
Mapanghusga ang Matandang Babaeng Nagsisilbi sa Simbahan; Isang Binata ang Magbibigay sa Kaniya ng Aral
Maagang-maaga pa lamang ay makikita mo na si Aling Dolores na naglalakad patungo sa simbahan. Kilang-kilala ang matanda bilang isang relihiyosa sapagkat matagal na itong naninilbihan sa parokya ng kanilang komunidad. Halos araw-araw kung ito ay magsimba maliban sa araw ng lunes at madalas ay makikita mo siyang nagbabasa ng salmo sa harap ng altar. Siya rin ang nag-aayos ng ibang kagamitan sa simbahan.
“Aling Dolores, kailangan po namin ng magdadasal sa bahay kasi sumakabilang buhay na po ang aking biyenan,” saad ng isang ginang.
“Sige, sasabihan ko ang ibang mga tauhan ng simbahan. Iwanan mo ang iyong numero para matawagan ka nila,” tugon ng matanda.
Mabait naman itong si Aling Dolores lalo na sa ibang tao. Ngunit dahil na rin siguro sa katandaan nito ay hindi niya maiwasan ang magsungit sa mga taong napapansin niya sa simbahan.
“Hindi ito plaza! H’wag kayong makipagkwentuhan dito. Kung gusto niyong makipagkwentuhan ay malaya kayong lumabas ng simbahan!” sita ni Aling Dolores sa dalawang dalagang nag-uusap.
“Tingin mo ba ay isang kabaret ang tahanan ng Diyos? Umuwi ka sa inyo at magpalit ka ng iyong damit! Ginagawa mong makasalanan ang ibang tao sa kakatingin sa lumuluwa mong dibdib,” paninita muli ng matanda sa isa pang dalaga.
Sa kabila kasi ng pagiging relihiyosa nito ay medyo may pagkamatabil ang dila nito at mapanghusga.
Madalas kung magsalita si Aling Dolores ng kaniyang mga puna mula sa kasamahan niya sa simbahan. Maging ang mga pari na nagdadaos ng misa ay hindi nakaligtas sa kaniya.
“Ano sa palagay mo ang ginagawa ni Sister Mira? Hindi maganda ang kaniyang boses upang awitin ang salmo na iyan. Sana ay binasa na lamang niya,” bulong niya sa isang kasamahan.
“Tingnan mo itong pari na ito, paulit-ulit lamang ang sinasabi tuwing misa. Nakakasawa para sa mga tagapakinig. Baka mamaya ay kumonti ang parokyano ng simbahang ito,” saad na naman niya.
“Dolores, nasa misa tayo. Baka mamaya ay may makarinig sa iyong iba. Tigilan mo na ang pagsasalita ng ganiyan sa iba. Hindi magandang sa atin pa ito nanggagaling sapagkat taong-simbahan tayo,” wika ni Aling Melba, kasamahan niya sa simbahan.
“Nagsasabi lang naman ako ng totoo. Kaya kaunti ang nagsisimba dito ay hindi kasi magagaling ang mga tagabasa!” pabulong niyang sambit.
Napailing na lamang ang ilan niyang kasamahan. Hindi na rin nila pinapatulan pa si Aling Dolores dahil nga may edad na ito.
Isang araw ay abala ang matanda sa pag-aayos sa simbahan tulad ng kaniyang nakagawian.
“Salamat naman at lilipat na sa iba ang dati nating pari!” wika niya sa isang kasama. “Siguro naman sa pag-alis niya ay darami na rin ang parokyano dito sa simbahan,” dagdag pa niya.
“Ayan ka na naman sa mga sinasabi mo, Dolores,” sita ni Aling Melba sa matanda. “Ano kaya ang hitsura ng bagong pari natin dito sa parokya, ano?” dagdag nitong tanong.
“Kahit ano pa ang hitsura niya ay dapat magaling siya lalo na sa salita ng Diyos. Kung hindi, wala na namang pupunta sa simbahan na ito,” pahayag ni Aling Dolores.
