Inday TrendingInday Trending
Binalikan ng Babaeng Mukhang Pera ang Pobreng Ex Nang Mabalitaang Nag-abroad Daw Ito; Nang Makauwi ang Lalaki Ay Parang Sinampal Siya sa Kaniyang Nalaman

Binalikan ng Babaeng Mukhang Pera ang Pobreng Ex Nang Mabalitaang Nag-abroad Daw Ito; Nang Makauwi ang Lalaki Ay Parang Sinampal Siya sa Kaniyang Nalaman

Kahit pa tatlong taon nang mag-nobyo si Rowena at Kurt ay wala pa ring tigil sa pagpapaligaw sa iba’t-ibang lalake si Rowena. Ika niya, wala namang pag-unlad ang buhay niya sa piling ni Kurt dahil isa lamang itong hamak na call center agent. Nagtratrabaho din si Rowena bilang isang sales lady sa isang sikat na mall sa Maynila. Kung tutuusin, sobra-sobra pa ang kinikita nila sapagkat wala naman silang sinusuportahang pamilya.

Maayos ang buhay ng kani-kanilang mga magulang. Hinihikayat na nga silang magpakasal ng mga ito at sila’y bibigyan pa ng bahay at lupa ng mga magulang ni Kurt sa Baguio.

Ayon naman kay Rowena, wala siyang balak magpaka-losyang sa probinsya. Napakaboring daw sa Baguio at hindi nababagay doon ang kaniyang paraan ng pamumuhay.

Kahit nagli-live in ay hindi magawang pagsilbihan ni Rowena ang nobyo. Katwiran niya’y pareho naman silang may trabaho.

Kaya naman palagi na lamang lukot ang mga damit na pinamamasok ni Kurt. Madalas pa’y mag-ulit ito ng medyas. Wala kasi itong ginawa kung hindi mag overtime upang maibigay ang mga luho ni Rowena. Mahilig kasing mag out of town at mag-mall ang dalaga.

Mahal na mahal ni Kurt ang nobya kaya’t kahit kung sino-sino pa ang ka-text o ka-chat nito ay naniniwala na lamang siya sa mga dahilan nitong mga kabarkadang babae lamang ang kaniyang kausap.

Hanggang isang araw ay bigla na lamang hindi umuwi si Rowena kaya’t halos mabaliw ang binata kahahanap sa nobya.

Nang tumawag si Kurt sa mga magulang ni Rowena ay sinabi ng mga iyong hindi na raw masaya ang dalaga sa buhay na tinatamasa niya sa nobyo kaya’t pinapasabi nitong maghiwalay na lamang muna sila.

Doon nagpasya si Kurt na ituloy ang matagal nang panghihikayat ng kaniyang mga kabarkadang magtrabaho sa Japan bilang isang factory worker.

Nabalitaan nitong may iba na raw kinakasama si Rowena kaya’t niyaya nito ang mga kaibigang mag-inom.

Kinabukasan ay langong-lango sa alak si Kurt at hindi malaman kung paano siya nakabalik ng bahay na inuupahan.

“Pinabantayan ka muna sa akin nila Alvin. Sa susunod uminom ka lang ng kung hanggang saan ang kaya mo. Grabe din naman itong bahay na tinutuluyan mo. Alam mo bang dito, kapag naging makalat ka ay pamamahayan ng malalaking daga ang bahay mo. Baka gusto mong magka leptospirosis?”

“Ah talaga? Sige nga, paki spell ng leptospirosis.” Pangaasar ni Kurt sa katrabahong si Lani. Matagal na niya itong inoobserbahan. Simple lang ito ngunit napakaganda. Sa totoo niya’y crush na crush niya ito ngunit inililihim niya lang iyon sa sarili sapagkat sabi ng kabarkadang si Alvin ay kasal na ito. Lubhang napakamalas niya sa pag-ibig, saad niya sa sarili.

“MALAS na lalake ka talaga Kurt Ignacio. Dapat Kurt Malas na lang ang pangalan mo!”

“Hala! Nababaliw ka na ba? Kinakausap mo sarili mo? Sabagay match naman sa iyo. Ikaw ba naman ang magkaroon ng ex na mukhang pera! Hindi ka kasi marunong pumili ng babae! Tignan mo ako, tatandang dalaga na ako pero hinding hindi ako maloloko ng lalake!” Saad ng dalaga.

Nanlaki ang mga mata ni Kurt sa narinig at bumilis ang tibok ng puso nito. “Ha??? Wala ka pa bang asawa?”

“Asawa? No way! Sakit lang sa ulo ‘yan!” Giit ng dalaga.

Tawang-tawa si Kurt sa sarili. Napagtripan na naman siya ng barkadang si Alvin.

Hiyang-hiya ito sa dalaga. Halos hindi niya nakilala ang sariling tinitirhang bahay sa linis nito. Pati ang mga brief nya at boxer shorts ay nilabhan pala ni Lani! Pulang-pula siya sa pagkapahiya sa sarili.

“Hindi ka sanay ng naaalagaan, ano? Sabagay, malamang ang huling beses na napagsilbihan ka ng babae ay noong nakatira ka pa sa bahay ng nanay mo. Naiirita talaga ako diyan sa babaeng nangloko sa ‘yo!” Wika ng dalaga.

Natatawang umupo na lamang sa mesa si Kurt. Luto na ang agahan niya. Tuyo, sinangag at itlog! Parang tutulo na ang laway niya sa amoy nito! Agad niya itong naubos nang wala pa yatang limang minuto.

Maya-maya’y nagulat siya ng makitang may message sa kaniya ang ex na si Rowena sa Facebook.

“Kamusta, dear? Balita ko, nasa Japan ka na pala. Sabi ko naman sa ‘yo di ba mag-abroad ka at mag-ipon. Wala na pala kami ni Tristan, yung ex kong siraulo! Nananakit siya at pinipilit akong magka-anak. Wala naman siyang ipangbubuhay sa amin!”

Iritang-irita si Lani nang ipabasa ni Kurt ang mensahe ng kaniyang ex.

“Sige na, akong bahala dito.” Wika ng dalaga.

Tila wala na lamang pakialam si Kurt nang nakita ang mensahe ni Rowena. Hindi maalis sa isip niya ang itsura ng katrabahong si Lani habang pinagsisilbihan siya nito. Tila nasa isa siyang panaginip. May maganda at maasikasong asawa. Hindi mawala ang ngiti sa mga labi ng binata.

“Hi, love. Ang ganda-ganda mo lalo. Miss na miss na kita.” Natatawa-tawa pang isinend ni Lani ang mensahe kay Rowena.

“Wala namang problema. Pag-uwi mo ay iyong-iyo pa rin ako. Hintayin kita.” Sakay na sakay naman si Rowena at buo ang pagtitiwalang ang ex na si Kurt ang nauuto niya.

“Aalis ka pa ba? Baka naman puwedeng dito ka na tumira.” Pagbibiro ni Kurt kay Lani.

“Mahigpit ang mga magulang ko, Kurt. Ayoko ng mga ganyang biro, hindi ako natutuwa.” Seryoso ang mukha ni Lani habang sinasabi ito. Pahiyang-pahiya na naman si Kurt. Ibang klase talaga ang babaeng ito. Lalong tumaas ang respeto niya dito.

Tila wala na talagang pakialam si Kurt sa kaniyang ex. Ibinigay pa niya ang password ng kaniyang Facebook kay Lani upang maka-chat pa rin ang ex kahit umuwi na ito. Wala namang ibang laman ang isip ni Kurt kung hindi si Lani.

“Hayop ka! Bakit sinasabi mo sa aking kasal na si Lani?” Pambungad ni Kurt sa katrabahong si Alvin.

Hagalpak ito sa katatawa. “Huwag ka kasing magulo! Type na type naming lahat si Lani! Kaya lahat ng bago dito kapag nagtatanong ng tungkol sa kaniya’y sinasabi naming kasal na siya! Kahit wala naman siyang ibang gusto kung hindi magtrabaho. Ewan ko ba, para siyang bituin na kay hirap abutin.” Pagbibiro ni Alvin.

