Inday TrendingInday Trending
Tinawag na Bobo ang Isang Babae Dahil Hindi Raw Ito Marunong Mag-Ingles, Nagulat Siya Nang Malaman Kung Sino Ito

Tinawag na Bobo ang Isang Babae Dahil Hindi Raw Ito Marunong Mag-Ingles, Nagulat Siya Nang Malaman Kung Sino Ito

Maagang bumangon si Ricky upang pumunta sa kanyang unang-unang job interview matapos magtapos sa isang kilalang unibersidad. Maraming karangalang naiuwi ang binata noon, kaya naman malakas ang loob niya na matatanggap agad siya sa trabaho.

“Anak, good luck ha! Kayang-kaya mo ‘yan,” wika ng ina ni Ricky.

“I know, ma. Ako pa ba?” sagot ng mataas ang kumpiyansa sa sariling binata.

“Pero kahit na matalino ka Ricky, ilagay mo sa lugar ‘yang kayabangan mo. Baka ‘yan pa ang maging dahilan ng pagbagsak mo,” bilin naman ng kanyang ama.

“Oo na, alis na ‘ko,” sagot nito.

Pagdating sa opisina ay lalong tumaas ang kumpiyansa ni Ricky na siya ang mapipili nang makita ang mga kalaban niya sa posisyon, dalawang lalaki at isang babae na hindi na maipinta ang mga mukha sa labis na kaba. Agad siyang naupo sa tabi ng mga ito at nakipag-usap.

“Hey! What’s up?” pambati niya sa mga kasamahan. Siniguro niya pang ingles ang lenggwahe ang gagamitin upang lalong magmukhang matalino.

“Ok naman, ako eto sobrang kabado! Perstaym ko e. Kayo rin ba?” sagot ng dalagang nagpakilala bilang Caroline.

“Ayos naman, oo una ko rin. Sana nga matanggap tayong lahat,” nakangiting sagot ni Mel, isa pa sa mga aplikante.

“Pakiramdam ko nga lahat tayo matatanggap, kasi marami raw silang kailangan sa opisina ngayon,” sagot naman ni Chris.

Tatawa-tawa mag-isa si Ricky, hindi naman maintindihan ng tatlo kung bakit ito tumatawa kaya naman agad nila itong tinanong kung bakit.

“Oh, nothing! It’s just I asked you a simple question in English and yet you answered in Filipino,” mayabang na sagot nito na tila ba siya lang ang marunong mag-ingles sa kanila.

“Ano ka ba, tayo-tayo lang naman ang magka-usap. Saka pasensiya ka na, talagang mahina ako sa Ingles e,” mahinhing sagot ni Caroline.

“Ayos lang ‘yon, Caroline. Kami na lang siguro ang kausapin mo para hindi na dumugo ang ilong mo,” pabirong sagot ni Chris at Mel.

Tila sineryoso pa ni Ricky ang dalawa at nagalit.

“Sabi niyo lahat tayo matatanggap? Asa pa kayo. Lalo ka na, Caroline. Napaka-importanteng marunong kang mag-English ‘no! Bobo! Ginawa niyo pa akong katawa-tawa,” wika ng napikong si Ricky sabay talikod sa mga kasamahan.

Hindi na lamang nila pinansin ang mayabang at mataas ang tingin sa sariling lalaki at nagkwentuhan na lamang upang mabawasan ang kabang nararamdaman. Maya-maya pa ay isa-isa na silang tinawag upang simulan ang interview.

“Mel de Castro? Come in, the panel is waiting for you,” wika ng isang babae sa kanila.

Sunod namang tinawag si Chris, at si Caroline. Natirang mag-isa si Ricky, at doon na siya dinapuan ng kaba. Pero inisip niya na siya na ang pinakamagaling sa kanila at siniguro ang sarili na matatanggap siya basta ipakita lang niya na napakagaling niya.

