Inday TrendingInday Trending
Inilihim ng Estudyanteng Ito sa Magulang ang Pakikipagkita sa Isang Estranghero na Nakilala sa Facebook, Ito ang Kanyang Sinapit

Inilihim ng Estudyanteng Ito sa Magulang ang Pakikipagkita sa Isang Estranghero na Nakilala sa Facebook, Ito ang Kanyang Sinapit

Excited pumasok ngayong araw sa eskwela si Marissa, hindi dahil sa gusto niya nang matuto, kung hindi gusto niya na agad matapos ang klase dahil ngayon ay ang araw na pinakahihintay niya, makikilala na niya ang lalaking naka-chat niya sa Facebook ng halos dalawang linggo.

Nasa 3rd year high school na si Marissa at ang lalaki naman daw na ang pangalan ay Roland, ay 4th year high school na pero sa ibang eskwelahan nag aaral. Bigla na lang siyang in-add nito sa Facebook at dahil gwapo ang picture ay in-accept niya iyon, mula noon, hindi na siya tinigilan nito sa kaka-chat na ikinakilig naman niya.

Roland: excited knb mmya

Marissa: oo, ikaw ba?:)

Roland: ou,gus2 ko n mkta k ng prsonal

Napangiti si Marissa sa nabasa. Sa totoo lang, nagpaalam siya sa magulang na gagabihin ng uwi, hindi pumayag ang papa niya dahil pwede naman daw sa bahay nila gawin ang project niya pero wala na namang magagawa ang mga ito kapag ginabi na siya. Sasabihin niya na lang na mahirap ang project.

Pagkatapos ng klase, dumiretso agad si Marissa sa park kung saan nila napag usapang pumunta. Inayos niya ang kanyang buhok at uniporme. Nag-cologne din siya, alam niya mamaya konti ay darating si Roland. Grabe ang kaba at kilig na nararamdaman niya.

“Marissa?” tawag sa kanya ng isang may edad na boses.

Pagharap niya ay isang lalaking mataba, at napapanot na ang bumungad sa kanya, siguro ay nasa 45 anyos na ito. Maputi ang lalaki, hindi niya alam ngunit nakakakilabot ang mga titig nito.

“A-no po yon?” medyo nagulat na sabi niya, hinawakan na kasi siya agad nito sa braso.

“Sumama ka sakin, nasa bahay namin si Roland.” sabi nito.

“Po? Pero sabi niya po dito daw kami magkikita, icha-chat ko nalang po siya na hintayin ko siya dito.” sabi niya na agad dinukot ang phone. Natatakot na siya sa kaharap.

“Nagbago na ang isip niya, sa bahay na lang daw namin.” sabi nito na humihigpit na ang hawak sa kanya, malas niya naman dahil walang masyadong tao ngayon dito sa park.

Sinimulan niyang i-dial ang cellphone number ni Roland at nanlaki ang mata niya nang tumunog ang cellphone ng lalaking kaharap. Napangisi naman ang lalaki at sinimulan na siyang kaladkarin. Iyak ng iyak ang dalagita at nagpupumiglas na pero wala na siyang magawa dahil sinikmuraan siya ng lalaki at nagdilim na ang paningin niya.

Pagdilat ng mga mata niya, nasilaw siya sa ilaw na nagmumula sa kisame ng ospital.

“Anak, kumusta ka na?” tanong ni Aling Fely, ang kanyang ina.

“Nanay..sorry po!” sabi niya sabay yakap, naroon rin ang kanyang ama na nakamasid lang pero kita niyang pinipigil nito ang luha.

“Anak buti nasundan ka ng papa mo. Naiwan mong nakabukas ang iPad mo kaninang umaga at habang naglilinis ako ay nabasa ko ang chat mo sa Roland na iyon, wag ka sanang magtitiwala. Sana lagi mong alalahanin ang mga pangaral namin.” sabi ni Aling Fely.

Napatango ang dalaga, ngayon ay lubos na niyang naiintindihan ang magulang kung bakit siya hinihigpitan ng mga ito. Hindi dahil sa makasariling dahilan kundi dahil para sa kanyang kapakanan rin.Kung hindi dumating ang kanyang ama ay Diyos na lang ang nakakaalam kung saan siya pupulutin ngayon.

Ipinakulong nila si Roland. Si Marissa naman, simula noon ay palagi nang nag iingat sa mga ina-add niya sa Facebook, kung hindi niya kilala ay hindi na niya pinapansin ay dinedelete na agad. Kolehiyo na siya nang makilala si Mark, mabait ang lalaki at nagustuhan din ito ng magulang niya dahil magalang at maginoo.

Higit sa lahat, niligawan siya nito sa kanilang bahay at hindi sa Facebook lang.Dahil doon ay lubos niyang nakilala ang lalaki dahilan para mabilis mahulog ang loob niya rito. Malaki ang naitutulong sa atin ng social media dahil napapadali nito ang komunikasyon para sa lahat, pero wag sana nating kalilimutan ang panganib na kaakibat nito, palaging mag iingat at kilatising mabuti ang mga nakakasalamuha dito.

Advertisement