Ipinagtapat ng Binatilyong Mag-aaral ang Kaniyang Nararamdaman Para sa Guro; Isang Hamon ang Isinukli Nito

“Goodbye and thank you Miss Padayona. See you tomorrow, God bless you!”

Tapos na naman ang 50 minutong klase ni Miss Padayona para sa asignaturang English. Malungkot na naman si Jeffrey. Palihim niyang sinulyapan ang itinatanging magandang guro habang papalabas ng klase.

“Uy, matunaw si Ma’am…” siko sa kaniya ng kaibigang si Allen.

“Ang ganda talaga ni Miss Padayona no? Ilang taon na kaya siya? Sana kaedad lang natin siya,” wala sa loob na sabi ni Jeffrey.

“Crush mo siya ‘no? Sabagay. Sino nga ba ang hindi magkakagusto sa kaniya. Maganda na nga, magaling pa magturo. Pero istrikta si Ma’am. Siguro hindi pa nagkaboyfriend yun,” tugon ni Allen.

Nasa Junior High School pa lamang si Jeffrey, matunog na ang pangalan ni Miss Padayona. Crush siya ng napakaraming mga lalaking mag-aaral dahil napakaganda niya. Subalit kinatatakutan at kinaiilagan naman siya sa loob ng klase. Istrikta subalit mabait. Hindi niya ito naging guro.

Subalit pagtuntong ng Senior High School, nagkrus ang mga landas nina Jeffrey at Miss Padayona. Nabigyan ng teaching load para sa asignaturang English ang guro sa Senior High School.

Doon napatunayan ni Jeffrey na talagang istrikta subalit napakahusay magturo ni Miss Padayona. Lalo siyang humanga sa guro.

Advertisement

Kapag nagtuturo na si Miss Padayona, matamang nakikinig si Jeffrey. Ayaw niyang madismaya sa kaniya ang guro. Gusto niya, kapag tinawag siya nito sa recitation, makakasagot agad siya.

Ayaw niyang mapahiya sa klase nito. Ginalingan niya upang mapansin siya nito. At hindi naman siya nabigo. Lagi siyang tinatawag nito sa klase. Hindi niya maiwasang kiligin. Musika sa kaniyang pandinig kapag sinasambit nito ang kaniyang pangalan.

Hanggang sa pagtulog ay lagi niyang nakikita sa kaniyang balintataw ang magandang mukha ng guro; kung paano ito kumilos, magsalita, at magturo. Minsan, napapanaginipan pa niya.

Isang araw, nagkaroon ng isang patimpalak sa pagsulat ng sanaysay. Kinakailangan ng kinatawan ng kanilang paaralan laban sa iba pang mga kinatawan ng paaralan.

Dahil isa sa mga mahuhusay rito si Jeffrey, siya ang napiling lumaban. Laking-gulat ni Jeffrey nang malamang kinakailangan niyang dumaan sa training, at ang trainer niya ay walang iba kundi si Miss Padayona. Halos manginig ang kaniyang kalamnan nang kausapin siya nito sa faculty room.

“We will start our training tomorrow…” paalala sa kaniya ni Miss Padayona.

Simula noon ay lagi ng nagte-training ang dalawa. Masayang-masaya ang pakiramdam ni Jeffrey. Tila ayaw na niyang matapos ang sandali. Gusto niyang patigilin ang pag-andar ng kamay ng orasan sa tuwing nagte-training sila.

Dumating ang araw ng patimpalak. Bago magsimula, kabadong-kabado si Jeffrey. Sinulyapan niya si Miss Padayona. Nakangiti ito sa kaniya. Itinaas ang hinlalaki at nag-OK sign.

Advertisement

Sumaya ang pakiramdam ni Jeffrey. Kaya naman nang ihayag na siya ang nagkamit ng unang gantimpala, hindi niya napigilan ang sariling mapayakap kay Miss Padayona.

Gumanti naman ito ng yakap sa kaniya. Mahigpit. Yakap ng pagbati. Nang mapagtanto ni Jeffrey na nakayakap siya sa gurong itinatangi, namula siya at nahiya. Naramdaman ito ng guro kaya agad na kumalas sa kaniyang pagkakayakap.

“I’m proud of you Jeffrey! You made it!” pagbati ni Miss Padayona.

Nang gabing iyon, hindi dinalaw ng antok si Jeffrey. Hindi niya iniisip ang panalo at ang papuri sa kaniya ng mga kaklase, maging ang mga administrador ng paaralan. Ang magandang mukha ni Miss Padayona. Ang pagngiti nito at pag-goodluck. At higit sa lahat, ang pagyakap nito sa kaniya.

Bahala na, sabi ni Jeffrey. Kumuha siya ng ballpen at papel. Hindi siya makatulog. Naisip niyang gumawa ng liham-pasasalamat para sa guro. At balak niyang ipagtapat dito ang kaniyang nararamdaman.

Kinabukasan, iniabot ni Jeffrey ang liham kay Miss Padayona. Noong una, nailang siyang ibigay ito, at naisip na itatapon na lamang, subalit huli na ang lahat.

