
Nanlibre ang Mabait na Sorbetero sa Batang Walang Pambili; Nagulat Siya sa Ibinayad ng Ama Nito
Sa katirikan ng araw ay maririnig ang malakas na sigaw ng isang lalaking kilalang-kilala ng mga bata.
“Ice cream kayo diyan! Limampiso lang!”
Halos apat na dekada na ang lumipas simula nang magtrabaho bilang isang sorbetero si Manong Aldo.
Sa tulong ng pagbebenta ng sorbetes ay napagtapos niya na ang kaniyang mga anak ng pag-aaral. Sa ngayon ay nagtitinda pa rin siya ng sorbetes upang makaipon na kaniyang gagamitin sa pagtanda.
Ayaw niya kasi maging kargo ng kaniyang mga anak na may sari -arili nang pamilya kapag matanda na sila ng kaniyang misis.
Isa pa, natutuwa siya sa tuwing nakikita ang ngiti sa mga labi ng mga batang bumibili ng kaniyang itinitindang sorbetes.
“Manong! Pabili po!” Nakita niyang tumatakbo sa kaniya palapit ang isang cute na batang lalaki.
Lumawak ang ngiti sa labi ni Manong Aldo. Suki niya kasi ang batang ito, halos araw araw ito bumibili sa kaniya.
“Naku! RJ, sinabi ko naman sa’yo na huwag kang tumakbo dahil baka madapa ka!” Saway niya sa batang humihingal na huminto sa kaniyang harapan.
“Baka po kasi umalis na kayo, eh!” Humahagikhik ang bata nang iabot nito ang limampiso sa kaniya.
“O, anong flavor ba ang gusto mo? Dadagdagan ko dahil suki kita,” kindat niya sa bata.
“Yehey! Ube po saka chocolate!” Nagtatatalong sigaw ng bata.
Iniabot niya sa bata ang biniling sorbetes.
“Manong Aldo, number 1 po talaga ang ice cream na ‘to!” Bibong komento ng bata.
“Naku, alam ko naman na sinasabi mo ‘yan para lagi kang may dagdag.” Biro niya sa bata.
Humagikhik naman ito. “Hala! Totoo po! Pramis!”
Napahalakhak na lang ang mabait na sorbetero. Sa tagal niya nang nagtitinda ay alam na alam na niya ang perpektong timpla na kinagigiliwan ng kaniyang mga suki.
Kagaya ng normal na araw, madaming suki ang tumangkilik ng kaniyang tinda.
Halos paubos na ang kaniyang tinda nang maagaw ng kaniyang pansin ang pagmumurukulyo ng isang batang babae.
“Daddy! Gusto ko nga ng ice cream!” Umiiyak na naglupasay ang batang babae sa gitna ng parke.
Nahihiyang luminga-linga ang tatay na kasama ng bata. Tila humihingi ito ng dispensa sa komosyon na ginawa ng bata.
“Anak, wala ngang pera na dala si Daddy! Nasa kotse, at malayo ang parking dito, anak!” Narinig niyang mariin na bulong ng lalaki sa anak nito.
“Daddy! Ice cream, ice cream!” Tila bingi sa pakiusap ng ama nito ang batang babaeng patuloy na umatungal sa gitna ng daan.
Napakamot naman sa ulo ang ama nitong hindi malaman kung paano patitigilin ang anak.
Napangiti si Manong Aldo sa nasaksihan. Nakangiti siyang kumuha ng sorbetes upang ibigay sa batang babae.
“Ineng!” Malakas na tawag niya sa batang babae saka ipinakita ang dito ang hawak na ice cream.
Agad-agad namang huminto ang batang babae sa pag-iyak bago tumakbo palapit sa kaniya.
Tuwang-tuwa nitong kinain ang ice cream na bigay ng mabait na sorbetero.
“Naku, manong, pasensiya na ho… Hindi ko ho siya maibili dahil naiwan ko ang wallet ko sa kotse. Hindi ko ho kayo mababayaran ngayon,” nahihiyang wika ng ama ng batang babae.
“Naku, hijo, huwag mo na isipin ‘yun. Limampiso lang naman ang halaga niyan, tingnan mo ang ngiti ng anak mo.” Inginuso niya batang kumukuyakoy pa habang inuubos ang ice cream na bigay ng sorbetero.
“Daddy! Ang sarap ng ice cream na ‘to!” Wika ng babae sa ama nito nang mapansing nakatingin ang ama.
Napangiti naman ang ama ng bata.
Napansin ni Manong Aldo na tagaktak ang pawis nito kaya naman inalok din nito ang ama ng bata ng sorbetes pampalamig.
“Naku, hindi na ho, wala ho akong dalang pambayad,” pagtanggi ng lalaki.
“Libre ko na ‘yan sa inyong mag-ama, marami na rin naman akong kinita ngayong araw,” nakangiting kumbinsi niya rito.
Sa huli ay alanganin nitong tinanggap ang alok niya.
Naging abala naman si Manong Aldo sa pagliligit ng kaniyang mga gamit kaya hindi niya na nasaksihan ang panlalaki ng mata ng lalaki nang matikman nito ang ibinigay niyang sorbetes.
Sandali pa silang nagka-kwentuhan bago nagpaalam na ang mag-ama. Abot abot naman ang pasasalamat ng ama.
“Isang araw ho ay bibisita ulit kami upang magbayad.” May misteryosong ngiti ng lalaki bago ito umalis nang akay-akay ang anak nito.
Makalipas ang isang linggo, ikinatuwa niya nang muli ngang bumisita ang mag-ama.
Tinupad nga ng lalaki ang pangako nitong magbabayad ito kahit sinabi na ni Manong Aldo na hindi na kailangan.
At hindi niya inaasahan na higit pa sa sapat ang ibabayad nito!
“Manong, gusto ko ho sanang bilhin ang recipe ng inyong sorbetes. Natuwa ho ako ng natikman ko ito dahil masarap at sigurado akong papatok ito sa masa,” alok ng lalaki.
Ang lalaki pala ay may-ari ng isang malaking kompanya na nagtitinda ng ice cream!
“Kung papayag ho kayo, ibig hong sabihin nun ay sa tuwing makakabenta tayo, mayroong parte dun na sa inyo mapupunta. ‘Di ba ho nabanggit niyo na nag-iipon kayo para sa retirement niyo? Sinisiguro ko ho na makakaipon kayo ng higit pa sa sapat,” patuloy na kumbinsi ng lalaki.
Hindi naman makapaniwala si Manong Aldo sa swerteng dumapo sa kaniya. Agad siyang pumayag sa alok ng lalaki.
Kagaya ng inaasahan ay pumatok nga sa masa ang sorbetes ni Manong Aldo. Hindi niya na kinailangan pang magtrabaho sa tirik na araw pero patuloy pa rin ang pagpasok ng pera.
Hindi niya inakala na ang simpleng kabaitang ipinamalas niya sa isang batang paslit ay magdadala sa kaniya ng limpak-limpak na swerte!