Lalo namang namangha ang binata sa nalaman. Halos hindi siya makahinga nang dumaan si Lani. Napakaganda talaga nito.

“OK na!” Saad ni Lani.

“Ah… Ako ba’ng kausap mo?” Tila sinilihan ang dila ng binata, naalala nitong ang napakagandang dalaga sa harap niya’y nilabhan ang kaniyang mga salawal at nilinis ang kaniyang napakaruming tirahan.

“Oo, basahin mo yung conversation namin ng ex mo sa Facebook!” Sagot ni Lani.

Tawang-tawa naman hindi lang si Kurt kung hindi pati ang mga kabarkada nito. Tila nakaganti na siya kay Rowena. Akala talaga nito’y pag-uwi ng binata ay babalikan siya nito’t uubusin ang naipon nitong pera sa luho.

Lumipas ang isang taon at lalong nahulog ang loob ni Kurt kay Lani.

Ngunit gaya nga ng sinabi ng kaibigang si Alvin, tila isa itong bituin na napakahirap abutin.

“Pare, sa tingin ko may gusto din sa iyo si Lani. Problema lang ay torpe ka. Kami ngang hindi kaguwapuhan, ang lalakas ng loob naming sumubok manligaw. Bakit hindi mo subukan?” Wika ni Marvin, isa sa mga katrabaho ni Kurt.

“Oo, pare. Gawin mo na. Boto kami sa ‘yo. Alam naming matino kang lalake.” Saad ng isa pa nilang katrabahong si Paeng.

“Ako ba ang pinag-uusapan niyo? Malamang ako nga kasi narinig ko pangalan ko.” Gulat na gulat ang magkakaibigan nang biglang dumating si Lani.

“Lani, sorry. Baliw na baliw na kasi sa iyo itong si Kurt. Wala na siyang ibang bukambibig kung hindi pangalan mo. Pero wala e, torpe.” Pangangantiyaw ni Paeng.

Tila nangingiti sa narinig si Lani. “Totoo ba, Kurt?” Namumungay pa ang mga mata nito habang nagtatanong.

“Lani, unang kita ko pa lang sa ‘yo kung hindi nila ako niloko na kasal ka na…..” Saad ni Kurt, hindi na nito naituloy ang sasabihin nang bigla siyang hatakin ni Lani.

“Ang dami mo pang sinasabi! Gusto mo ba ako o hindi?” Naiinis na sambit nito.

“Hindi kita gusto, Lani. Mahal na kita!” Saad ni Kurt.

“Pagkatapos ng kontrata natin at pag nakauwi ka’t nagkita kayo ni Rowena, doon mo malalaman ang sagot ko.” Pagkatapos noon ay naiwang nakanganga si Kurt sa isang sulok ng pabrikang pinagtratrabahuhan.

Hindi naman nagpapigil ang binata sa masugid na panliligaw kay Lani. Araw-araw ay hinahatid niya ito. Doon din niya lalong nakilala ang ugali nito at ang pinanggalingan nitong pamilya. Lalo siyang nasilaw sa gandang panloob ni Lani. Napakabuting tao nito. Kahit may kaya ang kanilang pamilya’y nagtratrabaho pa rin ito upang maibigay ang masarap na buhay sa mga magulang na walang ginawa kung hindi magtrabaho noon kaya’t nakapagtapos ng pag-aaral at nagkaroon ng magandang buhay si Lani at mga kapatid nito.

Lumipas ang tatlo pang taon at natapos ang kontrata nila sa pabrika.

Nalaman ni Kurt na habang wala siya’y patuloy na nagpapaligaw si Rowena sa mga lalake, ilang beses na rin itong naloko. Tila wala itong mahanap na mayamang matitisod at mapeperahan niya.

“Dear, hindi na ako makapaghintay na makauwi ka. Gusto ko sanang subukang makapunta naman sa Hongkong. Huwag mong kalilimutan ang mga pasalubong ko, ha?” Wika ni Rowena.

