Hindi Nagustuhan ng Babae ang Ka-blind Date Niya; Sa Hindi Inaasahang Pangyayari, Nakita Niya ang Tunay na Ugali ng Lalaki
Rinding-rindi na si Mika sa kanyang mga magulang. Idagdag pa rin ang kanyang mga tiyahin at ibang mga lola.
Tuwing uuwi siya ng bahay palagi na lamang siyang inaasar ng kanyang nanay na kaya mainitin ang kanyang ulo ay dahil wala siyang nobyo.
“Oh, bakit nakakunot na naman ang noo mo, hija? Eh kakauwi mo lang?” tanong ng kanyang ina.
“Wala naman ma, pagod lang sa trabaho,” sagot niya naman.
“Eh kung may love life ka sana eh di sana hindi ka palaging umuuwi ng stressed,” pang-aasar ng kanyang ina.
Tuwing may salu-salo naman o pagkikita silang magkakamag-anak ay ayaw na ayaw niya rin pumunta. Ang dahilan nito ay palagi rin siyang kinukulit ng kanyang mga tiyahin.
“Mika! Bakit wala ka na namang dalang nobyo ngayon?” tanong ng kanyang tiya.
“Eh wala po kasi akong nobyo tita, kaya wala po akong dadalhin,” sagot naman ng dalaga.
“Ayun na nga ang problema hija, tuwing nagkikita tayo palaging ikaw lang ang nag-iisa. Ang mga pinsan mo magsisipag-asawa na,” umiiling na sagot ng isa niyang tiyahin.
“Ayos lang naman po yun, ‘no. At saka hindi naman po ako nagmamadali,” magalang na pagsagot ng dalaga kahit naiinis na.
“Dapat nga hija magmadali ka na. Bente kwatro ka na, hindi ka pa rin nagkakanobyo man lang. Ilang taon ka na bago ka pa mag-anak!” sagot naman ng kanyang tiya.
Madalas ay ngingiti na lamang ang dalaga at magpapaalam na umalis kaysa ilabas niya pa ang inis at pagkayamot sa harap ng kanyang mga tiyahin.
Kahit ang mga kaibigan niya sa opisina ay nirereto na rin siya kung kani-kanino ngunit talagang masaya siya sa trabaho niya at wala pa sa isip ang pumasok sa relasyon.
Ngunit isang araw, kanyang napag-isip isip ang sinabi ng kanyang tiyahin, na siya ay tumatanda na. Kaya naman, pumayag siya sa isang blind date na inaalok sa kanya ng isa niyang kaibigan.
“Wag kang mag-alala, mabait yun, magugustuhan mo siya,” ani ng kanyang kaibigan.
“Malalaman natin pag nagkita kami,” sagot niya.
“Kaibigan ko yun Mika, kaya sure akong magugustuhan mo yun,” sagot muli ng kanyang kausap.
Tumango na lang si Mika. Kilala kasi siya sa kanilang opisina bilang isa sa mga babaeng mahirap ligawan. Mataas kasi masyado ang standard ng dalaga pagdating sa magiging nobyo, hindi lang sa pisikal ngunit pati na rin sa ugali.
At dumating na nga ang araw na itinakdata para sa blind date ni Mika. Ayon sa kanyang kaibigan, magkikita sila sa isang restaurant na napagusapan.
Medyo kabado ang dalaga pagbaba niya ng sinakyang taxi habang naglalakad papalapit sa lalaking naka kulay itim na polo.
Naglaho ang lahat ng kanyang kaba at napalitan ng pagkadismaya ng makita ang buong itsura ng lalaki sa malapitan.
Unang sumagi sa isip ni Mika ay ang baduy na porma ng lalaking ito. Hindi terno ang kulay ng kanyang sapatos sa kanyang pantalon. Mas matangkad pa ng kaunti ang dalaga kaysa sa lalaki. Hindi naman pangit ang lalaki pero hindi rin siya kagwapuhan. “Sakto lang, pwede na, kaso, ‘di ko talaga gusto eh.”