Nakita na siya nito at kinuha ang liham. Hindi na naman siya makatulog ng gabing iyon. Iniisip niya kung tama ba ang ginawa niyang pag-amin sa guro.

Sa oras ng klase, inakala ni Jeffrey na magbabago ang pakikitungo sa kaniya ni Miss Padayona. Subalit hindi. Propesyunal pa rin ito sa kaniya. Pagkatapos ng klase, inabutan siya nito ng maikling papel. Let’s talk in the faculty room.

Advertisement

Halos lumubog sa kinatatayuan si Jeffrey. Kabang-kaba siya. Hindi niya alam ang gagawin. Hindi naman niya puwedeng sabihin sa iba ang ginawa niyang pagtatapat. Hihingi na lamang siya ng dispensa.

Makikiusap siya kay Miss Padayona na huwag nang iparating sa mga kinauukulan ang kaniyang ginawa dahil baka masuspinde siya.

“Ma’am… about the letter that I wrote for you… I’m so sorry,” hiyang-hiyang paghingi ng tawad ni Jeffrey.

“That’s okay Jeffrey. I appreciate it. I cannot judge your feelings. Pero estudyante kita. It’s unethical. Magtapos ka muna ng college. We’ll see. You may go and don’t mention it to your classmates,” sabi ni Miss Padayona.

Pinag-isipang maigi ni Jeffrey ang mga sinabi ni Miss Padayona. Magtapos ka muna ng college. We’ll see. Ilang beses umukilkil sa kaniya ang salitang “We’ll see”. May pag-asa ba siya? Pinagtatapos muna siya sa college? Pagkatapos, puwede na niyang ligawan?

Simula noon, lalong nagpursigi ng kaniyang pag-aaral si Jeffrey. Tinapos niya nang mahusay ang Senior High School. Siya ang Class Valedictorian. Pinagbuti niya rin ang pag-aaral sa kolehiyo sa kursong Architecture.

Inspirasyon niya ang sinabi sa kaniya ni Miss Padayona. Magtapos ka muna ng college. We’ll see. Lagi rin siyang dumadalaw sa kaniyang alma mater. Subalit minsan, natataong liban daw si Miss Padayona.

Makalipas ang apat na taon, nakatapos na rin sa kolehiyo si Jeffrey. Magna cum laude. Sabik siyang magtungo sa alma mater at ipakita kay Miss Padayona ang kaniyang medalya at diploma.

Advertisement

Huling balita niya, madalas ang pagliban nito dahil sa pagkakasakit. Hindi rin siya nakadalaw dahil naging abala siya sa mga requirements at pag-eensayo para sa graduation.

Kaya naman laking-gulat niya nang sabihin sa kaniya ng mga dating guro na namayapa na si Miss Padayona. Inilihim nito ang sakit sa obaryo. Iyon pala ang dahilan ng mga pagliban nito.

Hindi nito ipinagtapat ang tunay na kalagayan sa mga kasamahan. Labis na nanlumo si Jeffrey sa kaniyang nalaman.

Sumama siya sa mga dating guro upang puntahan ang lamay nito. Dumagsa ang mga dati niyang kamag-aral at ibang mga mag-aaral sa ibang batch. Pinatotohanan nila kung gaano kabuting guro si Miss Padayona.

Hindi makapaniwala si Jeffrey. Gusto niyang umiyak. Gusto niyang magwala. Bakit ngayon pa? Bakit kung kailangan tinupad ko ang pangako ko, ikaw naman ang hindi tumupad? tumatakbo sa isipan ni Jeffrey.

Nakipaglibing si Jeffrey sampu ng kaniyang mga dating kamag-aral at guro. Nagpaiwan si Jeffrey, at hinintay niyang makaalis ang lahat. Inilabas niya ang medalya at diploma ng pagtatapos.

“Ang daya mo Ma’am. Matagal kong hinintay ang araw na ito. Sabi mo, kailangan ko munang makatapos ng pag-aaral. Tapos, puwede na akong bumalik at liligawan kita. Anong nangyari?” umiiyak na sabi ni Jeffrey.

“Simula noon hanggang ngayon, ikaw ang naging inspirasyon ko. Ginalingan ko at naniwala ako sa sarili ko na magaling ako, dahil naniwala ka sa akin. Maraming salamat sa iyo Ma’am. Alay ko sa iyo ang medalya at diploma ko. Salamat sa pagtitiwala. Mahal na mahal kita. Hindi ko sasayangin ang tiwalang iyan,” pangako ni Jeffrey sa puntod ng kaniyang minamahal na guro.

Advertisement

Matapos ang ilang paghihintay, nakapasa na rin si Jeffrey sa board exam. Nakakuha siya ng magandang trabaho at nakapag-ipon. Nagtayo siya ng sariling firm.

Naging matagumpay siya sa kaniyang larangan. Bitbit pa rin sa puso ang pagmamahal para kay Miss Padayona, na hindi na mawawala kailanman.