
Laging Nakatanghod ang Bata sa Labas ng Isang Silid-Aralan; Nang Sundan Ito ng Guro ay Nagulat Siya sa Ginagawa Nito
Masayang naglalakad si Jimuel sapagkat maagang naubos ang kaniyang tinitindang maja blanka na luto ng kaniyang ina. Maagang umaalis ang bata sa kanilang bahay upang pagsapit ng alas diyes ay maubos na niya ang mga ito. Maswerte siya ngayong araw sapagkat alas-nuwebe pa lamang ay ubos na ang kaniyang paninda sapagkat may isang grupo ng mga manggagawa ang pumakyaw nito.
Dali-dali siyang nagtungo sa isang malapit na paaralan. Umupo siya sa isang tabi ng bintana ng isang silid-aralan at saka niya kinuha ang kaniyang baong pandesal. Inilabas din niya ang kaniyang maliit na lapis at isang lumang kwaderno. Doon ay nakinig siya sa mga aralin.
Paminsan-minsan ay sumisilip din siya sa bintana upang makita ang aralin na tinuturo ng guro. Ngunit maingat si Jimuel sapagkat ayaw niyang maging agaw-pansin sa mga mag-aaral at sa mga guro sapagkat baka mamaya ay hindi na siya makabalik doon.
“Binibining Tongco!” sigaw ng isang mag-aaral. “May nakita po akong tao na nakadungaw mula sa labas ng bintana,” sumbong nito.
‘Baka po iyon ‘yong sinasabi ng mga magulang namin na kasabwat daw po ng mga nangunguha ng bata. Baka minamanmanan po kami isa-isa saka po nila sasabihin kung sino po ang kanilang kukuhain sa amin. Nakakatakot po, mam!” sigaw pa ng isang bata.
“Naku, matagal nang bali-balita lamang ‘yan, mga bata. Huwag kayong matakot sapagkat hindi iyon totoo. Hindi ba mismong ang paaralan na ang nakipag-ugnayan sa pulisya upang siyasatin kung tunay ang balitang iyan. Sila ang nagpatunay na walang ganoon!” paniniguro ng guro.
“Kaya tumahimik na kayong lahat at kumalma. Itutuloy ko na ang ating aralin,” pagpapatuloy ng guro.
Nang marinig ni Jimuel ang sumbong ng batang ito ay agad siyang umalis. Takot na takot siya sapagkat hindi niya alam ang kaniyang idadahilan. At kung magsabi man siya ng totoo ay hindi rin niya alam kung paniniwalaan siya ng mga ito.
Hindi kasi nakatuntong man lang ng paaralan si Jimuel. Dahil sa hirap ng kanilang buhay ay hindi na nagawa pa ng kaniyang mga magulang na pag-aralin sila. Ngunit hindi ito naging hadlang para sa kaniya upang matuto.
Nagpalipas ng ilang araw si Jimuel upang sa gayon ay pumanatag muna ang sitwasyon. Makalipas ng isang linggo ay muli siyang bumalik sa kaniyang pwesto sa gilid ng paaralan.
“Ikaw ‘yung batang laging sumisilip sa silid namin, ano?” wiika ng isang batang nakakita kay Jimuel.
“Pakiusap, huwag mo akong isumbong sa iyong guro. Hindi ako masamang tao. Gusto ko lang din makinig ng aralin,” pagsusumamo ni Jimuel.
“Siguro ay may binabalak ka sa amin, ano? Kasama ka ba sa sindikato? Isusumbong kita sa guro namin!” dagdag pa ng bata.
“Pakiusap, wala akong ginagawang masama at wala rin akong balak na gawan kayo ng masama. Maniwala ka sa akin, nais ko lamang na makinig sa mga aralin,” paliwanag muli ni Jimuel.
Ngunit ayaw siyang pakinggan ng bata. Agad siyang isinumbong sa guro nito. Kinausap ng guro ang bata. Pinakiusapan ito na huwag ng tatambay sa labas ng kanilang silid upang mawala na ang agam-agam sa isipan ng mga bata.
Nalungkot si Jimuel sa atas ng guro sa kaniya. Ngunit wala siyang magagawa kung hindi sumunod. Ayaw rin naman niyang tuluyan siyang ipadampot sa baranggay ng mga ito kung magpupumilit pa siya.
Ngunit hindi mapipigilan si Jimuel ng pagkakataon. Nagpalipas lamang muli siya ng ilang araw at pagkatapos ng pagtitinda niya ay muli siyang tumatambay doon. Sa pagkakataong ito ay hindi na siya sumisilip pa sa silid nang hindi na siya muling pagkamalan ng mga mag-aaral.
Ngunit alam ni Binibing Tongco ang ginagawa ng bata. Gustong malaman ng guro ang tunay na kwento ng batang ito kaya agad niya itong sinundan.
Laking gulat niya na masaya itong tumakbo sa isang lilim ng malaking puno kung saan naghihintay sa kaniya ang ilang kabataan.
“May bago kong nalaman. Ituturo ko sa inyo!” masayang salubong ni Jimuel sa mga kabataan.
“Lahat kayo ay lumapit na sa akin para makita niyo ang naitala ko ngayong araw,” dagdag pa ng bata.
Hindi makapaniwala si Binibining Tongco sa kaniyang nakita. Ang batang ito pala ay kumukuha ng kaalaman mula sa kaniyang klase upang ituro rin sa ibang bata.
Agad niya itong ibinalita sa mga magulang at mga mag-aaral. Pati na rin sa pamunuan ng eskwelahan. Dahil naantig sila sa kwento ng bata ay agad silang nagpaabot ng tulong dito.
Inabangan ng guro na muling tumambay si Jimuel sa labas ng silid malapit sa bintana. At nang maabutan nila ay agad niyang ipinatawag ang bata papasok ng paaralan.
“Hindi mo na kailangan pang magtago para makinig lamang ng aralin. Tutulungan ka namin para makapasok ka at makapag-aral. Pangako namin iyan sa’yo!” wika ni Binibining Tongvo.
Hindi maiguhit ang mukha ni Jimuel dahil sa pagkabigla. Hindi nito alam ang kaniyang gagawin at napaiyak na lamang ito sa tuwa.
“Totoo po ba ‘yan?” sambit ni Jimuel.
“Hindi po ninyo alam kung gaano po kasaya ang puso ko ngayon. Wala po akong nais kung hindi makapag-aral at malamanan ang aking isip nang sa gayon ay hindi na kami apihin ng kahit sino. Nais kong makatapos ng pag-aaral nang sa gayon ay maiahon ko po ang pamilya ko mula sa kahirapan at makatulong din po ako sa mga kagaya kong nais mag-aral ngunit walang pampaaral,” walang tigil ang bata sa kaniyang pag-iyak.
Hindi sila nagkamali sa kanilang tinulungan. Ginalingan masyado ni Jimuel ang kaniyang pag-aaral at sa tuwing makakatapos ito ng baitang ay lagi itong nangunguna sa klase. Nakatanggap din ito ng iskolarsyip para sa kaniyang kolehiyo. At nang makatapos ay naging isang ganap na guro rin si Jimuel.
Tulad ng kaniyang simpleng pangarap noon ay naiahon na niya unti-unti ang kaniyang pamilya mula sa hirap. Napag-aral din niya isa-isa ang kaniyang mga kapatid. Tinutulungan din niya ang mga batang tulad niya noon na sadlak sa hirap ngunit nais mag-aral.
Naging huwaran si Jimuel para sa nakakarami. Tunay na nakikita ng nasa itaas ang mga taong may busilak na hangarin.