
Katatawanan ang Babae Dahil Inako Niya ang Responsibilidad sa Anak ng Asawa sa Iba; Ito ang Ganti ng Dalaga sa Kaniyang Madrasta
“Myrna, anong katangahan na naman iyang ginagawa mo sa sarili mo? Akala mo ba ay pinararangalan pa ang mga martir?” sambit ni Lucy sa kaniyang kapatid.
“Bata ka pa. P’wede ka pa namang mag-asawa muli at magkaanak. Bakit ang anak ng asawa mo sa kabit niya ang gusto mong alagaan? Ganiyan ka na ba kahibang?” dagdag pa ng ginang.
“Ate, kawawa naman itong bata. Nasa kulungan si Hector. At hindi ko alam kung nasaan ang ina niya. Ang sabi ng iba ay sumama na raw sa iba nang makulong ang dati kong asawa. Hindi kaya ng kunsensya ko na basta na lang pabayaan ang batang ito,” tugon ni Myrna.
“Ibigay mo sa kamag-anak ng asawa mo. Sila ang dapat na umaako ng responsibilidad niyan at hindi ikaw. Niloko ka na nga ng asawa mo ay gagawan mo pa rin ng mabuti? P’wede ba, isauli mo na ang batang iyan! Walang puwang iyan dito sa pamamahay ko!” saad pa ng kapatid.
“Kung gayon, ate, mapipilitan akong umalis na dito sa bahay mo. May kaunti naman akong naipon. Sapat na siguro iyon para makapagsimula kami nitong si Daisy,” wika ni Myrna.
Halos dalawang taon na nang iwanan si Myrna ng kaniyang dating asawa upang makisama sa isang mas batang babae na nakilala niya sa bar. Dahil sa pakikisama ng dating mister sa babaeng iyon ay nasangkot ito sa masamang bisyo at hindi kalaunan ay nahuli ng mga awtoridad at kasalukuyang nasa piitan.
Habang ang babae naman na kinakasama ni Hector ay nagkaroon na ng iba pang kinakasama. Ipinakiusap ng dating mister kay Myrna kung maaari ay sa kaniya na muna ang bata dahil iniwan na ito nang tuluyan ng kaniyang ina.
Noong una ay nagdadalawang-isip si Myrna na tanggapin ang bata. Ngunit nang makita niya ang hitsura ng bata at naisip niya ang maaaring maging buhay nito ay agad niyang tinanggap ang responsibilidad dito.
Nang iuwi niya sa tahanan ng kaniyang Ate Lucy ang bata kung saan siya nakikitira ay mariin ang pagtutol nito sa pagkupkop ni Myrna sa bata. Ngunit wala na rin itong nagawa dahil nag-aalala rin siya sa kapatid kung bubukod pa ito.
Binuhay ni Myrna ang batang si Daisy sa kaniyang pagtitinda. Malimit kung pag-usapan ang ginang sa kanilang lugar dahil alam nila na ang batang tangan-tangan nito ay anak ng kaniyang mister sa iba.
“Siguro ay labis ang pagmamahal niya sa asawa niyang ad*ik,” bulong ng isang tsismosa sa kanilang lugar.
“Baka akala ay babalikan pa siya ng dati niyang mister kapag nakalabas ito sa kulungan!” saad pa ng isang ginang.
“Grabe, hindi ko maaatim na ang bunga ng panloloko sa akin ng asawa ko ay aalagaan ko pa. Bakit ganoong katanga itong si Myrna?” natatawang pahayag pa ng isang ginang.
Naging tampulan ng tukso si Myrna maging ang batang si Daisy sa kanilang lugar. Madalas ay nais na lamang nilang umalis upang matigil na ang mga pangungutya na ito sapagkat alam ni Myrna na maaapektuhan hindi kalaunan ang kaniyang anak-anakan sa paglaki nito.
Nang magdalaga na si Daisy ay halos magkanda-kuba na si Myrna sa pagtatrabaho upang maigapang ang pag-aaral nito.
“Naku, Myrna! Nagpapakahirap ka diyan sa ampon mo, e balang-araw ay iiwan ka rin niyan. Babalik ‘yan sa tunay niyang ina at makakalimutan ka!” sambit ng mahaderang kapitbahay nila Myrna.
“Oo nga, Myrna. Gaano ka nakakasigurado na hindi tulad ng kaniyang ina ‘yang si Daisy? Inahas ang asawa mo at nang wala nang mapala ay sumama na sa iba. Baka mamaya ay iyan pa ang tumuklaw sa iyo!” saad ng isa pang kapitbahay.
Hindi na sana papansinin ni Myrna ang mga patutsada ng mga ito ngunit nang marinig niyang masama na ang sinasabi sa kaniyang anak-anakan ay papalag na ito.
Ngunit bago pa siya lumaban ay napigilan na siya ni Daisy.
“Nanay, hindi po sulit na pagtuunan ninyo ng enerhiya ang mga ganiyang uri ng tao. Halina po tayo sa bahay at may ibabalita po ako sa inyo!” saad ng dalaga.
Nang makauwi ang mga ito ay hindi na makapaghintay si Myrna sa kung ano ang sasabihin ng anak.
“Ano ba ‘yun, anak? Ano ba ang ibabalita mo? Masyado naman akong kinakabahan sa ganiyan. Alam mo namang hindi ako magaling sa mga surpresa!” wika ni Myrna.
“Nay, hindi niyo na po kailangan na magpakakuba sa pagtitinda. Matutupad ko na po ang pangarap kong maging doktor! Nakakuha po ako ng iskolarsyip at kahit magkano ay wala na tayong gagastusin!” tuwang tuwang ibinalita ng dalaga ang kaniyang nakamit.
Walang mapagsidlan ang kagalakan ng dalawa. Sa wakas ay makakamit na ni Myrna ang matagal na niyang ninanais — ang mapagtapos ang kaniyang anak-anakan.
Nang makatapos ng medisina si Daisy at naging isang ganap na doktor ay nabalitaan ito ng kaniyang tunay na ina. Muling nagbalik ito at nais na niyang kunin si Daisy at doon sa kaniya tumira.
Muli ay naging paksa na naman sa mga umpukan at tsismisan ang mag-ina.
Ngunit natameme ang lahat sa sinambit ng dalaga.
“Alam kong malaki ang utang na loob ko sa inyo dahil kayo ang nagluwal sa akin. Kayo ang nagbigay ng buhay sa akin dito sa mundong ibabaw. Ngunit ipagpatawad ninyo dahil nag-iisa lamang ang itinuturing kong ina– si Nanay Myrna,” wika ng dalaga.
“Hindi mapapantayan ng kahit ano ang sakripisyo na ibinigay niya sa akin para lang mabigyan niya ako ng maayos na buhay. Inako niya ang responsibilidad na hindi naman para sa kaniya. At higit sa lahat ay hindi ko naramdaman na isa akong pagkakamali at walang kwenta tulad ng panahon na basta niyo na lang akong iniwan. Kaya hindi niyo ako masisisi kung tanging si Nanay Myrna lamang ang kinikilala kong magulang,” dagdag pa ni Daisy.
Mula nang maging propesyunal si Daisy ay hindi na kinailangan pa ni Myrna na magkanap buhay. Ibinigay ni Daisy sa kaniya ang isang marangyang buhay. Nang makaipon sila ay nagpunta sila sa ibang bansa at doon na nanirahan ng tahimik.
Walang pinagsisisihan si Myrna sa kaniyang desisyon. At kung uulitin ang kaniyang buhay ang hiling niya ay sana’y si Daisy ay tunay nang manggaling sa kaniya.