Samantala, habang abala ang mga ito sa pag-aayos ay pumasok ng simbahan si Andrea. Kilala ang babaeng ito bilang isang “dakilang kabit” daw sa kanilang lugar. Kung sinu-sino kasing lalaki ang nakikitang kasama nito. Ang sabi rin ng iba ay nagtatrabaho ang babaeng ito sa isang bar.
Nang makita ni Aling Dolores na papasok ng simbahan si Andrea ay agad niyang binitawan ang kaniyang ginagawa at hinarang ang dalaga sa pagpasok nito.
“Hindi ka p’wedeng pumasok sa simbahan na ito. Ang isang tulad mo ay walang karapatan na humarap sa Diyos at pumasok ng simbahan. Hindi ka na nahiya sa Diyos sa lahat ng ginagawa mong pagsira ng pamilya!” saad ng matanda.
Napayuko na lamang si Andrea sa pahayag ni Aling Dolores.
“Narito nga po ako para humingi ng tawad sa Kaniya,” mahinang wika ni Andrea.
“Magbago ka muna saka ka humarap sa Kaniya. Lumabas ka na ng simbahan na ito sapagkat isang matinding kahihiyan ang makita ang isang tulad mo sa lugar na ito,” pananaboy ng matanda.
Bahagyang nangilid ang luha ni Andrea sa masakit na sinabi ni Aling Dolores. Tumalikod ito at akmang aalis nang isang binata ang pumigil dito.
“Malaya kang pumasok sa simbahan na ito. Sige at tumuloy ka!” sambit ng binata.
“Sino ka para sabihin iyan sa kaniya? Hindi mo ba kilala ang babaeng iyan? Masyado siyang makasalanan!” giit ni Aling Dolores.
“Sa pagkakatanda ko po, ginang, walang pinipili ang Diyos sa kung sino po ang nais pumasok sa kaniyang tahanan. Ang simbahan ay ginawa para sa mga taong makasalanan– upang matulungan sila ng Diyos na magbagong buhay,” wika pa ng binata.
“Kaya kung nais mong pumasok ng simbahan, binibini, at nais mong tumawag sa kaniya ay malaya kang gawin ito. Bukas ang simbahan sa lahat ng taong gustong pumasok,” sambit ng binata sa dalaga.
“Marami ka masyadong sinasabi! Sino ka ba, ha? Hindi mo ba ako kilala? Matagal na akong nagsisilbi sa simbahan na ito!” galit na tanong ng matanda.
“Kaya siguro po madalang ang taong pumapasok dito sa simbahan na ito ay dahil sa pag-uugali ninyo. Pasensiya na po, ginang, at hindi ko po nais na bastusin kayo. Ngunit sa pagkakatanda ko ay hindi ganiyan ang Panginoon na kilala ko,” patuloy ng binata.
“Siya nga po pala, ako po ang bagong pari na naitalaga sa parokyang ito,” nakangiting wika ng binata.
Sobrang pagkapahiya ang naramdaman ng matanda sa kaniyang narinig. Hindi niya akalain na ang binatang ito pala ang bagong pari. Natameme siya dahil sa lahat ng kaniyang sinabi.
“Nakakalungkot na isipin na may mga taong simbahan ang nanghuhusga sa kanilang kapwa. Lahat po tayo ay may karapatan na magbago at kung sino po ang nais na lumapit sa Diyos ay wala tayong karapatan na pigilan ang taong iyon,” sambit ng pari.
Tuluyang pumasok si Andrea sa simbahan at nagulat si Aling Dolores nang makita niya ang dalaga na lumuhod at umiyak sa harapan ng Diyos upang humingi ng kapatawaran dito.

Alam ng Binata na Iniibig Siya ng Dalaga Kaya Sinamantala Niya Ito; Iyak Siya nang Magtagpo Muli ang Kanilang Mga Landas Ilang Taon ang Nakalipas
