa rin sya. Minsan nga nahihiling nya na sana pala ay mayaman nalang ang pinakasalan nya, sana ay isip at hindi puso ang pinairal nya.
“Pinsan, ano yang box na malaki?” tanong niya kay Hazel, narito sila ngayon sa kwarto ng babae.
“Padala ni Cesar, wait buksan natin. Di ko pa nasisilip to eh.” sabi ng babae at kumuha ng gunting, ginupit ang packing tape na ginamit pangsara ng box.
Pagbukas nila ay tumambad ang kung anu anong mamahaling gamit, pinakanakatawag sa atensyon ni Lenlen ang isang maliit na box na naglalaman ng mamahaling relo.
“Wow, Calvin Klein! Mahal ito ah,” nakangiting sabi niya.
“Gusto mo sayo nalang?” balewalang sabi ni Hazel.
“Ay hindi insan, baka makita pa ni Cesar na suot ko yan ay nakakahiya. Bigay nya yan sayo eh, pahingi nalang ng chocolate.” tatawa-tawang sabi niya.
Ngumiti lang din ito, kanina niya pa napapansing matamlay si Hazel pero hindi na muna sya nagtanong, baka kasi wala lang sa mood.
Pag uwi niya sa bahay nila ay nagulat pa siya dahil bukas na ang pinto, naroon na pala ang kanyang mister. Inabutan niya itong nagluluto ng hapunan.
“Bakit ang aga mo yata?” nagtatakang sabi niya.
Nakangiting lumingon ito, “Ang misis ko, makakalimutin.”
Saglit na nag-isip si Lenlen, anniversary pala nila ngayon!
“Hala! Sorry!” sigaw niya.
“Ayos lang, maganda ka naman eh.” sabi nito at kumindat pa. Maya-maya pa ay naghain na ang lalaki, may pa-kandila pa ito at pinatay ang ilaw sa kusina nila para raw romantic.
“Happy anniversary..” malambing na sabi ng lalaki. Iniabot nito sa kanya ang tatlong tangkay ng rosas.
“Salamat,” sabi niya. Ang totoo ay medyo disappointed siya dahil mga rosas lang ang iniabot nito.
Ah, baka mamaya pa ibibigay ang regalo.
Hintay siya nang hintay, lumipas ang oras pero walang inaabot ang lalaki kaya nagsimula na siyang mainis. Mukhang walang regalo. Ano ang gagawin niya sa mga rosas? Tinitipid siya nito!
“Okay ka lang ba?” tanong nito sa kanya.
“Nawala lang ako bigla sa mood,” sabi niya at nag walk out. Nagkulong siya sa kwarto at ini-lock niya pa ang pinto. Bahala itong sa labas matulog. Basta naiinis siya.
Kinabukasan ay nakapasok na sa trabaho ang asawa niya nang magising siya, katulad pa rin ng dati ay nakahanda na ang kanyang almusal.
Agad siyang nagpunta sa bahay ng kanyang pinsan at inabutan itong mugto ang mga mata.
“Okay ka lang ba?” tanong niya rito.
“Oo, masama lang ang gising ko. Ikaw ba? Sabi mo sa akin sa text may problema ka?” tanong nito sa kanya.
“Oo, anniversary namin kahapon ni Quentin. Ipinagluto niya ako, well araw-araw naman ipinagluluto niya ako ng agahan. Pero kagabi, nagluto siya ng mas espesyal, umuwi siya ng maaga. Tapos binigyan ako ng tatlong rosas at kung anu-anong pinagsasabi sa akin. Kaya lang insan, wala man lang regalo? Diyos ko, ni hindi man lang ako ibili ng bag o ng kahit na ano, pwede ba yung bulaklak lang, ay nainis talaga ako, pumasok ako sa kwarto at pinabayaan ko sya!”
“Eh anong ginawa ni Quentin?” tanong naman ng babae.
“Wala, nung hatinggabi narinig ko kumakatok pero tumigil rin naman. Paggising ko kinabukasan nakapasok na, naghanda lang ng almusal para sa akin.”
“Ang swerte mo naman pinsan,” malungkot na sabi ni Hazel.
“Ano’ng swerte ka dyan? Sakto lang ang sahod ni Quentin sa hulog sa bahay namin, kuryente at tubig, ni hindi niya na ako mabilhan ng gusto ko.” nagmamaktol na sabi niya. Napansin niyang malungkot itong napangiti kaya siya naman ang nagtanong, “Umamin kana, may problema ka rin no? Kahapon ka pa eh.”
Bumuntong hininga ito at nagulat nalang si Lenlen nang bigla itong umiyak.
“Kaya pala, kaya pala padala nang padala ng mga mamahaling gamit. Kaya pala kahit isang hiling ko lang ay may pera agad at gadget, paraan pala iyon para hindi ko mahalatang may babae siya!” sabi nito.
Gulat naman na napatingin lang si Lenlen sa pinsan, nagpatuloy si Hazel.
“Walanghiya siya, may ibang pamilya na palang binubuhay! Kaya pala minsan sasabihin niya madedelay ang uwi niya dito sa Pinas, iyon pala ay may dinaraanan lang ng ilang araw sa Makati bago umuwi dito sa akin. Insan, napakaswerte mo kay Quentin, kahit na sapat lang ang sahod niya ay responsable naman siya.
Ginagawan niya ng paraan ang lahat para mabigyan ka ng magandang buhay. At mahal na mahal ka niya, hindi siya katulad ng mister ko na puro materyal lang, manloloko pala!” sampal sa kanya ang sinabi ni Hazel.
Naaawang napayakap na lamang siya sa babae. Nang kumalma ito ay nagpaalam na rin siya, kailangan niyang bumawi sa mister.
Nagulat si Quentin dahil pag uwi niya ay nasa bahay na ang misis at nagluluto pa ito! Kadalasan ay nasa bahay pa ito ng pinsan kapag ganitong oras.
“Aba, anong meron misis? Wala ka nang toyo?” natatawang sabi niya. Yumakap naman si Lenlen sa leeg ng asawa.
“Wala na, bumabawi lang ako. Sorry sa lahat, at thank you kasi mahal mo ako.” sabi niya at hinalikan ang lalaki.
Naguguluhan man ay tumugon na rin ng halik si Quentin.
Na-realize ni Lenlen na tama si Hazel, hindi siya dapat na mainggit dito dahil mahal na mahal siya ng kanyang asawa. At ang pagmamahal na iyon ay higit pa sa kahit na anong mamahaling materyal.