Hinahamak ng Mayamang Bata ang Kanilang Labandera at Anak Nito; Mapapahiya Siya nang Ipagtapat ng Kaniyang Ina ang Totoo

Manghang-mangha ang batang si Daisy sa laki ng bahay ng amo ng kaniyang inang si Aling Flor. Isinama kasi ng ginang ang kaniyang anak sa kaniyang paglalaba ng araw na iyon dahil wala siyang mapag-iiwanan dito. Hindi lubusang makapaniwala si Daisy dahil napakayaman talaga ng amo ng kaniyang ina. 

Habang siya ay naglilibot sa hardin ng malaking bahay ay natagpuan niya ang ilang mga laruan ng anak ng amo. Sa labis na tuwa ay agad niya itong nilapitan at hinawakan. Hanggang sa isang tinig ang kaniyang narinig.

“Lumayo ka nga sa mga laruan ko! Siguro ay gusto mong nakawin ang mga ‘yan, ano? Kung hindi ako dumating ay malamang ko, kinuha mo na ang mga laruan ko!” sambit ng batang si Nicole, anak ng may-ari ng bahay na iyon.

“H-hindi naman. Gusto ko lang makita dahil ngayon pa lang ako makakahawak ng ganito. Pasensiya na kung hinawakan ko nang walang paalam,” wika naman ni Daisy. 

“Bitawan mo na ang mga iyan! Ipapalinis ko muna sa yaya ko ang lahat ng mga laruan ko bago ko laruin dahil sigurado akong nadumihan mo na ‘yan!” muling sambit ng mayamang bata.

Dahan-dahang inilapag ni Daisy ang hawak niyang laruan. Nakayuko siya habang pabalik sa kinaroroonan ng kaniyang ina. Hindi na lamang nagpahalata si Daisy sa nangyari sa kanila.

“Kanina pa kita hinahanap, anak. Ipapakilala sana kita kay Ginang Sally, ang may-ari ng bahay na ito. Sobrang bait at mapagkumbaba ng ginang na iyon,” saad ni Aling Flor sa kaniyang anak.

“Pasensiya na po, nanay, at nagpunta po kasi ako sa bakuran. Naaliw po ako sa mga bulaklak na naroon,” kwento ni Daisy sa ina. 

Advertisement

Hindi na umalis pa sa tabi ng kaniyang ina itong si Daisy dahil ayaw rin niyang makita muli ang batang si Nicole. Sa totoo lamang kasi ay nasaktan siya sa mga sinabi nito. 

Kinabukasan ay muling bumalik ang mag-ina sa bahay ng mayamang amo upang ipagpatuloy ang paglalaba.

Sa pagpasok nila sa bahay ay nakita nila si Nicole na nasa swimming pool at masayang lumalangoy.

Binati ni Aling Flor ang bata.

“Nakakatuwa ka namang pagmasdan diyan, Nicole. Masarap talagang mag-swimming ngayon dahil mainit ang panahon. Kasama ko nga pala ang anak kong si Daisy. Magka-edad kayo ng anak ko. Pwede kayong maglaro,” nakangiting sambit ni Aling Flor.

“Kahapon ko pa nakita ang anak mong ‘yan. Hindi ko siya gusto kasi pinapakialaman niya ang mga laruan ko!” sambit ni Nicole sa matanda.

Agad kinausap ni Aling Flor ang anak upang humingi ng pasensiya sa anak ng amo. 

“Pasensiya ka na, Nicole, ha. Mabait naman itong anak kong si Daisy. Kung makikilala mo lang siya ay pwede mo siyang maging kaibigan,” wika pa ng ginang. 

Advertisement

“Hindi ako nakikipagkaibigan sa mga mahihirap na kagaya niyo! Hindi nababagay si Daisy para maging kaibigan ko! Ni wala nga siyang magagarang laruan tulad ng sa akin. Kahapon nga, kung hindi ko siya nakita ay baka kinuha na niya ang mga laruan ko! Narito lang kayo sa amin para pagsilbihan kami. Huwag mong ipilit ang gusto mong maging magkalaro kami ng anak mo!’ sigaw pa ni Nicole sa ginang. 

Nang marinig ni Sally, ina ni Nicole, ang pambabastos na ginagawa ng anak sa mag-ina ay agad niya itong nilapitan at pinagsabihan.

“Itigil mo iyang ginagawa mo, Nicole! Hindi tama na binabastos mo sila. Lalo na si Manang Flor dahil mas matanda siya sa’yo!” awat ng mayamang ginang. 

“Nagsasabi lang naman po ako ng totoo, mommy! Saka bakit ko siya kailangang respetuhin, labandera lang naman siya dito. Nakakainis siya kasi kanina pa niya pinipilit na maging magkaibigan kami ng madungis niyang anak!” sigaw pa ni Nicole.

“Sumosobra ka na talaga! Napakasakit ng mga sinasabi mo. Hindi porket nararanasan mo ang mga karangyaang ito sa buhay ay magmamataas ka na. Wala ka pa ngang naaabot sa buhay mo! Humingi ka ng tawad sa kanila,” muling sambit ni Sally sa anak. 

“Ayaw ko! Hindi mo ako mapipilit dahil hindi ako dapat magpakumbaba sa mga mahihirap na tulad nila!” giit ng bata.

“Nadidismaya ako sa ugali mo, Nicole. Kung alam ko lang na ang pagbibigay ko sa’yo ng lahat ng karangyaan sa buhay ang magpapasama ng ugali mo ay hindi ko na lang ginawa. Nasasaktan ako sa mga ipinapakita mo. 

Alam mo ba na isang labandera lamang din ang nanay ko noong araw? Apo ka ng isang labandera! Tulad ng mga taong hinahamak mo ngayon!

Advertisement

Dati ay isang kahig at isang tuka lamang kami pero ginawa ng lahat ng nanay kong labandera ang lahat upang mapag-aral ako at makapagtapos. Hindi ko mararating ang lahat ng ito at hindi mo mararanasan ang maginhawang buhay kung hindi sa nanay kong labandera.

Kaya kung ako sa’yo ay humingi ka na ng tawad sa mga maling ginawa mo kina Aling Flor at sa kaniyang anak na si Daisy. Dahil kahit kailan ay hindi ka binigyan ng karapatan ng estado mo sa buhay na hamakin ang iba!” pahayag pa ng mayamang ginang.

Nagulat ang batang si Nicole sa sinabi ng kaniyang ina. Hindi niya akalain na sa kabila pala ng yamang kanilang tinatamasa ay galing din sa hirap ang kaniyang ina.

Humingi ng tawad si Nicole kay Aling Flor at kay Daisy. Humingi din ng paumanhin ang bata sa kaniyang inang si Sally dahil sa masama niyang inasal.

Simula noon ay hindi na inulit pa ni Nicole ang panghahamak sa ibang tao.

Sa tuwing nagpupunta sa kanilang bahay ang mag-ina’y lagi na niyang inaaya si Daisy upang makipaglaro sa kaniya. Hindi niya akalain na makakahanap siya ng isang tunay na kaibigan sa pagkatao ng anak ng isang labandera.