Pinilit parin subukan ni Mika na makita kung magugustuhan niya parin ba ang ka-date niyang si Miguel, ngunit, ang pisikal na katangian palang niya ay ekis na para sa dalaga.
Kaya naman, pagkatapos na pagkatapos nilang kumain ay nagpaalam bigla ang dalaga at nagdahilan na may kailangan siyang asikasuhin sa kanyang opisina.
Kahit nagtataka at halatang nalungkot si Miguel ay hinayaan niya naman si Mika umalis.
“Pasensya ka na ha, emergency lang kasi talaga eh,” palusot ng dalaga.
“Okey lang may next time pa naman. Kung gusto mo, ihatid nalang kita,” alok ng binata.
“A-ah. Hindi ba nakakahiya. Nako, kahit wag na,” sagot ni Mika.
“Sige na, para mabilis kang makarating sa opisina mo.”
Dahil nagi-guilty si Mika sa pagsisinungaling niya sa binata ay pumayag na lang siyang magpahatid dito.
Napansin ni Mika na luma na ang kotseng minamaneho ni Miguel. Kaya naitanong niya ang binata tungkol dito.
“Ah, pasensya ka na ha. Oo medyo luma na itong model na ito. Dapat kasi bibili na ako ng bago pero binilhan ko nalang muna yung kapatid ko, kailangan niya rin kasi eh,” nahihiyang sagot ng binata.
Hindi agad na nakasagot ang dalaga nang maisip niyang mabait palang kapatid si Miguel.
Nang siya’y may itatanong ulit, nagulat sila pareho sa tunog ng ambulansyang paparating galing sa likod.
Agad-agad na itinabi ni Miguel ang kanyang sasakyan sa gilid para makadaan ang ambulansya dahil nasa kalagitnaan sila ng trapik at nakahinto ang mga sasakyan. Ngunit napansin nilang ang iba pang sasakyan sa harap ay hindi gumagalaw at umaalis para bigyan ng daanan ang ambulansya.
Nabigla si Mika nang lumabas si Miguel ng kanyang sasakyan at pinuntahan isa-isa ang mga sasakyang nakahinto sa kanilang harapan.
Nang makita ni Mika na kinakausap ni Miguel ang mga drayber ng sasakyan, nagtataka siya dahil isa-isa ring umandar ang mga sasakyan at tumabi sa gilid ng kalsada hanggang sa makadaan ang ambulansya.
Kahit alam ng dalaga ang nangyari ay tinanong pa rin niya si Miguel.
“Paano mo nagawa yun?” tanong ng dalaga.
“Ah, wala yun, nakiusap lang ako sa kanila. Importante kasi na mapadaan agad ang ambulansyang yun para makaabot sila sa ospital sa tamang oras,” mahinang sagot ni Miguel.
Napatahimik ang dalaga sa sagot ni Miguel. Nakita niya na maayos palang tao ang lalaking ito at nahihiya siya sa kanyang sarili dahil nauna niyang tignan ang pisikal na katangian ng lalaki at hindi ang kanyang kalooban.
Sa kanyang kahihiyan ay inamin ni Mika ang katotohan na hindi niya talaga kailangang pumunta sa kanyang opisina at palusot lamang sana niya ito. Humingi siya ng tawad kay Miguel dahil alam niya sa kanyang sarili na hindi karapatdapat na lokohin ang taong katulad ni Miguel na may mabubuting puso.
Napatawad naman siya ng binata at binigyan pa nila ng isa pang pagkakataon ang kanilang date. Hindi nagtagal at nagkamabutihan ang dalawa. Ang puso ng dalaga na napakahirap masungkit ay napaamo ng isang binata nang dahil sa mabuti nitong kalooban.
Ano ang aral na natutunan mo sa kathang ito?I-like at i-follow ang manunulat na si Inday Trending at subaybayan araw-araw ang bagong maiikling kwento ng inspirasyon na sumasalamin sa buhay, suliranin at karanasan ng isang Pilipino.Maraming salamat sa pagtangkilik, Kabayan!