Nais nang Umalis ng Ginoo sa Pagiging Bumbero Upang Makapiling ang Mag-Ina; Hindi Niya Akalaing ang mga Ito Pala ang Nangangailangan ng Kaniyang Saklolo

Paalis na sa bahay papunta sa kaniyang istasyon ang bumberong si Jerry nang makita niya ang anak na si Troy na abalang naglalaro sa kanilang bakuran.

“Anak, pumasok ka na sa loob at aalis na ako. Puntahan mo na ang nanay mo sa kusina para makakain ka na,” sambit ni Jerry sa kaniyang anak.

“Mamaya na po, tatay. Hindi pa po kasi ako tapos maglaro. Kailangan ko muna pong iligtas ang mga tao sa gusaling ito!” tugon naman ng anak sabay turo sa isang kahon. 

“Gusali ba ang kahon na iyan? Ano ba ang nilalaro mo, anak?” tanong pa nito. 

“Isa po akong bumbero, tatay, tulad nyo. Sana ay lumaki na po ako dahil gustung-gusto ko na po kayong makasama. Kasi alam ko pong kapag naging isang bumbero ako’y doon ko lang kayo makakasama. Lagi po kasi kayong abala, hindi na tayo nakakapaglaro,” malungkot na tugon ng bata. 

“Pasensiya ka na, anak, ah. Alam mo namang ito ang trabaho ni tatay. Gusto ko mang mankipaglaro sa iyo ay maraming tao ang umaasa sa isang tulad kong bumbero. Alam kong hindi mo pa nauunawaan ngayon ngunit darating ang panahon na maiintindihan mo rin,” paliwanag pa ng ama. 

“Alam ko po, ‘tay. Lagi niyo naman pong sinasabi ‘yan sa akin ni nanay at naiintindihan ko naman po. Minsan lang talaga po’y nangungulila ako sa inyo dahil lagi na lang kayong wala. Sana hindi na lang kayo naging isang bumbero.

Sana naging tulad na lang po kayo ng tatay ng kaklase ko na nagtatrabaho sa opisina. Kasi pag-uwi ng tatay niya, nakakapaglaro pa sila. Kayo po kahit anong oras ay may trabaho,” malungkot pang sambit ni Troy.

Advertisement

Hindi na nakatugon pa si Jerry. Ramdam niya ang bawat salita na sinasabi ng kaniyang anak.

Binata pa lamang ay bumbero na itong si Jerry. Hanggang sa nakilala niya ang misis na si Susie at nagkaroon sila ng isang anak.

Sa totoo lamang, simula nang magkaroon ng pamilya ang ginoo ay hindi na nawala sa kaniyang isipan na umalis na lamang sa pagiging bumbero. Nais kasing mas bigyan ng oras ang kaniyang mag-ina at hindi niya ito matupad dahil sa kaniyang propesyon. 

Nang makarating sa istasyon ng bumbero ay kapuna-puna na nagugulumihanan itong si Jerry. Napansin ito ng kaniyang matalik na kaibigan at kasamahang si Nato.

“Iniisip mo pa rin ba ang mag-ina mo, Jerry? Ano ba ang naging problema?” tanong ni Nato sa kaibigan.

“‘Yung inaanak mo kasi, pare. Talagang kulang ang oras ko sa kaniya. Lumalakas na talaga ang pagnanais kong umalis na sa propesyon na ito. Matagal naman na akong nagsilbi sa mga tao. Siguro ay panahon na para pagtuunan ko naman ng pansin ang pamilya ko.

Bahala na kung ano man ang mangyari pero wala kasing kasiguraduhan sa buhay natin, pare. Minsan nga parang tanggap na lang ng asawa ko na hindi na ako makakauwi pang buhay sa kanila dahil delikado ang trabaho natin. Kaya buo na ang desisyon ko. Alam kong kailangan ako ng mag-ina ko. Lalo na at lumalaki na si Troy,” sambit naman ni Jerry. 

Nang araw na mismong iyon ay nagbigay na ng resignation letter itong si Jerry. Naisip niyang maghanap na lamang ng ibang trabaho o hindi naman kaya’y magnegosyo na lamang. Basta ang nais niya ngayon ay makapiling at makabawi sa kaniyang mag-ina.

Advertisement

Hindi na siya makapaghintay na ibalita ito sa kaniyang mag-ina. Alam niyang labis na ikakatuwa ito ng kaniyang pamilya lalo ng kaniyang anak na si Troy.

Nais sana niyang sorpresahin ang kaniyang mag-ina nang gabing iyon.

“Magkita na lamang tayo sa restawran at kakain tayo sa labas. May nais din kasi akong sabihin sa inyo ni Troy, mahal,” saad ni Jerry sa asawa.

Ngunit paalis na sana ng istasyon itong si Jerry nang kinailangan ang kanilang tulong. May nasusunog daw na pampasaherong sasakyan at maraming mga pasahero ang kailangang iligtas. 

Agad silang rumesponde sa naturang aksidente. Dali-dali nilang inapula ang apoy at isa-isang inilabas ng sasakyan ang mga pasahero. Ang iba sa kanila ay nagtamo talaga ng matinding pinsala. 

Habang inilalabas nila ang mga pasahero ay isang pamilyar na tinig ang umagaw sa atensyon ni Jerry.

“Tatay, tulungan mo po kami ni nanay. Ang sakit-sakit na at ang hapdi-hapdi na ng balat ko!” patuloy na pag-iyak ng bata.

Agad na tinunton ni Jerry ang boses ng bata at laking gulat niya nang makita ang kaniyang mag-ina na sunog ang ilang parte ng kanilang katawan. Ang kaniyang misis ay wala nang malay at nakayakap na lamang ito sa kaniyang anak.

Advertisement

Agad na itinakbo ang kaniyang mag-ina sa ospital at nag-agaw buhay ang mga ito. Labis ang pagdarasal ni Jerry sa Panginoon sa puntong iyon.

“Diyos ko, huwag Niyo namang kuhain sa akin ang mag-ina ko. Ngayon pa lamang ako babawi sa kanila. Bigyan Niyo pa ako ng isang pagkakataon upang maiparamdam sa kanila ang aking pagmamahal,” pagsusumamo ng ginoo. 

Matapos ang ilang oras na operasyon ay himalang nakaligtas ang kaniyang mag-ina. Napaluha na lamang si Jerry dahil muli niyang makakasama ang kaniyang asawa at anak.

Sa mga sandaling iyon ay walang nais si Jerry kung hindi alagaan ang kaniyang mag-ina hanggang sa bumuti ang lagay ng mga ito.

Tuluyan nang umalis sa pagiging bumbero si Jerry at inilagan na lamang ang kaniyang oras sa pag-aalaga sa kaniyang mag-ina.

Hindi nagtagal ay bumuti na rin ang kalagayan ng mga ito. Sa pagkakatong ito ay wala nang inaksaya pang pagkakataon ang ginoo upang iparamdaman ang kaniyang pagmamahal sa kaniyang asawa at anak.