Inday TrendingInday Trending
Walang Ginawa ang Binata Kundi Tuksuhin ang Kaklase Niyang Maliit; Ito Pala ang Magliligtas ng Kaniyang Buhay

Walang Ginawa ang Binata Kundi Tuksuhin ang Kaklase Niyang Maliit; Ito Pala ang Magliligtas ng Kaniyang Buhay

“Hoy, punggok! Hindi ba sinabihan na kita na huwag kang magpapakita sa akin at naaalibadbaran ako sa itsura mo?!” pag-aangas ni Karlo sa kaniyang kaklaseng si Gino.

“Saan ako dadaan? Ito lang ang daan papunta sa silid-aralan natin,” tugon ng binata.

“Aba at sumasagot ka pang unano ka, ha! Kaya mo na ba ako? Matigas na ba ang buto mo?” nangigigil na sambit ni Karlo na halatang nagpapasikat sa iba pa nilang kamag-aral.

Madalas na kutyain ni Karlo ang kaniyang kaklase na si Gino. Patpatin kasi ito at hindi ganoon katangkaran para sa kanilang edad. Samantalang si Karlo ay malaki ang pangangatawan at matangkad. Alam niyang hindi ganoong makakalaban si Gino kaya ganoon na lamang niyang pagtripan ang binata.

“W-wala. Hindi naman ako lalaban, Karlo,” wika ni Gino.

“Ganon naman pala e. Wala ka pa ring binatbat bakit kumukuda ka pa riyan! Kapag sinabi ko na ayaw kitang makita, h’wag kang magpapakita! Punggok!” pangungutya ni Karlo.

Malakas na tawanan ang narinig sa labas ng eskwelahan. Halos hindi na makita ang mukha ni Gino sa paglalakad nito na nakayuko.

“Huwag mo na silang intindihin, Gino. Wala lang talagang magawa iyang si Karlo. Palibhasa ay hindi magaling sa aralin kaya puro laki na lang ng katawan ang pinopronta sa atin,” sambit ni Felice, ang tanging kaibigan ni Gino sa paaralan.

“H’wag mo na akong kausapin, Felice. Baka mamaya ay maging tampulan ka na naman ng tukso dahil sa akin. Ayaw kong mapaaway ka na naman,” pakiusap ng binata.

“Wala akong pakialam sa mga iyan, Gino. Wala naman silang binatbat talaga. Puro hangin lamang ang laman ng utak ng mga ‘yan. Mga naghahari-harian sa paaralan, mga hindi naman magaling sa pag-aaral!” nagngingitngit na tugon ng dalaga.

“Kahit pa, Felice. Napakabait mo sa akin at hindi mo dapat maranasan ang ganong pangungutya dahil lamang sa akin. Hayaan mo na sila. Titigil din ang mga iyan isang araw. Saka totoo naman ang sinasabi nila. Maliit ako,” napayuko muli si Gino sa kaniyang sinabi.

Nang sumunod na araw ay nariyan na naman si Karlo at nakita na naman ang kaklaseng si Gino.

“Kung ako ikaw, Karlo, hindi na ako lalabas ng bahay. E mas matangkad pa sa’yo ang batang nag-aaral sa elementarya. Kapag nga hinipan kita riyan ay baka matumba ka kaagad!” natatawang sambit ni Karlo.

“Gaano kaya kaliit ang utak ng isang maliit na taong kagaya mo? Siguro ay mas maliit pa sa munggo!” dagdag pa nito sabay tawa kasama ang ibang kaklase.

Hindi na alam ni Gino ang kaniyang gagawin sa kahihiyan na kaniyang nadarama. Hindi niya maunawaan kung bakit ganito ang pakikitungo sa kaniya ni Karlo gayong wala naman siyang ginagawa sa binata.

“Tigilan mo na ako, Karlo!” pakiusap ng binata. “Ano ba ang ginawa ko sa’yo para ganituhin mo ako? Kahit na maliit ako ay may damdamin din naman ako!” dagdag pa ni Gino.

“Dahil ang sakit mo sa mata! ‘Yun ang dahilan!” sigaw ni Karlo.

“Saka lumalaban ka na! Baka gusto mong makatikim talaga! Umalis ka na sa harapan ko at baka makatikim ka na talaga sa akin!” pananakot ng binata.

“Sana ay hindi mo kailanganin isang araw ang tulong ko, Karlo,” wika ni Gino sabay alis sa harapan ng salbaheng kaklase.

“Hoy, punggok at bakit ko naman kakailanganin ang tulong mo? Nagpapatawa ka ba? ‘Yang liit mong ‘yan may magagawa para sa akin? Siguro mayroon nga — magmaskot ka sa kaarawan ko!” patuloy sa pangungutya si Karlo.

Simula noon ay tuluyan ng umiwas si Gino kay Karlo upang hindi na niya marinig ang pang-aalipusta nito. Kahit na may mga sinasabi pa rin ang salbaheng binata ay hindi na lamang ito pinapansin ni Gino.

Isang araw ay nagkakagulo ang lahat ng estudyante mula sa isang laboratoryo. Sumabog daw kasi ang isang tangke ng gas dito at natupok agad ng apoy ang silid.

“May isang estudyante pa sa loob!” sambit ng isang bumbero. “Ngunit hindi namin siya magawang ilabas sapagkat isang makipot na bintana ang daanan at walang magkakasya sa amin. Kailangan iyon mapasok para magising siya at matulungan niya ang kaniyang sarili,” dagdag pa nito.

Nagulat sila na ang salbaheng si Karlo pala ang nakahandusay at nawalan na ng malay dahil sa laki ng usok.

“Ako po ang papasok,” wika ni Gino ng walang pag-aalinlangan.

“Delikado, Gino!” pagpigil ni Felice sa kaibigan.

“Wala nang panahon, Felice. Ako lang ang magakakasya sa bintana na iyon. Kailangan kong tulungan si Karlo,” giit ng binata.

Agad siyang tumakbo patungo sa laboratoryo at inalalayan ng mga bumbero upang makapasok sa silid. Agad nagkasya si Gino sa bintana. Dali-dali niyang tinungo ang nakahandusay na si Karlo upang gisingin. Mabuti na lamang ay mabilis din itong nahimasmasan.

Dagli silang lumabas ng silid bago pa ito tuluyang matupok ng apoy.

Hindi makapaniwala si Karlo na ang inaapi niyang si Gino ang nagligtas ng kaniyang buhay.

“N-ngunit bakit, Gino? Naging masama ako sa’yo pero bakit mo iniligtas ang buhay ko?” pagtataka ng binata.

“Sapagkat kailangan mo ng tulong ko. Saka nais kong ipakita sa iyo na walang mali sa pagiging maliit. Hindi nga ako nabiyayaan ng tangkad ngunit ang maliit na kagaya ko naman ay nakatulong para masagip ka. Ipinagmamalaki ko na maliit ako,” taas noong saad ni Gino.

Nagsisisi ang binata sa pananalbahe na kaniyang ginawa. Lubusan ang pasasalamat ni Karlo kay Gino. Hindi matatawaran ang kabayanihan na ginawa ng binata. Mula noon ay hindi na pinagsalitaan pa ni Karlo ng masasakit si Gino. Naging matalik din silang magkaibigan. At upang makatanaw ng utang na loob sa ginawang pagsagip ni Gino sa kaniya ay hindi na hinayaan ni Karlo na may umalipusta pa rito.

Advertisement