Maya-maya ay tinawag na siya, at nang pagpasok niya sa loob ay laking pagtataka niya nang makita si Caroline na nakaupo katabi ng mga boss na mag-iinterview sa kanila. Nang bigla itong magsalita,

“Hi, Ricky! Seat down. Let’s now start the interview. By the way, I am Caroline dela Pena, the chief executive of this company,” pakilala ng babaeng kanina ay pinahiya niya.

Halos magpakain naman sa lupa ang binata nang marinig iyon, ngunit ipinagpatuloy niya ang interview at ipinagyabang ang lahat ng nalalaman niya.

“Ok, Ricky. Narinig ko na ang lahat ng karangalan mo. Ngayon naman, eto ang tanong ko. Bakit ikaw ang pipiliin namin mula sa inyong mga aplikante? Sumagot ka na ng tagalog,” tanong ni Sir Dante Olivarez, may-ari ng kompanya.

“Yes, sir. Ako po ang dapat mapili dahil naniniwala akong ako ang pinaka-magaling sa kanilang lahat. Kung titingnan niyo po ang mga karangalan ko noong nag-aaral pa ako, at pati na rin ang galing ko sa pagsasalita ng Ingles ay siguradong panalo na ako kumpara sa kanila,” tiwalang-tiwala sa sariling sagot ni Ricky.

“Ok, we’re done. Makakalabas ka na. Tatawagin na lamang namin kayo isa-isa,” bilin nito sa binata.

Lumabas ang binata na may napakalaking ngiti sa mukha. Siguradong-sigurado na siya ngayon na siya na ang matatanggap sa pinasukang posisyon.

Ilang minuto lamang ang lumipas at sabay-sabay pinapasok ang tatlong lalaki. Humarap sa kanila ang lahat ng boss na nag-interview sa kanila.

“Ok, nakapagdesisyon na ang panel kung sino ang kukunin sa inyong tatlo… Ricky?” wika ni Sir Dante.

“Yes, sir?” napakalaki ang ngiti ni Ricky.

“I’m sorry, pero ikaw lang ang tanging hindi nakapasa sa aming pagsusulit. Simula pa lamang nang magpanggap si Caroline na kasamahan niyo ay nakitaan ka na ng labis na kayabangan. Oo, totoong matalino ka at magaling sa industriyang ito. Ngunit hindi namin kayang sikmurain ang ganyang pag-uugali. Maaaring kulang sa galing at talino si Chris at Mel, ngunit sigurado kaming maaari iyong mahasa kung tuturuang maigi. Ngunit ang pag-uugali? Mahirap ‘yang ituro. Kaya I’m sorry, but good luck on you future endeavours,” wika ni Sir Dante.

“Ganoon ba? Ayos lang. Maraming kompanya ang tatanggap sa’kin. Baka nga hindi ako bagay dito, pare-pareho kayong bopols!” pabalang na sagot ni Ricky.

Nilapitan siya ni Caroline, “Ricky? Payo lamang ha. Bago ka pa lamang sa industriya. Matuto kang makisama, rumespeto at magpakumbaba, dahil mas mahalaga iyan kaysa sa pinagmamalaki mong talino at galing. Tapos na ang interview, makakaalis ka na.”

Pahiyang-pahiya si Ricky na lumabas ng opisina. Sa labas ay napaupo na lamang siya at nagsisi sa mga sinabi at ipinakitang pag-uugali. Napagtanto niyang tama ang sinasabi ng kanyang ama na matuto dapat siyang magpakumbaba at bawasan ang kahambugan.

Magmula noon ay sinubukan nang baguhin ni Ricky ang ugali niya, kaya naman sa sumunod na kompanya niya ay agad siyang natanggap. Natutunan niyang mas mahalaga ang pakikisama sa tao at ang pagiging mapagkumbaba kaysa sa pagmamayabang niya ng mga karangalan at talino niya.

Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?

I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.

Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!

Advertisement