Inday TrendingInday Trending
Isang Baklang Estranghero, Ipinadama Muli sa Isang Ulilang Bata ang Pagmamahal ng Isang Ina

Isang Baklang Estranghero, Ipinadama Muli sa Isang Ulilang Bata ang Pagmamahal ng Isang Ina

Napakahirap nga para sa kahit na sino ang mawalan ng magulang, lalo na ng isang ina. Ang mga nanay ang nagsisilbing ilaw ng tahanan o siyang lagi nating takbuhan simula bata tayo. Ngunit paano nalang kung bigla na lamang mawala siya? Alam na alam ng siyam na taong gulang na batang si Isabella ang pakiramdam na mawalan ng pinakamamahal niya sa buhay, ang kanyang ina. Namatay sa sakit na diabetes ang ina ni Isabella. Tatlong taon nitong dinaing ang sakit kasama ng nag-iisang anak nito. Ang ama naman ni Isabella ay hindi niya na nakilala pa. Anak kasi siya nito sa isang Hapong nakilala ng ina sa dating trabaho nito. Naiwan si Isabella sa kanyang tiyahin na may tatlong anak. Kahit pa nagsilbi itong legal guardian niya ay hindi pa rin siya mapag-ukulan ng pansin ng tiyahin dahil kulang na rin ang oras nito sa pag-aalaga ng tatlong anak na kapwa maliliit pa. Kaya naman sa pagpasok ni Isabella ay lagi niyang nararanasan na mapagtawanan ng mga kaklase dahil sa magulo niyang buhok. Wala na kasing nag-aayos ng buhok niya na dati ay nanay niya ang gumagawa. Isang araw ay nakita niya ang isang lalaking inaayusan ang buhok ng isang batang babae. Nagtaka siya dahil nakabistida ang lalaki. “Excuse me po, manong…” tawag-pansin niya sa lalaki matapos nitong ayusan ang bata na bumalik na sa paglalaro. “Excuse me din ineng, manang ako no. Mahiya ka sa bestida at high heels ko,” nagkunwaring mataray ang bading palang lalaki. “Sorry po,” natatawa siya sa inakto nito. “Ano bang need mo sakin?” tanong muli nito. Medyo nahiya siyang sabihin ang gusto, “Ah kasi po…” “Ano ineng, busy ako.” “Magpapa-ponytail po sana ako,” nahihiyang turan niya sa lalaki. “Sus ‘yun lang pala, asan ba ang nanay mo at ayaw ayusan ‘yang magulong buhok mo?” “Wala na po kasi siya, pumanaw na..” Natapik nito ang sariling bibig, “Sorry, ineng.” Sinimulan nitong ibraid ang buhok. Nagustuhan niya ang kinalabasan noon. Nagulat rin si Isabella nang kinabukasan ay nakita ang bading na nalaman niyang Bruno pala ang pangalan. Nasa tapat ito ng eskwelahan nila, “Halika ayusan muna kita.” Pinakita nito ang suklay at mga ponytail na dala. Simula noon ay araw-araw na siyang iniipitan sa buhok nito na ngayo’y tinatawag niya nang “Mama Bruno”. Masayang-masaya si Isabella at lubos ang pasasalamat sa kanyang Mama Bruno, tila ito isang anghel na ipinadala sa kanya ng kanyang ina mula sa langit. Maaaring hindi kailanman magiging isang ina si Bruno dahil sa kasarian niya pero isang biyaya na naparamdam ulit niya sa isang musmos na ulila na magkaroon muli ng isang ina na mag-aalaga sa kanya bago pumasok sa eskwela.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement