Inday TrendingInday Trending
Alam ng Binata na Iniibig Siya ng Dalaga Kaya Sinamantala Niya Ito; Iyak Siya nang Magtagpo Muli ang Kanilang Mga Landas Ilang Taon ang Nakalipas

Alam ng Binata na Iniibig Siya ng Dalaga Kaya Sinamantala Niya Ito; Iyak Siya nang Magtagpo Muli ang Kanilang Mga Landas Ilang Taon ang Nakalipas

“Grace, tulungan mo naman ako oh! May report kasi ako bukas kay Ma’am Lopez. Eh may basketball practice din kami mamaya. Lapit na tournament kasi. Pwede mo ba akong tulungang gawin ‘to?” paghingi ng pabor ni Bryan sa kaklaseng si Grace. Walang pag-aalinlangang tumango ang dalaga.

Matagal nang may gusto ang dalaga kay Bryan at alam iyon ng binata. Simula elementarya hanggang kolehiyo ay magkaklase na ang dalawa. Hindi mawari ng binata kung sinusundan ba siya ng dalaga o sadyang nagkataon lang talaga.

Hindi naman kasi itinatago ng dalaga ang nararamdaman niya para sa binata. Hindi man direktang sabihin ni Grace pero kahit na sino ay alam na may gusto siya sa binata.

“Sure! Ako na bahala sa report mo. Magfocus ka nalang muna sa basketball practice mo tapos briefing na lang kita bukas bago ka magreport,” nakangiting tugon ng dalaga kay Bryan. Agad naman na niyakap ng binata ang dalaga. Siguradong mapupuyat na naman siya mamaya sa daming gagawing school works. Pero okay lang ‘yun para sa dalaga, ito lang din naman ang paraan niya para mapalapit sa binata.

“Thanks Grace! The best ka talaga!” agad din namang kumalas sa yakap ang binata at nagtungo sa kanilang gym para makapagpractice na ng basketball. Napangiti naman ang dalaga habang tinitingnan ang likod ng binata habang papaalis ito.

Madalas magpatulong si Bryan kay Grace pagdating sa mga gawain nila sa eskwelahan. Mapa assignments, projects, exams o reports man, lahat ay ang dalaga ang gumawa at umaalalay kay Bryan. Matalino nga naman kasi talaga ang dalaga at sobrang sipag. Ito lang din ang paraan niya para makuha ang atensyon ng binata.

Si Bryan ang team captain kaya naman hindi dapat siya mahuli sa practice. Mabuti na lamang talaga at nandyan palagi si Grace para saluhin ang mga responsibilidad niya sa akademiks. Alam niya na matagal nang may gusto sa kaniya ang dalaga kaya naman lahat ng hingin niya dito ay ginagawa nito. Hindi ito makatangi sa kaniya.

Wala siyang gusto sa dalaga at kahit na minsan ay hindi siya nagkagusto rito. Sadyang kailangan niya lang talaga ang tulong na kusang loob namang binibigay ni Grace sa kaniya, kaya hinahayaan niya itong makalapit sa kaniya.

Katunayan, hindi naman pangit si Grace. Hindi lang talaga siya marunong mag-ayos. Mahigit sampung taon na rin silang magkakilala. Elementarya pa lang ay magkaklase na sila at simula noon hanggang ngayon ay parang hindi pa rin nagbabago ang dalaga.

Mabuti na lamang talaga at matalino ito, kaya naman napapagtiyagaan niyang pakisamahan. Ang dalaga rin kasi ang madalas gumawa ng kaniyang mga gawain sa eskwela kaya naman hindi siya gaanong nahihirapang pagsabayin ang akademiks at extracurriculars niya. Mabait din ito kaso, hindi niya talaga tipo ang dalaga. Kahit kailan ay hindi rin naman niya binigyan ang dalaga ng kahit anong hudyat na may gusto siya rito. Bahala na itong mag-assume.

“Hi Kiara, ito na pala yung project mo oh. Tapos ko na gawin,” binigay ni Bryan sa isang magandang dalaga ang project na pinagpuyatang gawin ni Grace para sa kaniya.

Ang akala kasi ni Grace ay project iyon ni Bryan. Lingid sa kaniyang kaalaman ay para pala ito sa babaeng natitipuhan ni Bryan, si Kiara Santiago. Ang pinakasikat at pinakamaganda sa kanilang eskwelahan.

“Oy, salamat ha? Ang galing mo naman. Napatapos mo kaagad, tapos ang ganda pa ng pagkakagawa mo,” nakangiting tugon ni Kira sa binatang ngingiti-ngiti lang.

