Inday TrendingInday Trending
Taklesa at Palamura Daw ang Ginang Kaya Ito Kinaiinisan, Ngunit Hindi Nila Alam na Malambot at Malambing Pala ang Tunay Nitong Kalooban

Taklesa at Palamura Daw ang Ginang Kaya Ito Kinaiinisan, Ngunit Hindi Nila Alam na Malambot at Malambing Pala ang Tunay Nitong Kalooban

Madalas kung pagtsismisan si Ginang Romina dahil halos lahat ng kanilang kapitbahay ay nakaranas nang makatikim ng matalim at masasakit magsalita nitong dila. Mag-isa na lamang ang matanda magmula nang siya ay mabyuda dahil wala silang naging anak ng kanyang asawa.

“Mars! Kanina, nadaan ako sa tapat ng bahay nung matanda. Grabe, sabi ba naman sa’kin e tumataba raw ako,” kwento ng isang dalaga sa kanyang kaibigan.

“Wala ka! E ‘yong kapatid ko nga nagsusumbong kina mama, naglalaro lang daw sila ng mga kaibigan niya nang datnan sila nung matanda tapos pinagmumura na raw. Nagtakbuhan na lang daw sila palayo. Ano kayang mayroon doon? Nakakatakot naman,” sagot naman ng isa.

“Kaya nga e, magmula nung pumanaw ang asawa niya naging ganoon na siya. Kawawa naman,” tugon ng isa pa.

“Bakit kawawa? E pinili naman niyang maging ganoon. Pwede naman siyang makisama na lang sa mga kapitbahay niya, e tutal malapit naman nang ma-tsugi ‘yon,” tatawa-tawang sabi nito.

Hindi lang mga kabataan ang pinag-uusapan si Ginang Romina. Maging ang mga ka-edaran niya ay may sinasabi patungkol sa kanya.

“Alam niyo ba? Kagabi e kumatok iyang si Romina sa bahay namin. Akala ko kung ano na, sasabihin lang pala na huwag daw naming pabayaang bukas palagi ang bintana namin sa likod. Noong tinanong ko naman kung bakit, hindi naman kumibo. Nagmura pa! Kakaiba ang ugali, ano?”

“Talaga? Weirdo talaga iyon, ano? E hindi na ata ‘yon nakapagsasalita nang hindi nagmumura e,” natatawang sabi ng isa.

“Hayaan niyo na ‘yon, nababaliw na ata dahil wala nang may gustong kumausap sa kanya.”

Lumipas ang mga araw at ganoon pa rin kung umasta ang matanda, kaya naman ganoon pa rin ang laman ng tsismisan ng kaniyang mga kapitbahay. Ngunit natigil ang kanilang mga kwentuhan nang mabalitaang hindi na raw nagising ang matanda at tuluyan nang pumanaw dahil sa katandaan.

Nagkwentuhang muli ang mga dalaga at matatanda,

“Nako, buti na nga iyon! E sa tuwing magsasalita siya e lalo lang siyang kinaiinisan ng mga tao dito sa atin.”

“Kaya nga e, at saka matanda na siya. Ayos na ‘yon nang masamahan na niya ang asawa niya. Sa langit na lang siya magsungit! Hahaha!”

Nang biglang dumating ang kanilang barangay captain na si Mang Tesho.

“Ano ba ‘yang sinasabi niyo? Tila masaya pa kayo sa pagpanaw ng butihin nating mamamayan. Napakalaki ng naiaambag niya sa atin,” wika nito.

“Naiaambag? E wala naman ho ah? Bukod sa panlalait at pagmumura sa mga kabataan,” tatawa-tawang sagot ng dalaga.

“Wala ba kayong alam?” tanong ng nagtatakang kapitan.

Nang malaman na walang kaide-ideya ang mga ito sa tunay na pagkatao ni Ginang Romina, ikinwento niya ang lahat ng kabutihang ginagawa nito para sa kanilang bayan.

“Oo, tama kayo na palamura at talagang masasabi mong madumi ang bibig ng matanda. Pero kung aalisin mo iyon, napakabuti niya. Malaki ang malasakit niya sa inyong lahat,” wika nito.

“Ikaw, Imelda, sinabihan ka ni Ginang Romina na huwag hayaang nakabukas-bukas ang mga bintana sa inyong bahay ‘di ba? Noong isang gabi lamang ay nahuli namin ang isang kawatan na pagala-gala tuwing gabi. Muntik na ngang pasukin ang mga bahay ninyo, mabuti na lamang at alisto ang matanda.”

“At ang mga bata na sinabi niyong minumura niya? Naabutan ko silang pinagmemeryenda pa ni Ginang Romina! E baka naman kaya ‘yan ang kwento sa inyo ng mga bata e dahil pinalalayo ninyo sa matanda, kaya gumawa ng istorya para hindi niyo na pagalitan,” pagpapatuloy ng kapitan. Agad naman lumapit ang batang si Justin at pinatunayang tama nga ang sabi ng kapitan.

“E, ako ho? Bakit kailangan pa niyang sabihin na tumataba ako? Inaano ko ba siya?” tanong ng dalagang si Remy.

“Nako, hija. Siyang tunay! E delikado na ang ganyang timbang. Isang taon lang ang lumipas ay kay laki na nga ng dinagdag sa timbang mo magmula ng magtrabaho ka. Nag-aalala lang sa’yo ang matanda,” paliwanag nito at sabay-sabay namang nagtawanan ang mga nakikinig.

“Ang problema ho kasi sa atin, lahat minamasama natin. Ni hindi natin nakikita ‘yong kabutihan na ginagawa para sa atin. Bawasan niyo na ho iyang tsismisan na ‘yan. Sa totoo lang ay walang magandang maidudulot ‘yan,” payo ng iiling-iling na kapitan.

Labis na nakonsensiya ang mga ito dahil sa kanilang narinig. Dahil dito, nagtulong-tulong sila upang pagandahin ang lamay ng matulunging matanda. Nagdasal din sila ng sabay-sabay upang ipanalangin ang mapayapang pagpanaog ng kaluluwa ng matanda sa langit. Malalki din ang kanilang paghingi ng tawad nang dahil sa mga nasabing masama tungkol sa nagmamalasakit lang pala na matanda.

Natutunan nila na hindi lahat ng taklesa at palamura ay masama na agad ang hangarin.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement