Sinabihan ng Babae ang Pinsan na Pagkain ng Hayop ang Ulam Nito, ang Laking Inggit Niya nang Mas Umasenso Ito Kaysa sa Kanya
Nagtatrabaho sa isang call center malapit sa SM Mall of Asia ang mister ni Angeli, si Gio. Mayroon silang isang anak na apat na taong gulang at ang babae ang nagbabantay rito. Sapat na rin naman kasi ang kinikita ng mister niya, may kaunti pa ngang sobra kaya nabibili nila ang kaunting luho.
Gayunpaman, ubod na ng yabang ni Angeli. Wala sa mga kapitbahay niya ang nakakatagal na kakwentuhan siya dahil grabe ang lakas ng hangin niya sa katawan.
“Grabe kayo, ulam nyo yang tuna? Huy, diba para sa pets lang yan?” kunwaring gulat na gulat na sabi niya, nakasalubong niya kasi ang pinsang si Belen na bumili ng de latang tuna.
“M-Masarap naman ito insan, para sa tao ito no,” nahihiyang sabi ni Belen. Ang mahal na nga ng tuna para sa kanila, swerte na ngayong araw dahil kadalasan ay sardinas lang ang ulam ng kanyang pamilya.
“My God di ko alam. Kasi ganyan ang pinapakain ko sa pusa namin, si Sussy. Pwede pala sa tao yan, di niya nga nauubos eh kaya tinatapon ko nalang.” umiiling iling pang sabi ni Angeli na sinadya pang lakasan ang boses para marinig ng mga kapitbahay niya. Nais niyang malaman ng mga ito na nakaaangat siya.
Pagkauwi niya ay tinawag niya na ang anak para kumain ng tanghalian. Pagkatapos magdasal ay akmang kukuha na ang anak ng pinritong manok na ulam nang bigla niyang pigilan ang braso nito.
“Mama nag-wash po ako ng hands,” nakamaang na sabi ng bata.
“I know Sophie. Ano ka ba, sabi sayong never call me ‘mama’. Diba, ‘mommy’ ang itatawag mo sakin? Tsaka why are you speaking in Tagalog? Speak English lang okay?” sabi niya. Tumango ang bata kaya napangiti na siya.
Kasunod noon ay dinukot niya ang cellphone sa bulsa at pinicturan muna ang pagkain. Nag-post siya sa Facebook.
‘Hays, fried chicken nalang paulit-ulit. Nakakasawa na. Wala na bang ibang ulam? Baka magkapakpak na kami nito.’ iyan pa ang inilagay niyang caption.
“Yan sige na you can eat na,” sabi niya sa anak habang wiling wili siyang maningin kung sino ang mga nag-like. Ganoon lagi ang ginagawa niya, lahat ng makain at mapuntahan niyang sosyal ay pinipicturan niya upang ipagyabang. Para inggitin na rin ang mga pinsan niyang hikahos sa buhay.
Isa sa mga nag-like ng picture ay ang kanyang tita Yngrid. Nasa London ito kaya naman feeling close siya sa matanda, palibhasa ay walang sariling pamilya at nagpapayaman nalang abroad. Minsan niya lamang ito ma-tyempuhang online kaya tinawagan niya na sa Messenger, baka mauto niya at padalhan siya ng mga mamahaling lotion.
“Hello tita? Yes, my favorite tita! How are you? How’s London?” bungad niya.
“Okay naman. Kayo ba dyan? Ang mga pinsan mo kumusta na?” tanong ni tita Yngrid.
“Medyo hirap sila sa buhay tita. Alam mo yung as in walang makain? I don’t know, parang nag-fail po sila sa mga decisions nila in life. Akalain mo po ba, si Belen kumakain ng tuna! Ang layo sa akin, ang ayos po ng buhay ko dahil malaki kung kumita ang mister ko.” taas noo niyang kwento, tiyak niyang lalong lalapit ang loob ng tiya sa kanya dahil sa mga narating niya sa buhay.
“Aba mabuti naman para sayo hija, swerte ka pala kay Gio.”
“Yes tita, as in bukod sa nagpo-provide siya for the family, nabibili pa namin kahit na anong gustuhin namin.” nadagdagan pa nang nadagdagan ang pagyayabang niya hanggang matapos ang tawag.
Ang saya niyang natulog ng gabing iyon dahil sa isang Linggo ay padadalhan raw siya ng tiyahin ng mga imported na chocolates. Sabi na nga ba niya eh. Hindi niya ibabahagi ang mga iyon sa mga pinsan. Bakit pa? Siya naman ang paboritong pamangkin.
Tsaka hindi na malalaman, tiyak niya naman kasing walang internet ang mga ito sa bahay.
Mabilis lumipas ang mga araw at masayang binuksan ni Angeli ang isang malaking balikbayan box. Punong-puno iyon hindi lamang ng mga chocolate kundi mga lotion, pabango, sabon, damit at sapatos.
Nakarinig siya ng mga katok at bago pa siya nakatayo ay nabuksan na ng kanyang anak ang pinto.
“Insan?” narinig niyang tawag ni Belen, papalapit na ang mga hakbang nito.
Napairap siya, hay nako, baka humingi pa ang lintik.
“O naparito ka?” taas kilay na sabi niya.
“Magpapa-wow! Ang daming padala sayo ah!” nakangiting sabi ni Belen. Bihis na bihis yata ito?
“A-Ah, konti lang yan insan.Ano nga ang ipinunta mo?” nagmamadaling tanong niya.
“Gusto ko lang sanang personal na magpasalamat, kukunin na kami ni Tita Yngrid sa London! Kami nina Gerald at Bing!” halos mapatalon sa tuwang sabi nito.
Hindi naman nakasagot si Angeli. Paanong..? Bakit? Imposible!
“P-Paano nangyari iyon? Bakit kayo lang?” di naitago ni Angeli ang inggit sa boses.
“Dahil sa iyo insan, sinabi mo kay tita na mahirap ang buhay rito kaya naisip niyang tulungan kami at doon bigyan ng trabaho. Sobrang salamat talaga. At ikaw raw, tiyak siyang kaya mo na ang sarili mo, swerte ka nga dahil maganda raw ang trabaho ng asawa mo rito.” yumakap pa sa kanya ang babae.
Tulala lang si Angeli at di na nakapagsalita hanggang umalis na si Belen.
Pinagsisihan niya ang lahat ng kayabangan, ngayon ay nakakarma siya dahil siya itong inggit na inggit ngayon na hindi makakarating sa London.