Inday TrendingInday Trending
Ayaw nang Mag-aral ng Isang Dalaga; Nabuhayan Siya ng Loob nang Malaman ang Kwento sa Likod ng Matanda sa Bintana

Ayaw nang Mag-aral ng Isang Dalaga; Nabuhayan Siya ng Loob nang Malaman ang Kwento sa Likod ng Matanda sa Bintana

“Nakakainis naman! Mayroon na namang pasok bukas! Nakakatamad na mag-aral!” daing ni Karille sa kaniyang ina, isang araw matapos nilang magsimba.

“Naku, anak, balang-araw, makakapagtapos ka rin at makakakuha ng magandang trabaho, isang taon na lang, o! Lahat ng paghihirap mo ngayon, magbubunga ‘yan sa mga darating pang taon,” sambit ng kaniyang ina habang sila’y naglalakad patungo sa kanilang sasakyan.

“Eh, mommy, nakakasawa na pong mag-aral! Lalo na ngayong kolehiyo na ako! Nakakataranta, nakakapagod, lahat na! Sabay-sabay naman kasi sila magbigay ng gawain, mommy!” nakangusong sabi niya saka siya tumigil sa paglalakad dahilan upang tumigil din ang kaniyang ina.

“Ganyan talaga, anak, ang isipin mo na lang, pagsasanay mo ito para kapag nagkaroon ka na ng sariling pamilya, kayang-kaya mo na hatiin ang oras mo,” pangaral nito sa kaniya saka hinawakan ang kaniyang kamay at yayaing magpatuloy sa paglalakad.

“Hindi mo naman ako naiintindihan, mommy, eh! Minsan matutulala na lang ako dahil ginawa ko naman ang lahat, nag-aral naman ako, tapos pagdating ng pagsusulit, bagsak ako. Ayoko na mag-aral, mommy! Ayoko na talaga! Ipasok mo na lang ako agad sa kumpanya natin, parang awa mo na,” sumamo niya sa ina habang pigil-pigil ang kaniyang luha, bumuntong hininga lamang ito’t hinila na siya sa loob ng sasakyan.

Solong anak ang dalagang si Karille. Simula noong mag-aral siya, palagi siyang pinapasok sa pribadong paaralan na may sariling tagapagturo dahilan upang labis siyang matutukan. Naging masaya ang dalaga sa ganitong sitwasyon ngunit nang tumuntong na siya sa kolehiyo, ‘ika ng kaniyang ama, “Anak, maganda sigurong masubukan mo rin kung paano mag-aral sa isang pampublikong paaralan katulad namin ng mama mo. Mas masaya doon, pangako!” dahilan upang pumasok nga siya sa isang unibersidad sa Maynila.

Naging masaya nga siya sa kaniyang mga unang taon dito. Matiyaga siyang nag-aaral, nakikihalubilo sa kaniyang mga kamag-aral, hanggang sa nagkaroon na siya ng sariling tropa, gala doon, inom dito. Nagawa niyang balansehin ang oras niya sa pag-aaral at pagkakaroon ng masayang tropa. Ngunit tila nag-iba ang ihip ng hangin ngayong taon ng kanilang pagtatapos. Nagsabay-sabay ang mga pagsusulit, thesis, at marami pang gawain dahilan upang ganoon na lamang niya naising tumigil na sa pag-aaral.

Kinabukasan, maagang pumasok sa unibersidad ang dalaga. Katulad ng kaniyang nakasanayan, umupo siya sa dulong silya kung saan malapit lahat ng kaniyang tropa.

Dumating na nga ang kanilang guro, nagdadadaldal ito sa harapan habang lumilipad ang isip ng dalaga. Napatingin siya sa dako ng bintana at may nakita siya doong matandang nagsusulat sa papel at abala sa pakikinig sa kaniyang guro.

“Ri-rita, anong ginagawa noong matandang iyon? Bakit siya nandyan? Baliw ba ‘yan?” tanong niya sa kamag-aral.

“Naku, ikaw talaga! Laging andyan ‘yan si tatay. Ngayon mo lang ba siya napansin? Nakakwentuhan namin ‘yan noong isang beses, sabi niya, gusto niya talaga magkolehiyo noon pa man, kaso walang pera ang kaniyang magulang dahilan upang mapilitan siyang magtrabaho agad. Eh, talagang nais niya daw mag-aral, kaya ngayong sa isang unibersidad ang kaniyang trabaho, hindi niya na ito pinalampas at tuwing pahinga niya sa paghahalo ng semento dyan sa ginagawang gusali, nakikinig siya rito,” kwentong pabulong ng kaniyang kaibigan, “Kung tutuusin, ang swerte pala talaga natin, ano? Nakakapag-aral tayo nang may sumusuporta sa’tin,” dagdag pa nito saka muli nang nakinig sa kanilang guro.

Doon napagtanto ng dalagang tama nga lahat ng inika ng kaniyang kaibigan. Tila nakaramdam din siya ng lungkot at awa para sa matanda ngunit nadiligan naman ang kaniyang puso upang ipagpatuloy ang kaniyang pag-aaral.

Hindi man naging madali ang mga sumunod na araw para sa dalaga, lagi niyang tinitignan at ginagawang inspirasyon ang matandang nakadungaw sa kanilang bintana hanggang sa dumating na nga ang araw ng kaniyang pagtatapos.

Agad siyang nakakuha ng magandang trabaho sa kumpanya ng kaniyang mga magulang at doon niya pinaalam sa kaniyang mga magulang ang taong nagbigay sa kaniya ng inspirasyong magpursigi sa kolehiyo.

Tinulungan niya ang matandang makapasok sa naturang unibersidad mula sa sarili niyang bulsa. Sinabi niya rin ditong, “Ikaw po ang naging inspirasyon ko, kung hindi ko po nalaman ang kwento niyo, siguro tumigil na akong mag-aral,” mangiyakngiyak na tinanggap ng matanda ang kaniyang alok.

“Salamat, bago man ako mawala dito sa mundong ibabaw, natupad ko ang isa sa mga panagarap ko kahit pa hirap ako sa buhay,” ‘ika ng matanda, bakas sa mukha nito ang saya dahilan upang mapaluha na rin siya.

Binigyan din ng kaniyang mga magulang ng trabaho ang mga anak ng matanda upang makapag-aral nga ito.

Wala nang mas sasaya pa kay Karille noong mga araw na iyon, sambit niya, “Masaya palang maging daan upang matupad ng isang tao ang kaniyang pangarap.”

Wala namang nagsabing madaling mabuhay, kaya upang makasabay sa agos ng tadhana, humanap ng inspirasyong magdadala sa’yo sa tagumpay.

Advertisement