Tinanggap ng Martir na Ina ang Sanggol na Bunga ng Kataksilan ng Kanyang Mister, Inulan Siya ng Swerte Dahil Dito
Pagod na pinahid ni Rita ang pawis na tumulo mula sa kanyang noo, ang sakit na ng kanyang mga kamay at halos hingalin na siya kakakusot ay hindi pa siya nakakakalahati sa kanyang labahin. Tuwing babagsak na siya ay iniisip niya na lamang ang limang anak na hindi kakain kung hindi siya kikilos.
Ang mister niya ay lingguhan dapat kung umuwi pero kadalasan ay hindi pa iyon nasusunod at hindi na ito nakakaluwas dahil tambak raw ang trabaho nito sa isang warehouse sa Olongapo. Sayang raw ang ipapamasahe nito kung uuwi pa ito sa kanya. Sa kabila noon, kung magpapakita naman ito ay wala ring pera. Kapag tinatanong niya kung saan napupunta ang mga overtime pay nito ay palagi itong may dahilan, nanakawan, nasira ang ATM.
Dahil mahal ni Rita ang asawa ay di na nya ito kinukwestyon.
“Rita, anak mo yata iyong tumatawag sa telepono,” sabi ng mayamang ginang na nagpapalaba sa kanya. Payag naman itong ibigay niya ang number ng bahay nito sa kanyang mga anak para kung sakaling may kailangan ang mga ito ay madali siyang mako-contact.
“Hello?” sabi niya sa telepono, pinahid niya pa ang sabon na nasa kanyang mga kamay.
“Nanay? Pwede ka po bang umuwi? Nandito po si tatay.” sabi ng bata, may napansin si Rita na kakaiba sa boses nito. Para bang kinakabahan.
“Sabihin mo kumain na muna at marami pa akong labahin eh. Pagkatapos ko kamo dito ay uuwi agad ako,” bilin niya naman. Akala niya ay ibababa na ng bata ang telepono pero nanatili ito sa kabilang linya. Narinig niya rin na napapabuntong hininga ito.
“Mary Ann, may problema ba?” hindi niya maiwasang itanong.
“M-may..may bitbit ho kasing baby si tatay.” mahina lang ang pagkakasabi ng bata pero para iyong bomba na sumabog sa tenga niya. Namanhid si Rita at nabitiwan ang telepono.
Nagpaalam siya sa mabait na nagpapalaba at pumayag naman itong umalis muna sya sandali, nahalata kasi nito sa kanyang ang pagiging tuliro. Habang palapit sa bahay nila ay palakas nang palakas ang tibok ng puso ni Rita. Sana, mali ang nasa isip niya.
Pagpasok niya sa bahay ay nakita niya agad ang mister na nakatalikod. Abala ito sa paghele sa umiiyak na sanggol.
“Arman?” matigas na sabi niya sa kanyang mister.
“Rita, patawarin mo ako. Hindi ko na kasi alam kung ano ang gagawin ko. Namatay ang nanay niya sa panganganak.”
“Kaya pala hindi kana halos umuwi, iba naman pala ang tinatrabaho mo sa Olongapo,” mahina pero gigil niyang sabi. Hindi naman makatingin nang diretso sa kanya si Arman.
Hindi alam ni Rita kung ano na ang nararamdaman niya ngayon. Halu-halong sakit at galit ang namamayani ngayon sa puso nya.
“W-wala kaming mapupuntahan Rita. Hindi ako makakapagtrabaho kung ako ang nag-aalaga sa kanya,” sabi nito.
Napaismid siya. Grabe, ang kapal!
“At nagawa mo pa talagang iharap sa akin ang bunga ng kataksilan mo? Umalis kana.” matigas na sabi niya.
“Rita maawa ka naman, kahit sa bata..”
“Bakit, sa mga batang anak natin ba, naawa ka?” sabi niya. Tila sumasabay naman ang langit sa kanyang nararamdaman dahil biglang umulan. Nagulat ang sanggol at pumalahaw ng iyak.
“Parang awa mo na.” halos lumuhod na ang lalaki.
Hindi alam ni Rita kung hinaplos ba siya ng kamay ng Diyos, o kung anong kabutihan ang namayani sa kanya dahil nang sulyapan niya ang sanggol ay nakaramdam siya ng awa. Hindi niya kayang maisip na lalabas ito sa ulanan at magkakasakit. Mas nanaig ang pusong ina sa kanya.
Kahit na hirap sa buhay ay si Rita at ang kanyang mga anak ang salitang nagpalaki sa sanggol, tila bumabawi naman si Arman dahil humanap ito ng trabahong malapit at di pumapalya sa pagbibigay sa kanya ng pera.
Pagkalipas ng maraming taon.
“Nanay, bakit po kulot ako, tapos kayo ni tatay hindi?” sabi ng pitong taong gulang na si Greg, ang anak ni Arman sa ibang babae.
“Baka mana ka sa lolo at lola mo anak,”
“Hindi. Sabi po ng classmates ko iba raw ang nanay ko hindi raw ikaw.” malungkot na sabi nito.
“Hindi naman mahalaga kung sa akin ka lumabas o hindi. Anak naman kita dito sa heart ko,” sabi niya at ginulo pa ang buhok ng bata. Totoo iyon, sa paglipas ng panahon ay minahal niya na ang bata na parang kanya.
Iginapang ni Rita ang pag-aaral ng kanyang mga anak at dahil matatalino ang mga ito ay nakuha sila bilang mga iskolar. Si Greg ay nakapagtapos rin ng kolehiyo sa kursong HRM at ngayon isa nang manager sa sikat na hotel sa Maynila.
Maginhawa na ang buhay nila nang biglang ma-stroke si Arman, at syempre, si Rita pa rin ang nag-alaga rito. Bago malagutan ng hininga ang lalaki ay patuloy ito sa paghingi ng tawad.
“Salamat sa lahat ng ginawa mo para sa akin Rita hindi ko alam kung ano na ako kung wala ka… Patawarin mo ako sa lahat ng sakit..” hirap na hirap na sabi nito.
Tumango lang naman ang babae habang umiiyak. Ang totoo ay matagal niya na itong napatawad. Oo at masakit ang mapagtaksilan, pero kung hindi naman dahil doon ay wala siyang Greg na ngayo’y mahal na mahal siyang bilang ina.
May dahilan lahat ng nangyayari sa atin. Maaaring masakit ito at sa ngayon ay hindi natin maintindihan, pero darating ang panahon na mauunawaan din natin kung bakit hinayaan ng Diyos na maranasan natin ang sakit.