Naisipang Gayumahin ng Dalaga ang Kaniyang Guwapong Boss; Kahihiyan ang Inabot niya nang Mabuking ang Kaniyang Kalokohan

“Sigurado po bang effective ito?” mariing tanong ni Anne sa tindera ng mga kung ano-anong herbal medicines sa tabi ng tindahan sa Quiapo.

“Oo naman, hija! Ilang tao na ang lumapit sa akin noon at sumubok nʼyan, at lahat sila ay bumalik sa akin nang masaya!” sagot naman ng ale sa kaniya.

Tumango-tango si Anne. “Sure po kayo ha? Kapag ginamit ko ang gayumang ito sa boss ko, mapapasa akin sʼya?”

Ngumisi muna ang matandang tindera kay Anne bago ito sumagot. “Oo,” aniya.

Natutuwa namang umuwi si Anne sa kaniyang bahay. Sa wakas, mapapasakaniya na ang lalaking minimithi niyang maging kasintahan!

Bulong-bulungan sa opisina ang balitang nililigawan daw ng kanilang boss ang isa sa mga kapwa empleyado nilang si Lily. Nagngingitngit naman ang loob ni Anne dahil sa naturang balita. Matagal na kasi niyang gusto ang kanilang boss. Malaki ang pagkakagusto ng dalaga sa kaniyang Sir Jomari, kaya naman nang mapadaan siya kahapon sa tindahan ng herbal medicines ay agad siyang napabili nang alukin siya ng isang tindera ng gayuma.

Kaninaʼy dumaan siya sa bilihan ng kape at um-order ng pinakamahal na produkto roon upang isakatuparan ang plano niyang panggagayuma sa kanilang boss. Ipinatak niya roon ang nabili niyang gayuma sa halagang limang libong piso. Ngayon ay iniwan naman niya ang kape sa mesa nito.

Inabangan ni Anne hanggang sa mainom na ng kaniyang Sir Jomari ang kape. Excited pa siya sa kung ano ang mangyayari, pagkatapos nitong ubusin iyon. Parang nakikini-kinita na ni Anne ang sarili niya na nakakulong sa bisig ng binata habang masaya silang naglalampungan. Kinilig pa siya sa isiping ʼyon.

Advertisement

Ngunit biglang natigilan si Anne. Nagtataka siya kung bakit biglang parang nanlaki ang mga mata ng kaniyang boss kaya minabuti na niyang lapitan ito.

“Sir, ayos lang po kayo?” tanong ni Anne sa nag-aalalang tinig.

Hindi na nasagot pa ng binata ang tanong niya dahil bigla na lang itong bumagsak sa sahig!

Nataranta si Anne. Tumawag siya ng tulong at agad nilang dinala ang kanilang boss sa ospital…

“Food poisoning po ang dahilan ng kawalang malay ng pasiyente, but heʼs okay now. May kung ano lamang pong napahalo sa ininom niyang kape,” dinig niyang sabi ng doktor na tumingin kay Sir Jomari.

Agad na kinabahan si Anne!

“Sino ba ang naglagay ng kape sa mesa ni boss?” tanong ng sekretarya, “i-check nʼyo ang lahat ng CCTV para mahuli natin ang may kagagawan nʼyon sa kaniya!”

Halos manginig naman si Anne sa kaniyang mga narinig. Natatakot siyang makulong. Bigla siyang nagsisi sa mga kalokohang ginawa niya, ngunit wala siyang lakas ng loob na umamin sa kasalanan.

Advertisement

Nagtatangka pa lamang siyang tumakas nang araw na ʼyon, ngunit naharang na siya ng mga pulis. Sa likod ng mga ito ay ang galit nilang Sir Jomari kasama ang nobya nitong si Lily, habang nasa kaniya naman ang atensyon ng iba pang kasamahan niya sa trabaho.

“Bakit naisipan mo akong lasunin, Anne? Sinoʼng nag-utos sa ʼyo?” ma-autoridad na tanong ng kaniyang boss kay Anne.

Sa sobrang takot ay napahagulhol na lang ang dalaga at wala na siyang nagawa kundi isiwalat ang nakakahiyang katotohanan sa likod ng gayumang ipinainom niya sa kanilang boss.

“Akala ko po kasi, effective iyong nabili kong gayuma kaya sinubukan ko. Sorry po talaga, sir! Hindi ko po alam na hahantong sa ganito!” halos maglumuhod si Anne sa harap ng kaniyang boss.

“Ambisyosa!”

“Desperada!”

“Malandi!”

Ilan lamang iyon sa mga panglalait na natamo ni Anne sa kaniyang mga kasamahan sa trabaho, ngunit kahit nasasaktan ay tinitiis na lamang niya iyon. Tutal ay aalis naman na siya sa company.

Advertisement

Mabuti nga at naawa pa sa kaniya ang kanilang boss kahit papaano at ipinasya nitong huwag na siyang kasuhan sa ginawa niyang kasalanan. Iyon nga lang ay tinanggal siya nito sa trabaho.

Bukod pa roon, kalat na kalat din sa internet ang ginawa niyang kalokohan kayaʼt grabeng kahihiyan din ang kaniyang natamasa dahil sa sobrang pagkagusto niya sa isang binata.

Doon napagtanto ni Anne na hindi pala ang pagmamahal ang nakasira sa kaniya kundi ang masamang laman ng kaniyang isipan. Nangako siya sa sarili na pagkatapos ng lahat ng ito ay hindi na niya uulitin pa ang masamang nagawa. Nagdasal siya at humingi ng tawad sa Maykapal.