Lalo namang nanggigil si Lani sa nabasa. Gayunpaman ay wala na halos pakialam si Kurt sa ex niyang mukhang pera. Hindi na ito makapaghintay makauwi upang malaman ang sagot ni Lani.

“Dear!!! Ang guwapo-guwapo mo lalo!” Halos nakaluwa na ang dibdib ni Rowena at kita na ang kalahati ng puwet nito sa ikli ng suot na shorts nang salubungin si Kurt sa airport.

Nagsisikuhan naman ang mga kabarkada ni Kurt habang nakatingin dito. “Puwede, puwede.” Tila mga ungas na nagngingisian at pinagpipiyestahan si Rowena. Agad namang inirapan ni Rowena ang mga ito.

Nakangiti lamang at tahimik si Lani habang naglalakad at naghihintay ng sundo.

“Kung ayaw mo kasing nababastos, Rowena. Ayusin mo ang pananamit mo.” Saad ni Kurt.

“Dear, para sa iyo ‘to. Nagpaganda ako ng husto para lalo kang mahumaling sa akin pag nagkita ulit tayo.” Wika ni Rowena. Akmang yayakapin pa nito si Kurt ngunit kinabig ito ng binata palayo.

“Hindi na kita mahal. Hindi ako ang nakakausap mo sa chat.”

Pahiyang-pahiya si Rowena sa inasta ni Kurt, agad namang nagtawanan ang barkada nito.

“Yan kasi, ang arte mo at mukha kang pera. Pahiya ka tuloy.” Malakas na bulong ni Alvin, nananadya pa itong marinig iyon ng nagtataray na si Rowena.

Maya-maya pa’y dumating na ang mga magulang at kapatid ni Lani.

Hindi naman mapakali si Kurt. “Good afternoon, po. Ako po yung manliligaw ni Lani. Mag lilimang taon na po akong nanliligaw sa kaniya. Gusto ko lamang pong lubos na makilala kayo.” Saad ng binata.

Tila binuhusan ng malamig na tubig si Rowena sa narinig.

“Lani, anak… Siya pala ang kinukuwento mong mabait na binatang nanliligaw sa iyo.. Pero mali ang ginawa ninyo sa dati niyang nobyang ito.” Tinuro pa nito ang nagngingitngit at pahiyang-pahiyang si Rowena.

“Hindi naman natutulog ang Diyos, lahat nang iya’y marerealize niya sa sarili niyang mali sa takdang panahon.” Giit ng ina ni Lani na si Mama Belen.

“Rowena, patawarin mo ako. Bilang babae, naaawa din ako sa iyo pero kailangan mong matuto ng leksyon. Ako si Lani, nagpanggap akong si Kurt at pumayag akong makipagbalikan sa iyo.”

Tumutulo na ang luha ni Rowena sa pagkapahiya.

“Lani, puwede na ba kitang makausap? Sinasagot mo na ba ako?” Nagniningning ang mga mata ni Kurt habang nagtatanong sa dalaga.

Lalong tila sinaksak sa dibdib si Rowena sa naririnig mula sa labi ng dating nobyong nagkakandarapa sa kaniya.

“Oo, Kurt. Mahal kita. Mahal na mahal kita.” Matapos non ay tila sabik na sabik ang dalawang nagyakapan.

Habang naglalakad palayo ay nakakakapit pa sa bewang ng dalaga si Kurt. Nagsunuran na rin ang kani-kanilang pamilya patungo sa kani-kanilang sasakyan.

Naiwang mag-isa sa airport si Rowena at nagngingitngit ang kalooban. Ni lingunin siya ay hindi nagawa ni Kurt. Sa kilos nito’y tila patay na patay ito kay Lani, ang babeng niligawan niya ng limang taon.

Tunay ngang hindi mo dapat gantihan ang mali ng isa pang mali. Sang-ayon ba kayo sa pangaral ni Aling Belen sa anak na si Lani? Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

Advertisement