Tampulan ng Panlalait ang Negrang Dalagita; May Dumampot sa Kanya sa Kalsada at Inahon Siya sa Kahirapan
Taas noong naglakad si Victoria, kahit sino ay mapapalingon sa kanyang maitim ngunit makinis na kutis. Sa murang edad ay kapansin-pansin rin ang natatanging tangkad ng dalagita, naging nobyo ng kanyang ina ang isang African American na dumayo dito sa Pilipinas pero nang mabuntis na ay iniwan na ang babae. Hindi man siya ipinalaglag ng babae, matitinding sumbat naman ang inaabot niya rito araw-araw.
“Hoy Vicky! Nangangarap ka na naman! Ayusin mo yang pag-iigib mo at nagkakandatapon ang tubig. Makita ka dyan ng nanay mo lagot ka na naman.” sabi ng kanilang chismosang kapitbahay.
Napanguso na lang ang dalagita at binilisan na ang pagbuhat ng timbang may tubig na inigib niya sa poso ng bayan. Ang dami na rin kasing nakapila kaya kailangan niyang magmadali para mabilis niyang mapuno ang balde pampaligo ng kanyang ina.
“Feeling artista, akala mo naman talaga.”
“Paano magiging artista eh kaitim-itim.”
“Susmaryosep, maitim pa sa tinta ng pusit eh.” narinig niya pang bulungan ng ibang nakapila.
Hindi niya na pinansin at nagdire-diretso na lang siya, sanay na siya sa mga ganoong pahayag. Pag-uwi niya sa bahay ay naabutan niya ang ina na mainit na ang ulo. “Kung anu-ano pa kasing kaartehan mo! Tignan mo tuloy at kalahati pa lang ang napupuno mo!” sabi nito sabay kurot sa kanyang tagiliran. Nang mapuno niya ang balde ng tubig ay nagsimula naman siyang magluto ng tanghalian nilang dalawa para pagkaligo ng kanyang nanay ay kakain na lang ito. Ganoon niya kamahal ang ina.
“Nay, tingin mo ho. Pwede ho kaya akong, ah, sumali doon sa pa-contest ng barangay? Iyong Ms. Beauty Barangay?” nananantyang tanong niya rito.
Tinaasan lang naman siya ng kilay ng ginang. “Bakit naman ho nay? Matalino naman ho ako at maraming medalya sa eskwela. Siguro naman ay masasagot ko ang mga tanong sa Q and A—” hindi niya na naituloy ang sasabihin nang sumabat ang ina.
“Hindi ka mananalo Vicky. Negra ka, sino’ng papansin sayo. Walang iintindi sa talino mo kasi panget ka naman. Sa totoo lang, kung pwede ka lang mawala sa buhay ko edi sana wala akong dalahin ngayon. Sana nga isinama ka nalang ng tatay mo.” walang ganang sabi nito.
Tila winasak ang kanyang puso, kaya niya sigurong tanggapin ang pananakit ng ibang tao pero ang magmula iyon sa kanyang ina ay walang kasing sakit. Sana ay pinatay na lang siya nito, siguro ay mas ayos pa iyon. Hindi na siya umimik pagkatapos noon. Kinagabihan ay napagpasyahan niyang maglakad-lakad muna, binabaybay niya ang gilid ng Manila Bay nang isang kotse ang tumigil sa tapat niya.
Bumaba roon ang isang matangkad na babaeng katulad niya ay maitim rin, may edad na ito pero kapansin-pansin na maganda ang mukha nito. “Oh My God, you are so beautiful. Do you want to be a model?” tanong nito. Kahit na alam niyang delikado, dala na rin siguro ng emosyon ay tumango siya rito. Tila mayroon rin kasing isang bahagi ng utak niya ang nagsasabing sumang-ayon siya.
Sumama siya rito noon ding gabing iyon. Isa pala itong manager ng mga sikat na model sa Amerika. Ilang linggo lang ay naisama na siya nito sa paglipad papuntang Amerika. Iniisip niya ang kanyang ina pero naalala niyang mas magiging masaya ito nang wala siya.
Sadyang mabait ang babae na ang pangalan ay Zara. Pinag-aral siya nito at pinasikat. Makalipas ang ilang taon. “Are you sure you can do it by yourself Ma’am?” tanong ng sekretarya ni Vicky. Nakatigil ang kotse nila ngayon sa barangay na dati niyang tinirhan.
“Yes, thank you.” sabi niya at bumaba na sa sasakyan. Habang papalapit siya sa kanilang dating bahay ay kinakabahan siya. Ilang taon na rin ang nakalipas. Tiyak na galit ang nanay niya sa paglalayas niya.
Nakamasid naman ang ilang kapitbahay, halos lahat ay nakanganga sa taglay na kagandahan niya. Nakilala siya ng ilan pero ang iba ay tila di na nakapag-isip dahil natulala na lang. Pero walang nararamdamang pagmamalaki si Victoria, ang nais lang niya ay makita ang ina, kahit na maging ito ay ikinahiya siya noon.
Hindi niya alam kung matutuwa ito na makita siya pero magbabaka sakali na rin siya, hinding hindi niya matitiis ang kanyang nanay. Pagpasok niya sa bahay ay naabutan niya ang matanda na nakatulala sa bintana. Paglingon nito sa kanya ay biglang nanlaki ang mata. Inihanda na ni Victoria ang kanyang tenga sa sermon at mura na aabutin niya. Baka nga ipagtabuyan pa siya. Pero nagulat siya nang makalapit ang matanda, at yakapin siya nito.
“Vicky, Vicky ko. Patawarin mo ako anak, sayo ko naibunton ang galit ko sa ama mo. Vicky ko… ang ganda ganda mo anak.” sabi nito na umiiyak. Napatulo na rin ang luha ng babae, mas masarap parin ang yakap ng kanyang ina.
Sa kabila ng kanyang tagumpay sa buhay ay ngayon niya lang naramdaman ang ganito ka-payapang damdamin. Alam niya, simula ngayon ay mas magiging masaya na ang kanyang buhay. Bukod kasi sa natupad na ang kanyang mga pangarap ay tila napatunayan niya rin sa kanyang sarili na ang bawat tao ay may sariling ganda, ano man ang kulay at lahi nito.