Napakababa ng Tingin ng Misis sa Kanyang Mister Dahil Maliit ang Kinikita Nito, Nalaman Niya ang Halaga Nito nang Magkasakit Siya
Tatlong taon nang nagsasama bilang mag-asawa sina Karla at Dencio. Bago pa lang ang kanilang samahan kung tutuusin pero kung ituring ng babae ang mister ay tila ba sawang-sawa na siya rito. Maliit lang kasi ang kinikita nito bilang pintor. Nagtatatak rin ito ng mga T-shirt gamit ang sariling disenyo at ipinagbebenta iyon online. At tulad ng iba lalo pa at nagsisimula palang ang asawa niya sa ganitong negosyo, maliit pa lamang ang kinikita nito dahil wala pang nakakakilala rito bukod sa ilang kamag-anak, kaibigan at ilang koneksyon nilang mag-asawa.
“Sa totoo lang ha, halos tax ko lang yang kinikita mo dyan,” sabi ni Karla kay Dencio. Kabaligtaran kasi ng lalaki, siya ay isang manager sa hotel. Malaki ang sweldo, regular at nakakasalamuha pa siya ng iba’t ibang klase ng tao. Di talaga niya maintindihan ang mister kung bakit nagtyatyaga ito sa ganoon kaliit na kita, para kasi sa kanya, basura ang ganoong trabaho.
“Ano ka ba, masaya naman ako dito. At hindi naman ako pumapalyang magbigay sa iyo ng panggastos dito sa bahay.” kalmadong sabi ng lalaki, bagamat sa loob loob ay nasaktan ito sa tinuran ng misis. Kahit kailan ay di siya nakaramdam ng pag-suporta rito, Kahit pa alam na alam naman nito kung gaano niya ka-gusto ang arts at pagguhit.
“Bahala ka. Basta paalala ko lang sayo, baka paglaki ng anak natin ay mamaliitin ka niya, kasi wala ka namang malaking perang naibibigay sa pamilya.” masungit na sabi ni Karla habang ngumunguya pa ng chichirya.
“Pangatlo mo na yan eh, kaya ka nagkaka-UTI. Tigilan mo na yan.” pansin ng lalaki sa asawa, na nangibabaw pa rin ang pagmamahal at pag aalala rito. Ipinagwalang bahala na lamang ang masasakit na katagang nasabi nito sa kanya. Napakahilig kasi sa softdrinks at sa maalat ng kanyang misis, kahit pa hirap na itong umihi ay di ito natitinag.
“May antibiotics na naman ako tsaka ako ang bumili nito. Lakas mong magbawal eh no? Pera mo ba to?” pagyayabang ng babae. Di na kumibo si Dencio. Pag ganitong usapan na kinukumpara na ng misis ang kinikita nito sa kanya ay alam niyang talo na siya. Ano nga ba naman ang ipagyayabang niya rito samantalang totoo naman ang sinasabi ng babae, oo at nakakapagbigay sya ng sapat pero di niya naman matustusan ang mga luho nito. Gustuhin man niya ay di naman kaya ng kinikita niyang kakarampot.
Isang Sabado, napaiyak na lang si Karla dahil sobrang sakit ng kanyang tagiliran. Agad siyang isinugod ng asawa sa ospital at doon nila natuklasan na kailangan na siyang maoperahan at tanggalin ang noo’y malaking bato na sa kanyang gallbladder.
Ilang araw matapos ang operasyon ay nanatili pa rin sa ospital si Karla sa ospital upang magpagaling. Hindi siya makakilos dahil nanghihina pa ang kanyang katawan. Si Dencio ang nagsilbing kamay at paa niya.
Umuuwi lang ang lalaki para magpalit ng damit at ikuha siya ng mga kailangan sa bahay. Ang kanilang anak ay inaalagaan ng biyenan niya.
Habang pinupunasan ni Dencio ang paa ni Karla ay napagmasdan ng babae ang asawa. Gwapo ito at mabait. Ano pa nga ba ang hinahanap niya? Hindi ito nakakapagbigay ng malaking kita katulad niya pero inaalagaan naman siya nito at ang kanilang anak.
Higit sa lahat ay masaya ito bilang isang artist. Sino siya para hadlangan iyon? Siya pa nga dapat ang number one fan nito pero sa halip ay ipinamukha niya na walang kwenta ang mga ginagawa nito. Hindi niya maiwasang hawakan ang kamay ng asawa na noo’y abala sa pag-aasikaso sa kanya. Halata sa mga mata ng lalaki ang pagod at puyat dahil sa ilang araw na walang tulog masiguro lamang na maayos na ang kanyang kalagayan.
“Huy? Bakit ka umiiyak? May masakit ba?” tanong ng lalaki, pagsulyap kasi nito sa kanya ay tigib na ng luha ang kanyang mga mata. Agad itong lumapit at hinawakan siya sa mga balikat, naroon ang pag aalala sa mga mata.
“Wala. Patawarin mo ko, mahal. Nagkamali ako.” sabi lang niya at napahagulgol na. Hindi na nagsalita pa si Dencio, napangiti na lang ito at inihilig ang lumuluhang misis sa kanyang dibdib.
“Ang ganda naman nito!” masayang sabi ni Karla, suot suot niya ang Tshirt na may tatak ng kanyang asawa.
“Syempre, sayo talaga yan eh.” nakangiti ring sabi ng lalaki.
Lumago ang tatakan na negosyo ni Dencio. Bukod sa magaling ang lalaki, dahil na rin siguro iyon sa buong suportang ibinibigay ni Karla ngayon. Natuto na siyang pahalagahan ang bawat gawa ng mister at i-appreciate ang tulong na naibibigay nito sa pamilya, kaya siguro lalong ginanahan ang lalaki at sinuwerte sa negosyo.