Hindi naman sinasadyang nakita ito ni Grace. Nawasak nang husto ang kaniyang puso at tila ba bigla siyang nagising. Pakiramdam niya ay bigla siyang sinampal ng katotohanang ginagamit lang siya ng lalaking napupusuan niya! Napakat*nga niya!

Hindi niya nakayanan ang kaniyang nakita at mabilis na tumakbo paalis. Nakita naman ni Bryan si Grace na tumakbo paalis habang umiiyak. Nakonsensya siya bigla. Alam niyang nasaktan ang dalaga sa kaniyang nakita. Kahit naman wala siyang gusto sa dalaga, kahit papaano ay mahalaga rin ang dalaga sa kaniya. Nagpaalam na muna siya kay Kiara at pinuntahan si Grace.

Nakita niyang umiiyak ito sa ilalim ng punong manga sa likod ng gym nila. Dahan-dahan siyang lumapit dito. Nabigla na lamang siya nang bigla na lamang tumayo ang dalaga at tinitigan siya ng mga mata nitong lumuluha.

“Ito ang tandaan mo Bryan, sinusumpa ko, isang araw magugustuhan mo rin ako, at sa panahong iyon, ako naman ang aayaw sa’yo!” saad ng dalaga habang nakatitig sa kaniyang mga mata. Sa mga oras na iyon ay biglang kinabahan ang binata. Para bang nasasaktan siya sa nakikita sa dalaga.

Magsasalita pa lamang siya nang biglang tumakbo paalis si Grace.

Pagkatapos ng pangyayaring iyon ay hindi niya na ulit nakita pa si Grace hanggang sa araw ng kanilang pagtatapos. Hindi niya na alam kung ano na nga ba ang nangyari sa dalaga. Hindi man niya aminin ay namimiss niya ang mukha ng dalaga at ang manang na pananamit nito na labis na nakakairita sa kaniya dati. Nahirapan din siyang pagsabayin ang basketball at ang pag-aaral niya kaya naman bumagsak siya sa iba niyang mga subjects.

Nang nawala ang dalaga sa buhay niya ay doon lamang niya napagtanto kung gaano kahalaga ito sa kaniya. Ang hiling niya na lamang ay sana, sa araw na magkita ulit sila ay hindi pa huli ang lahat at mabigyan pa siya ng dalaga ng isa pang pagkakataon na itama ang pagkakamali niya.

Lumipas pa ang ilang taon at nasa isang simbahan si Bryan. Nakangiti siya habang pinagmamasdan ang napakagandang si Grace habang papalapit sa kaniya.

Ibang-iba na ito sa Grace na kanyang nakilala at sinaktan. Mas matapang, mas matatag at napakaganda na nito ngayon. Wala siyang masabi sa kagandahan ng babaeng mahal. Mapa panlabas na anyo man o kabutihang loob, sadyang napakaganda nito.

At nang nakarating na sa dulo si Grace ay agad na kinuha ng lalaking nasa tabi ni Bryan ang kamay ng dalaga. Si Bernard, ang nakakatandang kapatid niya na matagal na rin palang iniibig si Grace simula ng mga bata pa sila.

Nagkita muli ang dalawa at umamin ang kuya niya sa dalaga at niligawan ito hanggang sa nauwi na nga ang lahat sa kasalan. Nagulat na lamang siya nang ipakilala ng kapatid ang mapapangasawa nito, ang babaeng hinihintay niyang magbalik at lubos na iniibig.

Bagaman hindi sila ang nagkatuluyan sa huli, masaya na rin si Bryan para sa kaniyang kapatid at sa babaeng sobrang minahal ngunit sinayang niya lamang. Alam niyang aalagaan at mamahalin ng lubos ng kaniyang kapatid si Grace. Dahan-dahang tumulo ang kaniyang luha ng magpalitan na ng “I do” ang bagong mag-asawa.

“Masaya ako para sa’yo. Congratulations Grace, pinakamamahal ko,” mahinang bulong ng binata sa sarili.

Madalas ay hindi natin makita ang halaga ng isang bagay o tao dahil madali lamang natin itong nakukuha. Hindi natin ito mabigyan ng sapat na halaga na nararapat para rito. Nawa’y matuto sana tayong magpahalaga sa mga bagay o tao na laging naririyan para sa atin. Huwag sana nating hintayin na mahuli ang lahat bago natin sila pahalagahan.

Advertisement