Inday TrendingInday Trending
Nakapulot ng Batang Kano ang Matandang Security Guard, Ito Pala ang Mag-aahon sa Kanya sa Hirap

Nakapulot ng Batang Kano ang Matandang Security Guard, Ito Pala ang Mag-aahon sa Kanya sa Hirap

Matagal nang nagtatrabaho bilang security guard sa isang malaking kumpanya si Mang Nato, mayroon siyang tatlong anak na pinag-aaral sa kolehiyo kaya kahit na pagod na ay di siya mapahinto. Katwiran niya, konting pagbabanat ng buto na lamang ay makakapahinga na rin naman siya. Basta masiguro niya lang na maayos na ang buhay ng mga anak.

Bukod doon, mabait naman din ang amo niya, si Mr.Garcia. Kahit pa sobrang yaman na nito ay parang kapantay lang niya ang tingin nito sa kanya. Nakikipagkwentuhan pag may oras at nagbibigay pa nga ng pagkain.

“Good afternoon Sir, aga ng uwi nyo po ah,” bati niya sa amo. Karaniwan kasi ay alas kwatro ito lumalabas ng opisina, alas dos pa lamang ng hapon ngayon.

Sa halip na sumagot ay tinanguan lang siya nito, ah, baka pagod. Mukhang problemado rin eh.

Ilang oras pa ang hinintay niya, pasado alas otso ng gabi ay naglalakad na siya pauwi. Himas niya pa ang dalawang sentido dahil sumasakit iyon, sa edad niyang 60 ay napakarami niya nang iniinda.

Nagulat na lang siya nang may yumakap sa binti niya, pagtingin niya ay isang batang lalaki na kulot ang buhok. Kitang kita sa itsura nito na hindi ito Pilipino, ibang lahi dahil asul ang mata. Siguro ay nasa dalawang taong gulang na ang bata.

“O? Naku toto, nasaan ba ang magulang mo?” lumingon pa si Mang Nato sa kaliwa’t kanan pero walang naroon. Sino naman ang mag-iiwan ng batang maliit sa ganitong lugar? Madilim at marumi, wala nang masyadong tao.

Iba ang kutob niya nang may marinig siyang makina ng sasakyan kaya nagkubli lang siya nang kaunti sa isang eskinita, bitbit ang bata na bakas ang takot sa mga mata. Ilang sandali pa ay bumaba ang sakay ng van, di man ito masyadong nakikita ni Mang Nato ay alam niyang may patalim ang mga lalaki.

“Naknamputa naman Reginald, pera na naging bato pa!Bakit mo kasi iniwan sa sasakyan?!”

“Napaihi ako eh! Malay ko bang may muwang na iyon, tang*na anong sasabihin natin sa buyer?”

Ang higpit ng pagkakayakap sa kanya ng bata. Buti nalang, ilang minuto lang ay umalis na rin ang mga lalaki. Dali-daling nagpunta sa barangay si Mang Nato upang doon isuko ang bata, baka sakaling hinahanap na ng magulang.

Nangako naman ang kapitan na sila na ang bahala, paalis na sana siya pero di kinaya ng kunsensya niya na iwang mag isa doon ang bata. Lalo pa at nakaangat ang dalawang braso nito at nagpapakarga sa kanya.

“Sige Kap, dadalhin ko na muna sa amin.Sabihan nyo nalang po ako kung may maghahanap ho sa kanya,” sabi niya at binitbit na ito.

Noong una ay hindi sang-ayon ang misis niya sa pagkupkop niya kay Jed, nalaman niyang iyon ang pangalan ng bata dahil paulit-ulit nito iyong sinasabi. Nang magtagal ay lumambot rin ang puso ng ginang at ito na mismo ang nagpapaligo sa musmos.

Tatlong araw na ang nakalipas ay wala pa ring nagke-claim kay Jed, nagkaroon lamang sila ng problema nang lagnatin ito. Sobrang taas, hindi malaman ng may edad na mag-asawa kung ano ang gagawin.

Naisin man ni Mang Nato na lumiban sa trabaho ay di naman pwede, lalo pa ngayon na kailangan ng gamot ni Baby Jed. Nahihiya man ay lumapit na siya sa amo para humingi ng kaunting tulong.

Diyos ko gabayan mo ako, mukhang wala pa naman sa mood si Sir,sabi niya sa sarili habang kumakatok sa opisina nito.

“Tuloy,” tipid na sabi ng amo.

“S-sir, eh ano ho..ito ang first time ko na gagawin ito talaga.Kakapalan ko na ho ang mukha ko, kailangang kailangan ko talaga gawa ng.. iyong maliit ko hong anak eh may sakit,” nakatungong sabi niya.

Medyo kumunot naman ang noo ng amo,”Maliit? Diba kolehiyo na ang mga anak mo?”

Napabuntong hininga siya, siguro ay dapat niya nang sabihin ang totoo. “H-hindi ko ho talaga anak yung baby. Pauwi ako noon nang yumakap nalang siya sa binti ko, natuklasan ko hong may kumuha pala sa kanya na mga naka-van, nakatakas lang ang bata. M-matalino nga ho sa edad na dalawa o tatlo eh, hanggang ngayon di ko mahanap ang magulang.

Ang alam ko lang, Jed ang pangalan niya. Kulot ang buhok at parang kano. May sakit ho kasi ngayon Sir, hindi ko maaring pabayaan dahil napamahal na rin sa akin-“

Hindi na natapos pa ni Mang Nato ang sasabihin niya nang bigla na lamang siyang yakapin ni Mr.Garcia.

“Diyos ko, salamat! Napakabuti mo! Salamat po.” paulit-ulit na bulong nito.

Si Jed pala ay ang kinidnap na apo ni Mr.Garcia,anak ito ng panganay ng matanda na nakapag-asawa ng foreigner. Iyon din ang dahilan kung bakit laging tuliro ang amo. Alam lang nila na kinuha ang bata ng puting van pero nang pumasok iyon sa mga makikipot na lugar ay di na nila nahanap kung saan nagpunta dahil sira ang CCTV sa iskwater.

Napakahigpit ng yakap ni Mr.Garcia nang yakapin nito ang apo, laking pasasalamat kay Mang Nato.

Nanlaki ang mata ng matandang security guard nang abutan siya ng sobreng makapal ng amo,nang buklatin niya iyon ay nasa limandaang libong piso ang laman.

“Sir, hindi ko ho ito matatanggap. T-talaga lang hong minahal na namin si Jed, hindi ho kami umaasa ng ganitong kapalit,” di makapaniwalang sabi niya, ang misis niya ay lumuluha na rin dahil nangungulila sa bata.

“Kulang pa yan sa laki ng utang ko sayo Nato,”

Nahuli na ang mga nagtangka sa buhay ng bata, isa roon si Reginald na tauhan rin pala at mismong guard sa bahay nina Mr.Garcia.

Mula noon ay naging magkaibigan na rin sila ng amo. Mapilit ito na kunin niya ang pera kaya wala na siyang nagawa.

Totoo ang karma. Ano man ang gawin natin, mabuti o masama, tiyak na may balik.

Advertisement