Binuhusan ng Ihi Mula sa Arinola ng Misis ang Napakabait na Mister, Sising-Sisi Siya sa Nagawa Pero Huli na ang Lahat
Tatlong taon nang kasal ang mag asawang Daria at Mario. Mahal na mahal ni Mario si Daria dahil tinanggap niya pa rin ang babae kahit na may anak na ito sa pagkadalaga, sa katunayan nga ay siya pa ang nagpapaaral sa anak nito ngayon. Wala pa silang sariling supling.
Si Daria naman ay hindi marunong makuntento, pala-silip siya at lahat nalang ay nakikita. Hindi pa siya magpasalamat na tanggap siya ni Mario sa kabila ng lahat.
“Bakit ang bilas ko mare, pinakasalan sa simbahan tapos eh pinondohan ng mga byenan ko. Tapos ako, sa huwes lang? Naku, masasama talaga ang ugali ng pamilyang yan.” pag-tsismis ni Daria sa kaibigan niyang si Rose.
“Ano ka ba mars, di ba nga’t binigyan pa kayo ng lupa ng mga byenan mo. Pasalamat ka nga at pinakasalan ka pa,” sabi nito. Hindi siya madiretso.
Umirap lang naman si Daria bilang sagot. Palibhasa ay wala naman siyang trabaho, dito sa tsismis niya ibinubuhos ang oras nya. Kadalasan pag uuwi ang mister ay ito pa ang magsasaing at maglilinis sa bahay, palagi syang nagda-drama na masakit ang balakang.
Kesyo nahihilo, nasusuka, baka buntis. Minsan ay napupuno na rin si Mario sa kanya pero dahil nangingibabaw ang pagmamahal nito ay pinapalagpas nalang ang nakakainis na ugali ng babae.
“Ito lang?” mataray na sabi ni Daria sa lalaki isang gabing iabot nito sa kanya ang sahod. Binilang niya, walong libo. Kung tutuusin ay wala silang anak at di rin naman nangungupahan kaya sapat na iyon.
“Oo, 2000 pamasahe ko hon.” sabi ng pagod na mister.
“8000 pagkakasyahin ko? Included na ang kuryente rito at tubig ha, hay nako! Baka naman nagbibigay ka sa nanay mo?” paaskad na tanong niya sa mister.
Medyo napabuntong hininga naman ang lalaki at nais sumagot ng ‘ano naman, nanay ko naman iyon,’ pero pinili na lamang nitong magpakumbaba.
“Pasensya kana, may dalawang araw na absent kasi ako nung nilagnat ka remember? Babawi ako sayo,” sabi nito habang hinihimas ang sentido. Nitong nakaraan ay dumadalas ang pagsakit ng ulo nito.
“Pasensya- hindi kapa sumasagot! Nagbibigay ka sa nanay mo no?! Alam mo hindi mo na responsibilidad ang matandang yun kami na ng anak ko ang kargo mo ngayon! Mas inuuna mo pa sila kaysa sa gastusin natin sa bahay, di ako makapaniwala sayo!” sunod sunod na bunganga ni Daria, umakyat siya sa taas at dinabugan ang asawa.
Ganoon palagi ang eksena nila sa bahay, palibhasa ay laging nasusunod, lalong lumaki ang ulo ng babae. Habang tumatagal ay sumasama ang trato niya sa mister, kahit ito ang bumubuhay sa kanya ay napakaliit ng pagtingin niya rito.
Hanggang sa isang umaga, ang init nanaman ng ulo ni Daria. Nalaman niya kasi sa hipag niya na inuwian ni Mario ng pizza ang nanay nito.
“Yung ipinambili mo ng pizza ng matandang yon sana pinambayad nalang natin ng kuryente!” sigaw nya kahit marami pa naman talagang sobrang pera, maramot lang sya.
Di naman sumasagot ang lalaki dahil naliligo ito, papasok sa opisina.
Kaya naman lalong nanggigil si Daria, pasipa nyang binuksan ang pinto ng banyo na hindi naman naka-lock. Gulat na gulat ang mister niya, kinuha nya ang arinolang di pa nahuhugasan nito at ibinuhos ang laman noon sa lalaki.
“Ayan! Bagay sayo! Pasalamat ka wala dito nanay mo dalawa pa kayong bubuhusan ko!” sabi nya.
Agad syang umakyat sa kwarto at nagkulong roon. Habang si Mario ay tulala at napaluha nalang, awang awa sa sarili. Ano bang masama ang ginawa nya para makaranas ng ganito?
Buong araw ay napag isipan ni Daria na mali ang ginawa niya. Nadala lang siya ng galit at selos sa kanyang byenan, siguro ay ipagluluto niya nalang si Mario ng paborito nitong hamonado para mawala na ang galit.
Kauuwi lamang ni Daria mula sa palengke at handang handa nang magluto nang makatanggap siya ng tawag, nang sagutin niya iyon ay isang di kilalang boses ang kumausap sa kanya.
“Hi, this is Eirah from Upperworks, is this Mrs. Daria Ravelo?” tanong nito, ah, taga-roon sa pinagtatrabahuhan ng asawa nya.
“Oho, bakit ho?”
“Mr. Ravelo was rushed to the hospital 15 minutes ago. Kanina pa syang umaga dumadaing ng head ache nya then suddenly natumba nalang po.”
“H-ho? Saang ospital ho?!” natataranta na si Daria. Sinabi ng nurse kung saan iyon at agad naman siyang pumunta. Napasimangot pa sya nang madatnan ang kanyang byenan doon.
“Doc kumusta ho ang asawa ko?” tanong niya sa doktor, ang mister niya ay nakahiga na at walang malay.
“Stage 4 brain cancer, iyon ang dahilan ng..” hindi na malaman pa ni Daria ang sunod na sinabi ng doktor dahil ang mga katagang iyan nalang ang tumimo sa utak nya.
Sobrang sisi niya, ilang buwan lang ang nakalipas ay pumanaw na rin si Mario. Dahil na rin sa bilin ng lalaki ay di siya pinaalis ng byenan sa bahay nya ngayon, bagamat damang dama ni Daria ang kawalan.
Hindi niya pinahalagahan ang asawang nagmahal at tumanggap sa kanya, alam niya na kahit halughugin niya ang buong mundo ay di na sya makakahanap pa ng tulad ni Mario.